Spot the difference: Ilang freshman ‘firsts,’ nabago sa Tatak Tamaraw 2024

FEU Advocate
August 17, 2024 21:20


Nina Mark Vincent A. Durano at Shayne Elizabeth Flores

Tumatatak sa bawat mag-aaral ang mga bagay na “una” sa kanilang buhay-kolehiyo, lalo na ang mga unang sandali nila sa loob ng kampus. Sa pagsalubong ng Far Eastern University (FEU) sa mga freshman ngayong taon, may mga “unang” hindi na naulit bagkus napalitan para sa selebrasyon ng Tatak Tamaraw 2024.

Ang mga pagbabagong ito ay naobserbahan sa iba’t ibang kaganapan ng Tatak Tamaraw tulad ng Tam Fair, Tam Challenge, Tatakan Rites, at Welcome Fest Concert na ginanap noong ikalima hanggang ikasiyam ng Agosto.

  1. Welcome Walk

Naging tanyag na simbolo para sa mga freshman ng A.Y. 2023-2024 na simulan ang kanilang buhay-Tamaraw sa pamamagitan ng pagmartsa sa FEU Grounds, na muli nilang gagawin sa pagtatapos ng kanilang pag-aaral.

Noong nakaraang taon, sinimulan ng FEUCSO ang naturang Welcome Walk na hindi na naulit para sa taong ito.

Sa panayam ng FEU Advocate, ipinaliwanag ng pangulo ng FEU Central Student Organization (FEUCSO) na si Christmer Roland Ordanes na naging sanhi ang limitadong espasyo ng kampus, pabago-bagong panahon, at ang konstruksyon ng Science Building kung bakit hindi nila isinama ang parada sa mga kaganapan ngayong taon.

So we really don’t want to feel that nahihirapan sila [freshmen] dahil we just want them to walk down the aisle for them to have their moment. We don’t want them to risk also their health and of course their mood (Hindi namin gustong mahirapan sila dahil lang gusto namin silang paglakarin sa pasilyo para maibida sila. Hindi rin namin nais na mapahamak ang kanilang kalusugan at kalooban),” sambit nito.

Sa kabila nito, tinuon ng organisasyon ang partisipasyon ng mga freshman sa mga crowd call at palaro.

Gayunpaman, pumarada pa rin ang FEUCSO, Institute Student Councils (SC), at Academic Organizations kasama ang mga dean nito.

  1. Badyet, Lohistika, at Komunikasyon

Upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng isang malaking pagdiriwang, kailangan ng angkop na badyet, lohistika, at komunikasyon.

Ayon sa pangulo ng FEUCSO, nakapaghanda sila nang wala pang isang buwan bago ang Tatak Tamaraw 2024 dahil sa pagiging abala sa mga mas naunang kaganapan sa Unibersidad.

Isinaad ni Ordanes na tumaas ang kanilang badyet ngayon kumpara noong nakaraang taon upang mapaunlakan ang presyo ng mga bumida sa Welcome Fest Concert.

“It has increased than the last year’s budget primarily because nagkaroon din tayo ng surge of somehow pagtaas ng presyo sa mga artist, and then we have to depend sa mga artist na kukunin natin due to their availability so we really need to exhaust all of our resources wisely (Tumaas ito kumpara sa badyet noong nakaraang taon dahil tumaas ang presyo ng mga artista at dapat din isaalang-alang ang oras na bakante sila, kaya kailangan talaga ng matalinong paggamit ng resources),” saad ng presidente.

Nagkaroon din ng kanya-kanyang tungkulin ang iba’t ibang mga SC at organisasyon ng FEU kumpara sa mga dating Tatak Tamaraw na FEUCSO lamang ang nangangasiwa sa mga kaganapan.

For the past year and this year, what’s new is that we’ve compartmentalized our efforts… Different proponents from different institute student council presidents ‘yung naging part po ng ating plenary and parallel sessions (Ang bago noong nakaraan at ngayong taon ay ang paghahati-hati ng mga gawain, kung saan iba’t ibang presidente mula sa mga student council ang naging nagtaguyod ng plenary at parallel sessions),” ani Ordanes.

Samantala, karamihan sa partisipasyon ng Administrasyon ay nakatuon sa pakikipag-ugnayan sa mga sponsor.

Naantala rin ng mga kagamitang ng mga kasosyong organisasyon dahil sa pagseseguridad ng FEU.

Ayon kay Ordanes, ito ay paraan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral. 

“Medyo may queueing kasi ‘yung pagpro-process ng ating admin when it comes to the security (May pila kasi ‘yung pagproseso ng Administrasyon sa seguridad)… May mga items din kami na pahabol kasi ‘di rin namin agad madiktahan kung ano ‘yung ipapasok ng mga partners namin,” paliwanag niya.

Dagdag ng presidente, mas nagiging bukas na ang Administrasyon sa pakikipag-ugnayan sa FEUCSO at mga SC. Para sa kanya, isa itong hakbang para tuluyang mas mapakinggan ang mga estudyante.

  1. Open Stage

Noong nakaraang taon, bago ang pinakahihintay na pagtatanghal ng mga sikat na musikero at artista, ang Welcome Fest Concert ay sinimulan muna ng Tatak Tamaraw Open Stage.

Isa itong kaganapan na bukas para sa mga talentadong Tamaraw ng Unibersidad na gustong ipakita ang kanilang mga kakayahan sa pagkanta o sa pagsayaw na ginanap sa FEU Volleyball Court.

Subalit, napagdesisyunan ng FEUCSO na tanggalin muna ang Open Stage upang hindi makompromiso ang oras na iguguol sa blockings at technical rehearsals para sa mga magtatanghal ngayong taon.

We really prioritized (Prayoridad namin) na magkaroon ng blockings at technical rehearsals ‘yung ating mga homegrown talents and ‘yung ating mga invited arists so it is not a hassle din on everyone’s end especially the freshies (Para hindi rin maging hassle sa lahat, lalo na sa mga freshman) na nanunuod na magkakaroon ng mas maraming technical difficulties kung hindi namin siya mas na-rehearse and mas napaghandaan [in] the morning (noong umaga) palang,” saad ni Ordanes.

Inilunsad naman ang Tatak Piyu 2024 bilang unang bahagi ng Welcome Fest Concert kung saan tinampok ang mga lokal na talentong Tamaraw.

Kinabibilangan ito ng FEU Drummers, FEU Cheering Squad, FEU Cheerleaders, FEU Drum and Bugle Corps, FEU Theater Guild, at One FEU Music and Records.

  1. Detalyadong iskedyul

Nagsisilbi ang mga detalyadong balangkas ng iskedyul bilang gabay sa bawat kaganapan. Gayunpaman, isa sa mga problemang ipinunto ng mga mag-aaral sa Tatak Tamaraw ngayong taon ay ang kakulangan ng sapat na detalye ng mga iskedyul.

Matatandaan noong nakaraang taon, may tiyak na petsa at oras ang mga kaganapan para sa buong linggo ng Tatak Tamaraw 2023, na nakapaloob lamang sa iisang post at nailathala ilang araw bago ang programa.

Hindi rin tiyak na nakasaad ang oras ng Tatakan Rites para Tatak Tamaraw 2024, habang inanunsyo ang oras at iba pang impormasyon ng Tam Challenge at Welcome Fest Concert sa gabi bago ang araw ng kaganapan. 

Ipinaliwanag ni Ordanes na dumadaan sa proseso ng Administrasyon bago mailunsad ang mga anunsyo sa Tatak Tamaraw Facebook page.

Dahil dito, ginamit din ng FEUCSO ang kanilang Facebook page sa paglabas ng ibang mahahalagang impormasyon gaya ng karagdagang detalye tungkol sa Tam Challenge at Welcome Fest Concert.

“We have to submit our posts to the Administration in order for them to review all of the details if accurately correct ‘yung information, but we wish to share [it] so kung makikita n’yo nag-release din si FEUCSO ng mga videos, [publicity materials] (Kailangan naming isumite ang mga posts sa administrasyon upang masuri nila ang katotohanan nito, subalit gusto namin itong ipalaganap kaya makikita niyo na naglunsad din ang FEUCSO ng mga video at lathalain),” aniya.

Kinilala rin ni Ordanes ang pangangailangan ng mga freshman para sa mas detalyadong iskedyul ng mga kaganapan at ipinahayag ang intensyong itaas sa Administrasyon ang nabanggit na hinaing upang maibalik ang mas sentralisadong paglunsad ng impormasyon.

  1. Campus Tour

Kasabay ng pagpasok sa mas mataas na edukasyon ang pagtapak sa mas malaking mundo. Para sa mga freshman na hindi pa nakakalibot sa loob ng In Thy Happy Halls, tulay ang campus tour upang mahapyawan ang kanilang bagong kapaligiran. 

Sa pangunguna ng FEU Guides, karaniwang isinasagawa ito sa unang tatlong araw ng Tatak Tamaraw pagkatapos ng plenary at program orientation.

Buhat ng hindi inaasahang panahon, naging opsyonal ang tradisyonal na campus tour na nagresulta sa paglunsad ng birtwal na gabay sa kampus bilang alternatibo.

With the weather that we have, it’s really unexpected, so nagkaroon ng option si students to have this virtual campus tourIt depends on their availability and the weather itself (Sa panahon na mayroon tayo, hindi talaga siya inaasahan, kaya nagkaroon ng opsyon ang mga estudyante na magkaroon ng virtual campus tour… Nakadepende ito kung kailan sila pupwede at sa panahon),” saad ng pangulo ng FEUCSO.

Bumuhos ang malakas na ulan noong mga nakaraang araw kaya hindi nagpatuloy ang ibang mga campus tour.

Kahit walang tradisyonal na campus tour, nagbahagi naman ang FEU Academic Services ang 3D Interactive Map sa kanilang booth sa tapat ng Arts Building.

Detalyadong inilalarawan nito ang direksyon patungo sa iba't ibang pasilidad ng Unibersidad pati na rin ang mga floor at evacuation plan kung sakaling magkaroon ng sakuna.

  1. Booths

Isa sa mga nagbibigay-buhay sa payak na kapaligiran ng Pamantasan ang pagtatayo ng mga booth. Subalit, dahil muli sa konstruksyon sa Science Building limitado na lamang sa FEU Plaza at sa mga hanay ng Arts at Architecture and Fine Arts Building ang mga stall ngayong taon.

Inamin ni Ordanes ang kakulangan ng mga booth at sponsor sa Tatak Tamaraw 2024 kumpara noong mga nagdaang taon. Sinubukan ng FEUCSO imungkahi na itayo ang mga booth sa ibang lugar ngunit hindi pinayagan.

We proposed [na] sa Pavilion sana kaso nagkaroon ng explanation na hindi kami papayagan dahil kailangan siyang gawing holding area and then meron ding kasabay na mga events sa Tatak Tamaraw (Iminungkahi namin na sa Pavilion sana kaso nagkaroon ng paliwanag na hindi kami papayagan dahil kailangan siyang gawing holding area at meron ding kasabay na mga kaganapan sa Tatak Tamaraw),” banggit ng pangulo.

Matatandaan na ang mga booth ay itinayo unang araw pa lamang noong nakaraang taon, habang sa ikatlong araw naman ngayong Tam Fair.

Sa hinaharap, nais ni Ordanes bigyang-prayoridad ang mga aktibidades na pinamumunuan ng mga estudyante at dagdagan pa ang mga sponsor para sa higit na kasiyahan ng mga bagong Tamaraw.

  1. Casualty report

Sa siksikan na karamihan ng tao, madaling makalusot ang peligro. Sa mga taunang konsyerto ng FEU tulad ng Welcome Fest Concert, nakaantabay ang Red Cross Youth Council (RCYC) - FEU upang magmatiyag at tumulong sa mga nakakaramdam ng sakit.

Nakapagtalaga ang RCYC - FEU ng 10 kaso ng mga insidente ngayong taon, mas mababa sa naitalang 13 noong nakaraang taon.

Samantala, walang naiulat na major case ngayong taon kumpara sa dalawang estudyanteng nahirapan sa paghinga noong 2023.

Pinakamadalas na naging kaso ang abrasion o gasgas kung saan tatlo ang nakapagtamo nito noong Welcome Fest Concert.

Ilan pa sa mga naging minor case ang pagkahiwa, pagkahilo, pagduduwal, pagkapagod, pagkahilo, at paglilinis ng sugat.

Bagama’t may mga nakaugaliang “una" na hindi naranasan ng mga freshman ngayong taon, nagdulot naman ang Tatak Tamaraw 2024 ng bagong mga “una” na ngayon lang naitatak sa kasaysayan ng Pamantasan. May mga nabago man sa mga kaganapan, tiyak na hindi ito ang “huli” at mananatiling may puwang sa pagpapabuti.