Lady Tams succumb to UST’s defensive intensity
- October 27, 2024 16:30
FEU Advocate
October 28, 2024 21:16
Ginagawang pipi ng sistema ang bawat babaeng nilalapastangan batay sa kanilang kasarian. Binubulag ng mapangmatang lipunan ang dalagang biktima ng istruktural na pang-aabuso sa kinalalagyan nitong pamayanan. Sa kawalan ng kakayahang umimik laban sa karahasan, sino ang sisigaw ng tulong para sa kanila kung walang nakatutok na kamera?
Binagtas ng dokumentaristang si Kara David sa ‘Kapalit ng Katahimikan’ ang kanayunang ilap sa pagtataguyod ng boses ng kababaihan—ang pook kung saan nakakabit pa rin sa patriyarkal na balangkas ang kahulugan ng katarungan.
Sa ‘bahay’ ang impiyerno
Sa bungad ng dokumentaryo, agad nang binalisa ang mga manonood sa katanungan ni Kara.
Paano kung ang pakakasalan mo ay ang lalaking nang-abuso rin sa’yo? Anong tulog ang makukuha sa gabi kung ang iyong bangungot sa bawat pagpikit ng mata ay siyang katabi mo sa paghiga?
Hindi nakaligtas ang 17 taong gulang na si “Dolores” sa kasamaan ng kaniyang tiyuhin. Ginamit bilang parausan, pinagsamantalahan na parang laruan; ganito ang kadilimang ipinaramdam sa kaniya ng pang-aabusong seksuwal.
Ang mas malala pa rito, nagbunga ang panggagahasa kay Dolores mula naman sa kapitbahay na nang-abuso rin sa kaniyang kahinaan.
Gustuhin mang lumaban ng pamilya, ang pagkamit ng hustisya para kay Dolores ay nangangahulugang pagsisimula ng gulo sa kanilang komunidad. Sa huli, pagtikom ng bibig ang tinuturong sagot ng kanilang pamayanan.
Isang kabayo at anim na libong piso. Iyan lamang ang halagang katumbas ng dangal ni Dolores—pabuya kapalit ng pananahimik at pagpapakasal ng isang biktima ng tawag-laman.
Samantala, karumal-dumal din ang sinapit ni “Marisol” at ng limang taong gulang niyang kapatid na si “Jasmin” mula sa kanilang tiyuhin.
Binubuhat man silang parang anak, makamundong pagnanasa lang pala ang iniisip ng kanilang tito sa paghawak at paghaplos sa mga bata.
Hindi lang sa bahay, kung hindi pati sa ilog na pinagtatampisawan ng dalawang musmos na babae isinagawa ang pananamantala.
Mula sa palaruan dapat ng mga bulinggit, nagmistulang kumunoy ang lugar kung saan iginapos sa seksuwal na pang-aabuso ang kanilang kabataan.
Kung tutuusin, kapayapaan at seguridad ang dapat ibinibigay ng ating mga tahanan. Ngunit para kina Dolores, Marisol, at Jasmin, walang ibang dala ang espasyo ng bahay maliban sa pagkabahala sa nagtatagong demonyo mula sa impiyerno.
Sa lupa ang pagkasadlak
Nakulong ang may sala kina Marisol at Jasmin. Habang nabili naman ng mananalakay ni Dolores ang kaniyang katahimikan kapalit ng pagpapakasal.
Bagaman dalisay ito para sa kanilang komunidad, tila malagim na bangungot ito para sa mga batang niliyaban ng apoy ng pagmamaltrato, at kay Dolores na ikinandado sa pag-aasawa.
Ngunit, anong katarungan nga ba ang maaaring mahita para sa pinsalang naglamat sa kamusmusan ng isang bata? Anong hustisya ang nakamit sa pagtatago ng karahasan sa ilalim ng pag-iisang dibdib?
Inilalantad ng pangyayaring ito ang hindi matapos-tapos na balakid ng mga kababaihan sa isang lipunang nakasentro sa patriyarkal na kapangyarihan.
Ang karanasan ng tatlong babae sa dokumentaryo ay ang patunay na istruktural at sistematiko ang pang-aabuso sa kanila, ibinubunyag na pati ang batayan ng herarkiya sa pamilya ay nakaugat sa pag-ilalim ng babae sa asawa nitong lalaki.
Sa kalakhang lipunan, malawakang pagdududa na ang natamo ng sistema ng hustisya sa Pilipinas. Palaisipan kung anong hitsura ng katarungang pantao ang makakamtan sa mabagal at bulok na pamamalakad nito.
Naibubunyag din sa dokumentaryong ito hindi lamang ang pagkapipi ng kababaihan laban sa pananamantala, kung hindi pati ang pananahimik ng sistema sa karahasang dapat nitong sinusupil.
Maaaring hindi sapat ang isa o tatlong karanasan upang makita ang kabuuang litrato ng malawakang kasakiman ng kalalakihan sa kababaihan.
Ngunit, kailangan nating tandaan na bukod sa tatlong babae sa dokumentaryo, mayroon pang libo-libong kababaihan ang nananahimik at mahinang humihikbi sa poot ng kadiliman na hindi nadadakip ng bawat dokumentaryong naipalalabas.
Sa kamera ang tingin, diwa ang makikinig
Paano ba dapat isinasalaysay sa harap ng kamera ang pagdurusa? Para kay Kara David, hindi kailangan ng mukha ang emosyon.
Makatao ang ginawang dokumentaryo ni Kara. Binigyang-respeto ng dokumentarista ang personal na espasyo ng kaharap na biktima, hindi pinipilit na magsalita kung hindi kayang daanan pabalik ang masalimuot na nakaraan.
Alam niya kung kailan hihinto; kung ano ang itatanong. Mapapansin na ang pagtrato nito sa mga kaharap ay hindi lamang isang subject sa pag-aaral, subalit itinuring silang mga tao na may buhay at may boses upang magkuwento.
Sa kabila ng atensiyong nakuha ng palabas na ito, batid ang limitadong kakayahan ng midya upang pukawin ang kamalayan ng bawat manonood.
Kinakailangan pa ring paigtingin ng gobyerno ang pagpapatupad ng mga batas laban sa panggagahasa at abutin ang mga liblib na lugar kung saan naghahasik ng lagim ang mga halimaw.
Ngunit, maski ang batas ay malalagasan ng pangil kung sa kultura mismo nakapunla ang karahasang pinaiigting ng machismo at patriyarka.
Hindi uubra ang paghagilap ng mga kamera sa karahasang nananakot sa kababaihan. Marapat nang wakasan ang puno’t dulo ng panggagahasa upang maputol ang legasiya ng patriyarka sa Pilipinas.
Pagputol sa hindi pantay na pagtrato at pagbibigay-espasyo sa kababaihan ang kailangan natin upang magkaroon tayo ng ligtas at makataong lipunan.
Hangad ng mga batang kababaihan ang makakita ng imahe ng paglaya sa mga susunod na dokumentaryo. Nawa’y pagsumikapan nating makamtan ang isang lipunang inaaruga ang kababaihan at kung saan malaya silang makapagsasalita nang walang anumang kapalit at sakripisyo. Upang sa huli, hindi na kinakailangan ng mga katulad ni Kara na magkuwento ng mga naratibo na magpapaalalang ang itinuturing na tahanan ay maaari ding maging sentro ng karahasan.
- Eryl Cabiles
(Latag ni Runoel Julius Barde/FEU Advocate)