
FEU-D notches football title, tops off NCR’s Palarong Pambansa championship
- July 23, 2024 14:32
FEU Advocate
August 18, 2025 12:16
By Eunhice Corpuz
Dinig sa loob ng sinehan ang bawat palabas na sumasalamin sa realidad ng buhay. Ramdam din sa bawat sulok ng silid ang kasabikan na mapanood ang mga pelikulang mula sa samot-saring kuwento ng talento at pangarap. At sa unang pagkakataon, nagkaroon ng oportunidad ang Far Eastern University Film Society (FEU FilmSoc) na makipag-ugnayan sa University of the Philippines Film Institute (UPFI) upang maitampok ang maiikling palabas ng mga Communication (Comm) gradweyt noong ika-12 ng Agosto.
Maituturing na ang bawat pelikula ay bintana na nakapagbibigay ng tsansang makadungaw sa iba’t ibang realidad ng buhay. Itinataguyod nito ang bawat kuwento na sumasalamin mula sa isyu ng lipunan hanggang sa personal na hamon ng buhay.
Dahil sa espasyong ipinagkaloob ng kolaborasyong ito, nabigyan ng pagkakataon ang bawat student-filmmaker na nagbabalak tahakin ang industriya ng palabas na makapaghatid ng mensahe tungkol sa pang-araw-araw na karanasan na maaaring magturo ng aral at mag-udyok ng pagmumuni-muni.
‘Di inaasahang pagkakataon
Sa buhay, may mga bagay o araw na hindi inaasahang maghahatid sa atin ng balita. Parang sa pelikula, lagi’t laging may mga eksenang nagpapabago ng emosyon at takbo ng istorya, na nagiging rason sa pagkuwestiyon kung ang pagtatapos ba ay ‘happy ending’ o bitin.
Sa isang panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ng presidente ng FilmSoc at fourth-year Comm – Digital Cinema Track student na si Angelo Copon ang naging paghahanda para sa programa at kung paano nagsimula ang kolaborasyon.
“‘Yung collab na ito ay actually nag-reach out ang UPFI sa akin through email, asking if I could curate lists of films from the past three years of Sinepiyu to represent FEU filmmaking (‘Yung kolaborasyon na ito ay nagsimula noong makipag-ugnayan ang UPFI sa akin sa pamamagitan ng email, nagtatanong kung puwede akong gumawa ng listahan ng mga pelikula mula sa nakaraang tatlong taon ng Sinepiyu para irepresenta ang paglikha ng pelikula sa FEU),” saad ni Copon.
Ayon din sa kaniya, anim ang kabuoang bilang ng mga pelikulang napili at mula ang mga ito sa taong 2023 hanggang sa kasalukuyang taon. Kabilang rito ang ‘Lily’ ni Luke John Salazar at ‘Gawad Uliran: The Rise to Superstardom’ nina Allen Pangilinan at Jego Rafael mula sa Sinepiyu 17.
Para sa Sinepiyu 16, ibinida naman ang ‘Walang Sinig sa Ulo (Kung ang Lahat ay Gising sa Walang Katapusang Sansinukob, Sino ang Magpapaiwan Upang Managinip? Ako.)’ nina Andre Corros at Karl Ferrer at ‘Eskoba’ ni Sherwin De Leon.
Panghuli sa listahan ang ‘Pagtangis ng mga Aninong Umiindak sa Hangin’ ni Laurence Llamas at ‘Bakit, Papa?’ ni Migo Morales mula sa Sinepiyu 15.
Binigyang-diin ng presidente na hindi naging basehan ang pagiging ‘award-winning’ ng mga pelikula sa pagpili, bagkus kung paano sinasalamin ng mga ito ang industriya ng sine sa Pamantasan.
Inilahad niya rin na FEU ang kauna-unahang Unibersidad na nilapitan ng UPFI upang mabigyan ng espasyong mapalabas ng mga direktor ang kani-kanilang pelikula.
Ang ganitong paglapit ng oportunidad ang nagbubuklod sa iba’t ibang mga alagad ng sining upang maipakita ang bawat talento, kuwento, at pangarap na kanilang bitbit. Binibigyang-pag-asa rin nitong makabuo ng isang komunidad na naglalayong masuportahan ang bawat student-filmmaker.
Bukod dito, inihayag din ni Copon na ang anim na pelikulang ipinalabas sa takilya ay mga orihinal na likha ng mga alumni ng Comm. Sa pagkakataong ito, hindi lamang sa mismong Unibersidad naibida ang malikhaing gawa ng mga Tamaraw, bagkus pati na rin sa entablado ng UPFI.
“Something that motivated us to accept the partnership was to have a venue for the student-filmmakers and some FEU Comm alumni to showcase their films outside of FEU. And I think it’s the first time na there is a FEU event in UP (Ang nag-udyok sa amin na tanggapin ang pakikipagsosyo ay upang magkaroon ng lugar ang mga estudyanteng filmmaker at ilang FEU Comm alumni na maipakita ang kanilang mga pelikula sa labas ng Pamantasan. At sa tingin ko, ito ang kauna-unahang pagkakataon na mayroong kaganapan ang FEU sa UP),” aniya.
Nakikita niya na nagsisilbing daan ang ganitong inisyatiba upang mas mapalawig ang industriya ng pelikula. Pinatutunayan lamang na ang diwa sa paglikha ng mga ito ay buhay na buhay sa loob ng akademiya.
“I think people are saying na Philippine cinema is dying, gano’n, or at risk, but having screenings like this really helps put student-filmmakers on the map, even if a short-film or kahit anong film of any length. It’s a good boost for the filmmakers to have a platform (Sa palagay ko, iniisip ng mga tao na namamatay na ang pelikulang Pilipino, o kaya naman ay may posibilidad pa rin itong mamatay, ngunit ang pagkakaroon ng mga palabas na katulad nito ay nakatutulong makilala ang mga estudyanteng filmmakers, kahit gaano kaiksi o haba ang pelikula),” pagbabahagi niya.
Ayon sa pangulo ng FilmSoc, isa sa naging batayan nila sa paggawa ng mga palabas ay kung gaano naipapakita ang husay at galing na inipon ng mga estudyante sa loob ng apat na taong pag-aaral.
“There’s a good variety of films, comedy, drama, at may mga political films din. And yeah, it really shows how broad and also specific mga lessons namin about filmmaking and like culmination of four years din ito as a film student sa FEU (Mayroong iba’t ibang klase ng mga palabas, may komedya, drama, at may mga politikal din. At ipinakikita lamang nito kung gaano kalawak at kaespesipiko ang mga natutuhan namin tungkol sa filmmaking at kung paano ito nagiging kabuoan ng apat na taon bilang isang film student),” wika ni Copon.
Bilang karagdagan, naging plataporma ang kaganapan para sa mga direktor ng pelikula na ipakita ang kani-kanilang produksiyong pinaghirapan at trinabaho. Naging daan din ito upang mabigyan ng tsansang humikayat ng suporta para sa mga ganitong pangyayari at makapagbigay-inspirasyon sa mga bagong manonood.
Ano ang kuwento mo?
Ang bawat napalalabas na istorya, sa telebisyon man o sinehan, ay naglalaman ng iba’t ibang naratibo at epekto sa mga manonood nito. Maaaring mahusay ang pagkakatahi ng mga direktor at manunulat upang paikutin ang takbo ng kuwento, dahil nabibigyang-hustisya at buhay ang mga konseptong nag-umpisang mahubog sa loob ng paaralang ito.
Ipinahayag ng direktor ng 'Eskoba,’ na itinanghal na 'Best Poster' noong Sinepiyu 16 at ‘Best Visual Effect’ naman noong Emirates Film Festival ngayong taon, ang inspirasyon sa likod ng kaniyang pelikula.
“Nabuo ang konsepto ng pelikula dahil sa salitang ‘Eskoba’ na ang ibig sabihin sa salitang kanto ay pagnanakaw, o panlilimas sa mga taong lasing. Dito sa Cubao kung saan ako lumaki, ito ang tawag kapag ninanakawan ang isang taong lasing na lasing,” saad ni De Leon.
Umiikot ang palabas na ito sa kuwento ng buhay ng karakter na si ‘Totoy,’ kung saan pilit niyang sinisiyasat at tinutuklas ang kasagutan tungkol sa istorya ng diwata na nagnanakaw ng sapatos at kumokontrol sa ekonomiya ng kaniyang barangay.
Ayon kay De Leon, pinakamahirap na hamon bilang direktor ang pagnanais na makabuo ng totoong malaking bahay para sana sa ‘Bahay ng Diwata.’ Ngunit, hindi ito natuloy sapagkat walang sapat na pondo para dito kung kaya’t nahirapan ang production design na isakatuparan ito.
Maliban sa hamon na kanilang hinarap, inilahad naman ni De Leon kung ano ang pinakatumatak na parte ng buhay ni Totoy sa pelikula.
“Para sa akin ay noong gawin ni Totoy lahat ng pagtatrabaho para lang umangat ang estado ng buhay niya. Pero hindi gano’n kadali, walang nagbago,” wika ng direktor.
Bukod kay De Leon, ibinahagi rin ng direktor ng ‘Pagtatangis ng mga Aninong Umiindak sa Hangin’ na nakatamo ng tatlong parangal, kasama ang ‘Best Film’ noong Sinepiyu 15, ang mensahe sa likod ng kaniyang likha.
“Sa abot ng makakaya ay maging ilaw para sa mga nasa dilim at maging boses para sa mga tinanggalan ng tinig at kinalimutan ng kasaysayan [pahayag tungkol sa pelikula]. Na sana maging salamin at maging paalala ang ating mga obra sa society na may mga sugat pang hindi naghihilom o hindi na maghihilom, at may mga kuwentong kailangang patuloy na ikuwento upang hindi na maulit,” pagbibigay-diin ni Llamas.
Ang inspirasyon ng pelikula ay mula sa binabasa niya sa isang pahina ng libro na ‘Marcos Martial Law, Never Again’ ni Raisa Robles, at ang metapora ng ‘torture theater,’ na naging simula ng kuwento.
Tinatalakay ng ‘torture theater’ ang pagpapaliwanag kung paano nagiging kasangkapan ang pagpapahirap—hindi lamang bilang isang pisikal na sakit, kundi bilang isang pagtatanghal na may malalim na layuning pampolitika, panlipunan, at artistiko.
Umayon naman ang takbo ng istorya sa inspirasyon nito dahil ang bidang karakter na si ‘Amalia,’ isang mananayaw, ay kumaharap ng samot-saring pagsubok bunsod ng kawalan ng hustisya at pagpapahirap sa kaniyang buhay.
Inihayag din ni Pangilinan, isa sa mga Direktor ng ‘Gawad Uliran,’ na tinanghal bilang pangatlong ‘Best Film’ sa Sinepiyu 17, ang inspirasyon ng kanilang pelikula.
“‘Yung character ni Arman [Macasusi o Salon] ay parang salamin ng marami sa atin, nakikita ko siya sa sarili ko, kay Jego, at sa mga nakasama namin sa college. Pare-pareho tayong may pangarap,” saad ni Pangilinan.
Ayon sa kaniya, maliban sa usaping pangarap, sakop din ng pelikula ang mga paghihirap na kani-kanilang kinaharap sa kolehiyo bilang estudyante. Mula sa katanungan kung nasa tamang landas nga ba siya hanggang sa mga sakripisyong binuno ng bawat isa.
Para kay Pangilinan, pangunahing ipinahihiwatig ng palabas na kanilang binuo na hangga’t may pangarap ang isang tao, dapat lamang na ipagpatuloy niya itong abutin.
“Kaya para sa akin ang pinaka-message ng film ay mangarap ka hangga’t kaya mo. Pero tandaan mo rin, puwede kang magpahinga at puwede kang huminga,” paalala ng direktor.
Sa lente ng lipunan
Maaaring sabihin na isang malaking sugal ang pagpasok sa industriya ng pelikula lalo na sa ating bansa. Sapagkat tulad ng nabanggit ni Copon, may mga tao pa ring naniniwalang patay na ang sining ng sine sa lipunan. Siguro dahil na rin sa pasuwertehan kung kailan darating ang oras mo para sumikat.
Para kay Llamas, mas ramdam ang pagbabago sa kasalukuyan pagdating sa pag-usad at pagkilala sa mga pelikula kompara noon. Ayon sa kaniya, kung ihahambing ang lagay ng sine noon, mas may kamalayan at maraming kaganapan tulad ng kolaborasyon ng FilmSoc at UPFI na nagbibigay ng plataporma para sa mga mumunting palabas. Bukod pa rito, may mga libreng online screening platform kagaya ng Juanflix at Cinemata.
“I think we are still far from where we should be (Sa tingin ko ay malayo pa tayo mula sa inaasam nating patutunguhan) pero mas ramdam na natin ngayon ang mga pagbabago. At siguro sa nararamdaman natin na ‘yun ay isang magandang sign rin na gumagalaw na tayo mula sa ‘deprived’ state sabi nga nila,” pagbibigay-diin ni Llamas.
Ganito rin ang naging sentimyento ni De Leon dahil ayon sa kaniya, nasa mas maayos na estado ang industriya ng sine sa bansa. Bukod pa rito, binigyang-pansin din niya na kung sakaling makitaan ng pamahalaan ng potensiyal ang produksiyon ng sine bilang isang produkto, tiyak na mas lalago at lalawak ang sakop nito.
“Maganda naman ang lagay ng industriya sa bansa. Lalo na’t may Netflix na tumutulong mag-produce ng magagandang pelikula. Siguro para sa akin, mas mabigyan [sana] ng atensiyon rin ng gobyerno ang industriya ng pelikula at ituring itong produktong mabebenta sa iba’t ibang mga bansa,” wika nito.
Ngunit, kahit mayroon nang mga online site kung saan maaaring makapanood ng pelikula nang libre, nagiging isa rin ito sa rason kung bakit bumababa ang interes ng mga manonood na pumunta sa mga sinehan. Dahil dito, kahit anong pagsulong ang gawin ng mga direktor para sa kanilang mga obra, kung hindi ito pumatok sa panlasa ng masa, lalangawin ang mga ito at mapag-iiwanan ng panahon.
Isang tunay at malaking sugal ang pagpasok sa industriya ng pelikula dahil hindi lamang lakas at tibay ng loob ang puhunan, pati na rin ang puso at dedikasyon na suungin nang buong-buo ang bawat hamon na kaakibat nito.
Sa perspektiba naman ni Rafael, naging tipikal na sa paningin ng lipunan na ang mga queer student-filmmaker ay parating nasa nakatatawang genre sapagkat ito na ang nakasanayan ng nakararami.
“As queer student-filmmakers, we were on a mission to make people laugh because for years, naging espasyo na ng queer community ang comedy genre (Bilang mga queer estudyanteng filmmaker, misyon naming patawanin ang mga tao, dahil sa loob ng maraming taon, dahil naging espasyo na ng queer community ang larangan ng komedya),” saad nito.
Ngunit, nabanggit din niyang hindi nakabilanggo ang maaaring matutuhan at masiyasat ng mga tulad niya sa larangan ng paggawa ng pelikula. Bagkus, naging parte ang genre na ito upang unti-unting makilala at makita ng lipunan ang presensiya ng queer filmmakers sa industriya ng sine.
“Naniniwala kami na naging tool ito ng queer filmmakers who came before us sa proseso ng pagtanggap ng mundo sa amin over the previous decades. So why not own it (Naniniwala kami na naging katulong ito ng mga queer filmmakers na nauna sa amin sa prosesos ng pagtanggap ng mundo sa amin sa nagdaang mga dekada. Kaya bakit hindi natin ito akuin)?” wika nito.
Sa kabilang banda, nagpahayag si Rafael ng paalala para sa mga aspiring filmmaker na may baong pangarap at talento sa paglikha ng mga palabas.
“Palaging may rason ang paggawa ng pelikula. Mas madaling magsimula sa paggawa kapag pinapairal mo ang boses mo, pero mas madaling magpatuloy kapag alam mong para na rin ito sa pagpapalakas sa boses ng iba. Sana hindi ka mawalan ng spark sa paggawa,” giit niya.
Gaya ng mensahe ng kaniyang kapuwa direktor, nag-iwan ng katanungan si Pangilinan na mapagninilayan ng mga nagnanais at nangangarap makabuo ng pelikula.
“Babaguhin ka ba ng mundo? O mababago natin ang mundo?” aniya.
Wala mang kasiguraduhan kung darating ang oras na papalaring maitampok ang obra ng bawat student-filmmaker, ang mahalaga ay naibahagi ang piraso ng kanilang buhay sa bawat makapanonood ng kanilang palabas.
Malaking sugal ang paggawa ng pelikula dahil sa kaisipan na baka hindi pumatok sa mga manonood ang kuwentong hatid nito. Ngunit hindi rito matatapos ang kuwento sapagkat kung walang handang magsulat at itapat ang kamera sa realidad ng buhay na kinahaharap ng lipunan, mananatili tayong nangangapa sa dilim. Binigyang-pag-asa ng showing sa Diliman na may tatangkilik man o wala sa mga obra ng mga direktor, patuloy nilang bibigyang-boses ang iba’t ibang kuwento ng pagsubok ng buhay.
(Kuha ni Melvin James Urubio/FEU Advocate)