‘The time is now’: LAYAS Duterte Network, inilunsad ng kabataan

FEU Advocate
January 26, 2025 17:47


Ni Mark Vincent A. Durano

Iginiit ng mga progresibong kabataang lider ang kagyat na impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte sa pormal na pagbubukas ng Leaders and Advocates of the Youth for the Accountability of Sara (LAYAS) Duterte Network sa Vinzons Hall ng University of the Philippines (UP) noong ika-23 ng Enero.

Dalawampu’t isa sa mahigit 70 nagpetisyon ng ikalawang kaso ng impeachment ni Duterte ang nanguna sa pagbuo ng network.

Dapat agaran

Ayon kay Kabataan Partylist (KPL) Rep. Raoul Manuel, mabagal umusad sa Kamara ang tatlong kaso ng impeachment na kinahaharap ng Bise Presidente.

“Batay sa konstitusyon ‘tsaka sa rules ng Kamara, dapat once verified ang mga impeachment complaints… ‘Immediately,’ dapat ay i-forward na ‘yan [ng House Secretary-General], ibigay sa House Speaker,” aniya.

Sa Section 3 ng Rules of Procedure in Impeachment Proceedings ng nakabababang Kongreso, nakasaad na “a verified complaint for impeachment by a Member of the House or by any citizen upon a resolution of endorsement by any Member thereof shall be filed with the Office of the Secretary General and immediately referred to the Speaker (ang beripikadong reklamo para sa impeachment ng kahit sinong Miyembro ng Kamara o sinong mamamayan mula sa isang resolusyon ng pag-endorso ng kahit sinong Miyembro ay dapat maipasa sa Opisina ng Tagalihim Heneral at agarang isangguni sa Tagapagsalita).”

Ipinapaloob din ng batayan ang pagtitiyak sa bilang ng mga takdang araw para aksiyonan ng House Speaker at Kamara ang kaso.

Dagdag ni Manuel, naberipika na ni House Secretary-General Reginald Velasco ang tatlong kaso ng impeachment ni Duterte, ngunit nagbabakasakali pa ito na may darating pang ibang kaso. Kinondena ito ng mambabatas at inudyok ang maagap na pag-aksiyon ng Kamara.

The time to act is now (Ngayon ang oras para umaksiyon) kasi habang tumatagal po ay puwedeng gumawa pa ng ibang mga hakbang ang Bise Presidente na hindi na naman sang-ayon sa interes ng publiko,” sambit niya.

Sa nalalapit na eleksiyon, hinimok din ng Tagapangulo ng One Big Fight for Human Rights and Democracy na si Vito De La Cruz ang agarang aksiyon alinsunod sa pagpapatalsik kay Duterte.

“Ang bawat eleksiyon ay nakabatay sa pananagutan sa taumbayan. Sa bawat eleksiyon, binibigyan ka ng tiwala at puwesto para magserbisyo, pero ‘pag tinatraydor mo itong tiwala at ginagamit ang puwesto sa pagnakaw sa taumbayan, katulad nga ni Sara Duterte, karapat-dapat lamang na [ikaw ay] ma-impeach,” anito.

Matatandaang nagpahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng kaniyang pagtutol sa impeachment ng dati niyang katambalan sa UniTeam kung saan inilarawan niyang very poor” ang tiyempo ng mga kaso, lalo’t papalapit na ang eleksiyon.

Ininda rin ni De La Cruz ang balak ng Bise Presidente na umangat ng puwesto bilang Pangulo matapos nitong banggitin na matindi niyang ipinapalagay ang muling pagtakbo sa 2028.

Samantala, isiniwalat ng Tagapangulo ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Sentral na Konseho ng Mag-aaral na si Tiffany Faith Brillante ang kalagayan ng edukasyon sa ilalim ng Bise Presidente.

“Malinaw po sa mga kabataan na hangga’t pinapatagal natin sa puwesto si Sara Duterte ay lalo lamang lumalala ang pagkakait sa karapatan sa edukasyon ng mga kabataan,” saad niya.

Idinetalye ni Brillante ang pagkakaroon ng P8.4 na bilyong kaltas sa pondo ng PUP sa 2025 bilang halimbawa. Sa kabuoan naman, makakaranas ng P12 na bilyong kaltas ang Department of Education sa inaprobahang badyet ngayong 2025.

Idinagdag din niya ang nararanasan na kakulangan ng pasilidad, kagamitan sa pagkatuto, at guro.

Batayang korapsiyon

Dagdag pa rito, ibinahagi ng Rehente ng mga Mag-aaral ng UP System na si Francesca Mariae Duran ang kanilang inilunsad na ‘UP Act Against Corruption Network’ bilang bahagi ng kanilang pagsisimula ng ikalawang semestre.

“[Kami] ay bumuo din ng isang malawak at multi-sektoral na alyansa upang pagkaisahin ang buong komunidad ng UP laban sa korapsiyon at pagpapabaya ng estado,” sambit nito.

Kasalukuyan nang mayroong 10 lider ang lokal na grupo, habang 44 na organisasyon ang pumirma sa kanilang manifesto of unity.

Iginiit din ng rehente ang pagkakaroon ng sapat na batayan upang ma-impeach si Duterte, batay sa pagkakaisa ng mga kabataan. 

Bilang paghahalintulad naman sa nalalapit na pista ni St. Thomas Aquinas, binigyang-halaga ng Press Relations Officer ng University of Santo Tomas Central Student Council na si Annie Nicholle Agon ang pagsisilbi ng gobyerno para sa ikabubuti ng lahat mula sa patron.

“Pero makikita naman natin ay hindi naman talaga siyang nagsisilbi for the common good na katulad ni Sara Duterte na ginagamit ‘yung kaniyang kapangyarihan, kaniyang influence para hindi mapanagot sa kaniyang mga ginawang kamalian,” saad niya.

Ayon kay Agon, sinasalamin ito sa impluwensiya at kapangyarihan ng mga pamantasan sa iba’t ibang isyu, tulad ng pagtaas ng matrikula.

Bilang huling tagapagsalita, inilatag ng Pambansang Tagapagsalita ng Anakbayan na si Mhing Archie Gomez ang tipo ng pamahalaan na dapat ibigay sa mga Pilipino.

“Ang deserve natin, isang gobyerno na nagsisilbi at pinamumunuan ng masang api, isang gobyerno[ng] nagpapanagot sa lahat ng nagkasala. Ipaglaban natin ang isang gobyernong kinakatakbuhan ng masang api at hindi ng mga korap at kriminal,” anito.

Bitbit ng mga tagapagsalita ng programa ang mga plakard na binabaybay ang salitang ‘bagsak,’ bilang gradong ipinapataw ng kabataan sa naging serbisyo ni Sara Duterte sa taumbayan.

Mula sa mga binanggit na batayan, simbolikong binigyan ng mga kabataan ng bagsak na grado si Duterte. 

“Bagsak po ang grado ni VP Sara Duterte dahil sa walang sawa at walang pakundangan niyang pagnanakaw sa pondo ng taumbayan na dapat sana ay napupunta sa sektor ng edukasyon. Bagsak ang grado ni Vice President Sara Duterte dahil sa kaniyang korapsiyon sa gobyerno, dahil sa kaniyang disservice sa mga mamamayang Pilipino,” ani Brillante.

Taas-kamaong nanindigan ang mga tagapagsalita ng LAYAS Duterte Network na patalsikin si Sara Duterte sa pagka-bise presidente na nag-ugat mula sa “bagsak na gradong” una nilang binigay.

Kaugnay nito, iginiit ng grupo na dapat “i-expel si Duterte bilang repleksiyon ng mga estudyanteng pinalilipat sa ibang paaralan kapag may bagsak na grado.

Ilan sa mga inilistang batayan ng mga kabataan ang paggastos ng VP sa confidential funds. Ayon sa House of Committee on Good Government and Public Accountability, maaaring umabot ng P612.5 milyon ang pondong mali niyang ginamit.

Naibunyag din sa House Blue Ribbon Committee ang iba’t ibang mga dokumento at resibong diumano’y pinekeng pirmahan para sa confidential funds ng Opisina ng Bise Presidente.

Isang araw matapos ang paglunsad, sinuspinde ng Meta ang Facebook page ng alyansa dahil sa diumano’y “impersonation,” ngunit, ito ay naibalik ngayong ika-25 ng Enero.

Bilang isa ring convener, kinondena ito ng Pambansang Tagapagsalita ng College of Editors Guild of the Philippines na si Brell Lacerna bilang isang porma upang pigilan ang pagpapahayag ng ekspresyon.

“Pamamaraan ang pag-censor ng Meta sa LAYAS Duterte Network sa akusasyong ‘impersonation’ para patahimikin ang makatotohanang batayan bakit kailangang i-impeach si Sara Duterte sa lalong madaling panahon,” anito.

Dagdag pa niya, makatarungan ang pagpapahayag ng mga mamamayan sa social media na panagutin ang mga Duterte at singilin si Marcos Jr. sa pagbabalewala ng impeachment complaints.

Nakatakdang pangunahan ng LAYAS Duterte Network ang protesta sa Liwasang Bonifacio sa ika-27 ng Enero sa pagpapatalsik ng VP, kasunod ng malawakang pagkilos sa parehong lugar sa pagtatapos ng buwan.

(Mga kuha ni Mark Vincent A. Durano/FEU Advocate)