FEU LangLit dep’t chair joins NCCA-NCLT exec council
- August 02, 2024 09:28
FEU Advocate
August 26, 2020 12:22
Ni Grace Roscia O. Estuesta
Habang patuloy ang paglalayag ni Dodong sa mas masinsing pagkakakilanlan ng sarili, tila may nakaligtaan siyang bauning kapiraso ng kamalayan. Marapat ba niya itong iwan at lapatan na lamang upang makausad at makarating sa paroroonan?
Pagsagwan ng Baybayin sa modernong panahon
Malakas na hampas sa daloy ng tubig ang ginawa ni Pangasinan Second District Representative, Leopoldo Bataoil, matapos nitong ihain sa korte ang House Bill 1022 o National Writing System Act patungo sa muling pagbuhay ng ating nalimot kultura noong Abril 18, 2018.
Layon ng aktong ito na mapalaganap, maprotektahan, mapreserba at mapanatili ang paggamit ng Baybayin. Inaasahan itong makalilikha ng pambansang kamalayan, respeto at mataas na pagtingin sa kultural na kasaysayan, pamana ng mga ninuno at pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Pagbaybay ng bangka sa mga Taga-Ilog
Sa Seksyon III ng nasabing bill, pantukoy ang Baybayin sa lahat ng umiiral at natuklasang sinaunang mga kasulatan, tulad ng Hanuno’o, Tagbanwa at Pala’wan, ng mga katutubong Pilipino. Gayunpaman, Hulyo 9, 2018 nang nirebisa ito ni Taguig 2nd District Representative Pia Cayetano.
Pinalitan nito ang konseptong “Baybayin” ng “Philippine Indigenous/Traditional Writing Systems” upang ganap na maipakita ang pagiging kabilang ng lahat ng pamamaraan sa tradisyunal na pagsulat ng mga Pilipino. Agaran din itong naaprubahan, Oktubre 8, 2018 na kinilala bilang House Bill 8785.
Mga batong balakid sa agos patungong kamalayan
Sa pag-apruba ng Philippine Indigenous o Traditional Writing Systems Act na naglalayong ipakita ang kahalagahan nito bilang kayamanang pang-kultura ng bansa, may mga naging hadlang din ang paglalakbay nito.
Ayon kay G. Jestoni Benjamin Entereso, tagapagpalaganap ng kamalayan sa Baybayin at nakapagtapos ng Bachelor of Science in Secondary Education Major in Filipino, naniniwala siyang hindi lamang ito laban ng mga guro kundi ng buong bansa. Isa pa sa mga suliranin na kanyang nakikita ay ang epekto ng pagbuwag sa Filipino sa aspekto ng edukasyon, isang kontrobesiyang pagtanggal ng subhetong Filipino at Panitikan sa kolehiyo noong 2018.
“[Dahil] papatayin mo ang Filipino, wala nang magiging agent para ipalaganap ‘yan, lalo na sa mga bata na babad na babad sa impluwensiya ng Western, Asian, hindi na alam ‘yung [sariling] atin,” aniya.
Samantala, sinang-ayunan ni Sharina Samonte, mag-aaral mula sa Philippine Normal University (PNU), na ang pagiging mangmang natin sa mga bagay na tayo dapat ang mismong nakaaalam ay hamon sa hindi natin pagkakaroon ng malalim na pag-unawa sa mga nakapaligid sa atin.
Pag-agos ng pag-asa sa pagpapatibay ng pagkakakilanlan
Ang pagtuklas, pagturo at paggamit ng mga sinaunang kasulatan, sa pamamagitan ng paggamit at pagpapalaganap sa kasalukuyan ay ilan lamang sa mga epektibong paraan na pagkilala sa angking kayamanan ng isang bansa. Isa ito sa mga dahilan sa pag-usbong ng mga batas na tutulong sa preserbasiyon ng mga ito.
Patunay lamang ito ng hindi natutuyong ilog ng pag-asang tumibay pa lalo ang pagkilala natin sa ating kultura at pagpapanatili upang maging buo ang ating pagkakakilanlan sa sariling atin.
“Mapalalakas [nito] ang ating kultura at mamumulat ang mga kabataan sa ating kasaysayan [kaya naman] isulat natin. Hindi man natin naiintindihan sa ngayon, ngunit kung ating ilalagay sa ating pang-araw-araw na sistema, tayo na mismo ang magsasabing ito ay nararapat,” ani Samonte.
Paurong man kung tawagin ni G. Entereso, makapagbibigay pa rin ito umano ng impresiyon sa mga panibagong henerasyon na makapag-aaral at hindi kailanman naging indio ang kanilang mga ninuno.
“It’s never too late to start again, ‘di ba, maganda ‘yong may nagpapaalalang nasa Pilipinas ka pa at wala sa Tsina,” pagbiro niya.
Dumagdag din sa pinag-iisang boses ang isang organisasyong “Baybayin Buhayin” na naglalayong panatilihin at pagyamanin ang kultura ng bansa na pinasimulan ni Ginoong Jose Jaime Enage. Nagsimula ito noong taong 2010 at binubuo ng mga guro at mga ekspertong naglalayong ipahayag ang wika ng Pilipinas, kasaysayan, at kultura para sa kaunlaran nito.
Pagtanaw sa pinanggalingan, pag-ahon sa paroroonan
Ang mga sinaunang kasulatan ng mga Pilipino na ipalalaganap sa modernong panahon ay kapiraso lamang ng kabuuang pagkakakilanlan ng ating nasimulan. Ito ang nagtutulak para sa ilang pilit na tumatanaw sa kung paano tayo hinulma at hinango nang panahon. Una ang pagpapalaganap ng Baybayin, na una nang naipakilala sa atin, sunod ang lahat ng kasulatang ugat ng ating lahi.
Patuloy nawang makiisa sa pagpapanatili, paggamit, at pagpapahayag ang bawat Pilipino sa ating kasulatang kayamanan.
Nararapat bang mabaon na lamang sa alaala ang sistemang kasulatan ng ating mga ninuno? Hindi nawa maging katapusan ng kulturang ipinamana ang tangkang pagkulong na lamang nito sa mga babasaging salamin ng museo. Huwag sana rito magtapos ang yamang marapat na ipagmalaki at ipakilala sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon.
(Ilustrasyon ni Glenda Corocoto)