Tindig ng Nueva Vizcaya: Paglaban para sa bayang kinagisnan!

FEU Advocate
March 05, 2026 18:08


Nina Mikaela Sindac at Shane Tapican

Kung nakikita ng mga korporasyon ang pagmimina bilang landas tungo sa kaunlaran, itinuturing naman ito ng mga residente ng Dupax del Norte bilang banta sa lupang minana at buhay na kanilang kinagisnan. Sa likod ng pangakong progreso, natatabunan ang kanilang mga kuwento at nauuwi sa pang-aabuso sa kalikasan, kabuhayan, at karapatang pantao.

Sa pagpasok at patuloy na operasyon ng mga kompanyang nagmimina tulad ng Woggle Corporation sa kabundukan ng Nueva Vizcaya, muling nabuhay ang matagal nang usapin kung para kanino nga ba ang likas na yaman ng bayan.

Mula sa barikadang itinayo ng mga mamamayan hanggang sa pagtuligsa ng kompanya sa kanilang pakikibaka, lumilitaw ang mas malalim na tunggalian: para kanino nga ba ang lupa, at sino ang may tunay na kapangyarihang magpasiya sa kinabukasan ng Nueva Vizcaya?

Para kanino ang lupa? 

Kilala ang rehiyon ng Nueva Vizcaya sa bansa dahil sa handog nitong magagandang tanawin gaya ng Kasibu River, Aritao Rice Terraces, at Imugan Falls. Binansagang ‘Watershed Haven of Cagayan Valley’ ang lugar dahil sa kayamanan nito sa agrikultura na siyang nagsisilbing pangunahing pinagkukunan ng pang-araw-araw ng mga namamalagi rito. 

Gayunpaman, maraming korporasyon ang patuloy na nagtatangkang gamitin ang kalupaan ng Nueva Vizcaya para sa pagmimina sa kadahilanang ito raw ang tuluyang magpapaunlad sa lugar.

Kamakailan lamang, inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapaikli ng proseso para sa permiso ng pagmimina upang madagdagan ang mga nais maglaan ng kapital sa estado.

Nitong Agosto 2025, inaprubahan ng DENR at Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang Exploration Permit (EP) ng Woggle Corporation na pagmamay-ari ng mga dayuhan. 

Pinangunahan ang naturang paglagda nina DENR Assistant Secretary for Mining Concerns at concurrent MGB Officer-in-Charge Director Michael Cabalda, kasama sina Tommy Alfonso, Pangulo ng Woggle Corporation, at Lorne Harvey, General Manager for Operations.

Kanilang pinahintulutan ang kompanya na pasukin ang kalupaan sa Nueva Vizcaya at sukatin kung hanggang saan nila maaaring simulan ang pagmimina. Sakop sa nakasaad na EP ang Bitnong, Inaban, Parai, Munguia, at Oyao. 

Mula rito, sunod-sunod ang naging pagkondena ng mga residente sa mga nasabing barangay dahil patuloy na naaapektuhan ang kalikasan at kanilang tirahan at hanapbuhay. Kapit-bisig silang nagtayo ng barikada upang tutulan ang pagmimina. 

Sa pahayag ni Harvey, kanilang binatikos ang pagbabarikada ng mga mamamayan na pansariling interes lamang ang nagtutulak para sila ay magprotesta. Isinasakripisyo raw ng mga ito ang kapakanan ng iba nilang kasamahang empleyado ng Woggle. 

Alinsunod nito, nakaayon daw sa batas ang kanilang EP, gayundin umano ang paglatag ng kanilang Certificate of Non-Overlap kung saan nakasaad na wala silang matatamaang naninirahan sa nasabing kalupaan habang nagsasagawa ng operasyon sa pagmimina. 

Subalit taliwas sa ipinaglalaban ni Harvey ang opinyon ni Jordan John ‘Dani’ Cabarles sa panayam ng FEU Advocate, isang environmentalist, na direktang naaapektuhan ng pagmimina ang mga komunidad at katutubong pamayanan sa sosyal, ekonomikal, at politikal na aspekto.

“Marami tayong mga rural communities, IP communities, na very dependent sa agriculture and fisheries, as well as our forest resources. Kapag mayroongmining operations doon, nako-contaminate ‘yung kanilang water resources, namamatay ang kanilang biodiversity, affecting their livelihood,” aniya.

Bagama’t kinikilala ni Cabarles na maaaring magbigay ng kabuhayan ang pagmimina, binigyang-linaw niya na panandalian lamang ito habang mananatili ang pangmatagalang pinsalang natamo ng kalikasan at lipunan.

“Kasi kapag na-extract na nila ‘yung mineral at resources in that area at wala na silang makuha, they have to go to other places. Leaving these communities unemployed. ‘Yung long-term environmental and social causes,mas mataas. Mas matimbang ‘yung kung ano ang nawala sa community kaysa sa na-gain nila,” dagdag pa niya.

Habang ipinipinta ng kompanya ang pagmimina bilang ginintuang oportunidad, mariing winasak ni Cabarles ang huwad na pangakong ito. Sa likod ng kinang ng kita, may mga komunidad na pinabayaan, kalikasang nilapastangan, at isang lipunang dahan-dahang pinagkakaitan ng dangal at karapatan.

Maaalalang sangkot din ang kompanya sa ilegal na pagputol ng puno sa Purok Keon, Bitnong nang walang pasintabi at legal na permiso mula sa DENR—isang patunay na hindi na bago ang kanilang mga paglabag sa kaayusan ng kalikasan. 

Sa isang panayam kay Joy Dulnuan Watan, isa sa mga nagtayo ng barikada sa Dupax del Norte, isinalaysay niya ang ginawang panlilinlang sa kanila ng Woggle Corporation.

“Unti-unti po nila kinuha ang loob po namin. Sa mga eskuwelahan po, namigay po sila ng mga ayuda at kagamitan, tumulong po sila pagtapos ng Bagyong Uwan, pero ‘yun po pala ay nililinlang lang po nila kami sa kung ano ang tunay nilang pakay,” kuwento niya. 

Kasunod nito, hindi garantisado ang hinaharap ng mga empleyado sa ilalim ng minahan, at kung lilitisin, kakaunti lang ang kinikita ng mga ito. Malayo sa sapat na salapi upang tumbasan ang kanilang pagkayod para sa kompanya. 

Anong karapatan ng mga dayuhang ito para diktahan ang magiging reaksiyon ng mga magsasaka, bata, at matandang pangunahing parte ng lupang pilit nilang sinasakop?

Sa manlulupig ‘di ka pasisiil!

Higit pa sa simpleng protesta laban sa isang kompanya ang pagtutol ng mga residente. Pagtindig ito laban sa mas malawak na sistema ng kapangyarihan at ekonomiya kung saan inuuna ang tubo ng iilan kaysa kabuhayan at karapatan ng lokal na mamamayan.

Sa halip na ipagtanggol ang taumbayan sa gitna ng ganitong laban, sila pa ang nakaranas ng karahasan mula sa kapulisan. 

Matatandaang iniulat ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) na mahigit 300 pulis ang ipinadala sa Dupax del Norte upang buwagin ang barikadang iniharang ng mga mamamayan.

Sa kaparehong insidente, walong lehitimong residente ang inaresto kabilang na ang mga nagpoprotesta. Ayon sa PAHRA, may mga nasaktan at nagresulta sa pagkakaroon ng medical emergencies sa hanay ng mga mamamayan dahil sa marahas na pagbuwag sa barikada.

Isa sa mga nakaranas at nakasaksi ng matinding tensiyon si Veymale Depayso, na sapilitang hinila ng kapulisan at muntik nang posasan sapagkat nakilahok sa kilos-protesta. Ikinuwento niya sa panayam ng FEU Advocate ang dahas na naranasan at ang pakikipagmatigasan sa kapulisan.

“Kailangan lalaban ako kahit maposasan na po ako, kasi hindi naman po kasalanan ‘yung protektahan ko ang lupa kung saan kami lumaki. Hindi naman po ako kriminal para ako ay posasan,” ani Depayso.

Sumasalamin sa kabuoang damdamin ng mga taga-Nueva Vizcaya ang karanasan niyang puno ng takot at pangamba na sinasabayan ng matinding paninindigan.

“Habang hinihila-hila ako ng mga pulis, sumisigaw ako nang malakas habang umiiyak. Pagkatapos noon ay may lumapit [na mga kasamahan ko] sa akin para pumunta muna sa likod dahil nakita nilang nahihirapan na ako,” dagdag pa niya.

Mula rito, malinaw na sila ang tunay na biktima ng sitwasyon, dahil sa halip na ipagtanggol, sila pa ang ginipit at inabuso ng kapangyarihang dapat sana’y sa kanila pumapanig.

Sa kabilang banda, nagpatuloy ang laban hindi lamang sa hanay ng mga nagprotestang mamamayan, kundi maging sa mga magsasaka at matatanda ng Nueva Vizcaya. 

Isa sa kanila si Fe Ferrer, isang senior citizen na magsasaka mula sa Bitnong na tanging pagtatanim ang pangunahing pinagkukuhanan ng kabuhayan.

Ipinahayag niya sa isang panayam kasama ang FEU Advocate kung gaano kahirap manindigan para sa karapatan ng mahihirap batay sa karahasang kanilang nararanasan. Subalit sa kabila noon, patuloy pa rin ang paglaban nila nang patas para sa bayan.

“Ang hirap pala ipaglaban ang karapatan ng mahirap. Noong January 1 hanggang 23, [lalong] sobra. May hinimatay, pinaghihila, at may ikinulong na pito. Ganiyan po namin kamahal ang bayan. Anumang panganib lumalaban kami nang patas. Patuloy po ang barikada hanggang mapaalis ang salot na mina,” pahayag ni Ferrer.

Inilahad pa niya na patuloy ang pagbabantay ng mga tao sa barikada. Bagama’t tila nawawala ang hustisya para sa mga kapos-palad, nanatili siyang nakatindig hindi lamang para sa sarili, kung hindi para sa mga kabataan at susunod na henerasyon.

“Maghapon, magdamag, at kahit may bagyo, naroon ang mga tao. Ipadama sana nila na may hustisya pa rito. Kasi ang ramdam namin, walang hustisya para sa aming kapus-palad. 68 na ako [at] buhay pa rin sa ganitong pamumuhay. Ako’y senior na at bingi pa pero lumalaban ako hindi po para sa akin, kung ‘di para sa mga bata at sa susunod na henerasyon,” aniya.

Sa edad at kahinaan, dala ni Ferrer ang bigat ng karanasan, ngunit higit pa roon, ipinakita niya ang tibay ng paninindigan na nakaugat sa pag-asa para sa kinabukasan ng mga kabataan.

Isiniwalat ng kanilang napagdaanan ang pagkukulang ng gobyerno na ipagtanggol ang kapakanan ng mga nasa laylayan ng lipunan at tiyaking para sa lahat ang hustisya, hindi para sa iilan.

Mula sa mga salaysay, nangingibabaw ang kawalan ng katarungan na tila pumapabor lamang sa may kapangyarihan. Hindi lamang ito simpleng pagkukulang, bagkus tahasang pagtalikod sa karapatan ng mga taong dapat nitong pinagsisilbihan.

Ipamana, huwag ipamina!

Sa harap ng dahas, panlilinlang, at tahasang panggigipit, hindi natitinag ang panawagan ng mga taga-Nueva Vizcaya: hindi kaunlaran ang pagmimina kung kapalit nito ang pagwasak sa lupang minana, pagyurak sa karapatan, at paglapastangan sa kalikasan.

Sa kabilang banda, pansamantalang sinuspende ng MGB noong ika-11 ng Pebrero ang permiso ng Woggle Corporation na magbungkal ng lupa dahil sa mapanganib na kalagayan ng lugar dulot ng patuloy na kilos-protesta.

Bunsod ng takot at pangamba, tila naging dayuhan ang mga Pilipinong ito sa kanilang sariling lupa. Dala-dala ang takot na sila’y puntiryahin at muling paalisin. 

Kaya naman hiling ni Depayso, bilang isa sa mga nakilahok sa protesta, na ipadama ng awtoridad ang aksiyon na kailangan upang sila’y maging panatag. 

“Sana po ay maging patas ang pagpapatupad ng batas. Ipakita nilang hindi nila pinapanigan ang Woggle at sana ngayong suspendido na ang permit ng Woggle ay pumunta sila sa drilling site para pagsabihan ang Woggle na madalihing baklasin ang mga drilling machine,” saad niya. 

Sa nangyaring hidwaan sa pagitan ng kapulisan at mga karaniwang residente, naging malinaw para kina Depayso, Ferrer, at Watan kung ano ang umiiral na pananaw sa kanila ng mga namumuno: sila ang itinuturing na kalaban sapagkat pinili nilang manindigan. 

Kasabay ng hinaing ng mga apektadong mamamayan, iginiit ni Board Member Emerlene Jane Galanta-Martinez ng ika-12 Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya na mahalaga ang pakikilahok ng komunidad, bukas na impormasyon, at likas-kayang kabuhayan para sa lahat.

“Una, dapat may tunay at malinaw na konsultasyon sa komunidad. Hindi sapat ang pormalidad lamang, kailangang maramdaman ng tao na sila ay bahagi ng desisyon. Ikalawa, dapat maging transparent ang lahat ng impormasyon at mahigpit ang environmental safeguards. At higit sa lahat, palakasin natin ang agrikultura at iba pang pangmatagalang kabuhayan na hindi sisira sa ating likas na yaman,” ayon sa kaniya.

Sa ganitong punto, panahon na upang manindigan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng batas nang makatarungan. Tiyakin na hindi isinasantabi ang kapakanan ng taumbayan kapalit ng pamumuhunan. Walang saysay ang progreso kung hindi makatao ang proseso.

Makatwiran lamang na itigil ng korporasyong ito ang pag-asta na sila ang dehado at inaabuso. Sapagkat walang anumang operasyon ang may moral na batayan kung itinatayo ito sa panggigipit. Pinagkakait nito sa mga tao ang karapatang magpasiya para sa kanilang sariling tahanan.

Kaya naman nararapat na pagtibayin ang mga umiiral na batas tulad ng Comprehensive Agrarian Reform Law at Indigenous People’s Rights Act. Ipagkaloob sa mga katutubo ang karapat-dapat at huwag kailanman subukang baklasin ang kanilang identidad.

Ang barikadang itinayo gamit ang pagkadismaya at hinagpis ay bunga ng mahabang laban at bangungot na araw-araw hinaharap ng masang-api.

Kaya’t kung tunay na kakampi ng bayan ang pamahalaan, ipakita nilang patas ang batas para sa tao at kalikasan. Huwag ipagpalit ang kinabukasan sa mina o kapangyarihan ng iilan. Ipamana, huwag ipamina!

(Dibuho ni Denz Miguel Alcantara/FEU Advocate)