Lady Tamaraws shock league-leading Lady Eagles to force a do-or-die match
- May 05, 2019 17:14
FEU Advocate
August 07, 2024 19:35
Ni Mark Vincent A. Durano
Nagpahayag ng pagkadismaya ang mga mag-aaral ng Far Eastern University (FEU) mula sa ikaapat at ikalimang taon matapos ang matagal na proseso ng kanilang enrollment ngayong araw, ikapito ng Agosto.
Bilang tugon, inilipat ang mga araw ng enrollment sa ikawalo at ikasiyam ng Agosto, habang sa Sabado naman para sa lahat ng antas.
Ayon sa mga post sa Facebook group na One Piyu Community, nagpapakita lamang ang Student Central na “Enrollment is currently closed.”
Dagdag pa rito, karamihan sa mga problemang naranasan ng mga estudyante ang pananatili ng puting screen, kakulangan ng units, at kawalan ng mga kurso.
Hinaing ng ilang Tamaraws na maaga sila gumising para mag-enroll ngunit hindi pa rin naaayos ang problema na umabot na hanggang hapon.
Sa panayam ng FEU Advocate, ipinahiwatig ni fourth-year Internal Auditing student Ken Tugado na paulit-ulit na lang na problema ng mga estudyante ang mababang antas ng serbisyo ng Student Central tuwing enrollment.
“Sa naunang tatlong taon ko, wala pa ring pagbabago. Problema lang talaga ang sinasapit ko tuwing enrollment. ‘Yung tuwa at excitement na dapat maramdaman ko dahil huling taon ko na sa Pamantasang ito ay napalitan ng inis at mga tanong,” aniya.
Ibinahagi naman ng ikaapat na taong mag-aaral ng Komunikasyon na si John Vergel Villarba na halos kalahating araw siyang naghintay upang makapag-enroll.
“Sobrang sama, ‘di pa ako nakaranas ng ganitong sitwasyon sa loob ng apat na taon ko sa Unibersidad, dati pwede ka pa makapasok pero ‘yung nauuna mo pang matapos lahat ng mga gawain mo sa bahay, tapos ‘di pa rin tapos sa paglo-load ‘yung mga courses ko sa Student Central,” saad niya.
Nagsimula ang enrollment noong Biyernes kung saan nakaranas din ng parehong problema ang mga ikalawa at ikatlong-taong mag-aaral. Gayunpaman, nakapag-enroll pa rin ang karamihan sa kabila ng mabagal na proseso.
Kinondena rin ng mga mag-aaral ang madalas na pagkaubos ng mga slot sa mga kurso kung saan hindi nasisiguro ang napiling oras at araw.
“Tapos ‘pag pinilit ibang slots, in conflict na sa ibang subjects, sa huli, uulitin ng estudyante ‘yung schedule niya. Awa lang, [‘Yong] kalidad ng serbisyo ninyo, i-ayon niyo naman sa presyong hinihingi ninyo,” dagdag ni Tugado.
Sa isang personal na Facebook post ng Bise Presidente ng FEU Central Student Organization na si Patricia May Luansing, iniimbestigahan at inaayos na ng developers ang nasabing problema.
Samantala, inanunsyo ng Pamantasan na offline na ang Student Central para sa developer updates pagpatak ng 2:41 ng hapon.
Muling binuksan ang enrollment ng 3:30 ng hapon.
Inabisuhan naman ni Luansing ang mga mag-aaral na maya’t mayang i-refresh ang Student Central o mag-submit ng ticket sa Tamaraw Easy Assist Hub.
Nagbukas din ang Institute of Accounts, Business, and Finance at Institute of Tourism and Hotel Management Student Councils ng kani-kanilang petisyon para sa karagdagang kurso.
(Kuha ni Kayla Babista/FEU Advocate)