Comm students bag Best Fashion Show Award in Adobo Video Fest
- January 13, 2022 03:39
FEU Advocate
April 18, 2026 09:55

Sa kolehiyo, tila hindi maiiwasan ang pag-ibig — isinulat na sa kapalaran sa mismong sandali na ikaw ay nag-enroll sa Pamantasan. Wari’y napakahaba ng apat na taon nung una, ngunit habang tinatahak mo na iyong landas, biglang bumibilis ang ikot ng orasan.
Sa pagitan ng mga panahon na iyon, napakaraming umusbong: pagkakaibigan, mga tagumpay na hinubog ng luha at pawis, mga pagbabago sa pagkatao at pisikal na anyo, at higit sa lahat, ang pag-ibig.
Pag-ibig na nagsimula sa simpleng pag-ikot sa pamantasan. Sa pagsalubong ng tingin sa mga palakaibigang mata sa loob ng kani-kanilang mga booth noong TamHunt.
Pag-ibig na nagsimula sa pagsagot ng kanilang form — tila paghabol sa pintuang pasara na, ngunit sa huli’y nagbukas ng mundong hindi mo na nanaising iwan.
Pag-ibig na tatanggap sa iyo nang buong puso. Hindi kailanman ipinaramdam sa’yong panauhin ka lamang ngunit bahagi ng isang tahanan.
Pag-ibig na gumabay sa’yo upang mahanap ang sarili, pati na ang mga bahagi mong matagal nang naliligaw.
Pag-ibig na papahalagahan mo nang lubos, hanggang sa hindi mo mamamalayan na may hangganan ang pananatili rito.
At sa pagdating ng sandaling kailangan mo nang lumisan, saka mo lang maranasan ang bigat ng pagbitiw. Hindi mo man gustuhin, pero kailangan.
Dahil paano nga ba muling matututong mabuhay nang wala na ang presensiyang naging bahagi na ng bawat araw mo? Paano sisimulan ang mga umaga nang wala na ang ingay ng mga mensahe mula sa’yo? Paano nga ba haharapin ang mundo nang hindi iniisip ang mga pangangailangan mo?
Dadalhin ko ang lahat — ang mga alaala ng mga pinagsamahang halakhak na nagsilbing pahinga, at ang mga pinagdamayang pagod sa mga gabing tila walang katapusan — saanman ako anurin ng panahon. Bagaman maliit at malamig ang opisinang ating pinagsaluhan, hindi nito matatawaran ang init ng mga sandaling doon nabuo. Sapagkat sa puso ko, mananatiling malaki at nagliliyab ang espasyong sinakop mo.
Maraming salamat sa mga kaalamang ibinahagi mo, mga oportunidad na binuksan mo, at sa landas kung saan natagpuan ko ang sarili ko dahil sa’yo.
Hindi naman ako kulang noong ako'y pinatuloy mo, ngunit binuo mo pa rin ako.
- Arianna Montefalcon
(Dibuho ni Alexandra Lim/FEU Advocate)