FEU suffers a three-set sweep loss to UST in UAAP 84 volleyball opener
- May 07, 2022 02:08
FEU Advocate
October 23, 2024 17:42
Ni Jasmien Ivy Sanchez
Bagama't patuloy na umuunlad ang lipunan, mahigpit pa ring itinatali ng makalumang pananaw ang pananamit sa kasarian. Habang patuloy na nagbubukas ang ating isipan at nagsusumikap para sa mas ingklusibong lipunan, mas nakikilala natin ang kahalagahan ng paghamon sa mga nakasanayang kaisipan. Kaya’t panahon na upang buwagin ang mga baluktot na paniniwalang ito upang makamtan ang ganap na kalayaan sa pagpapahayag ng ating tunay na pagkakakilanlan.
Habi ng kasaysayan
Bago dumating ang mga Kastila, walang istriktong pamantayan ang mga katutubo pagdating sa kasuotan. Ayon sa kasaysayan, pareho lamang ang mga tapis at kasuotan ng kalalakihan at kababaihan na akma sa klima, aktibidad, at kalagayan.
Pinatunayan ito ni Giano Potes, propesor ng FEU Communication Department at training officer ng SOGIESC (Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, and Sex Characteristics) sa University of the Philippines Diliman Gender Office, sa isang panayam sa FEU Advocate.
Ipinaliwanag niyang hindi mahigpit ang mga katutubo at taal na kultura sa Pilipinas pagdating sa gendered clothing. Sapagkat sa kasuotan ng mga babaylan, nagpapalda ang mga lalaki at itinuturing na sagrado o katangi-katangi ang pagsusuot ng mga damit pambabae.
Ngunit ayon sa propesor, nang sakupin tayo ng mga Espanyol, ipinataw nila ang patriyarkal na paniniwalang nagtakda ng mga tiyak na kasuotan para sa lalaki at babae—bagay na patuloy na umiiral hanggang sa kasalukuyan.
"Not until Spain, na mas na-observe natin 'yung what we call patriarchal society. So no'ng nagkaroon ng gender system no'ng panahon na 'yon, talagang tukoy mo kung ano 'yung ine-expect nila pagdating sa suot ng babae at suot ng lalaki,” batay dito.
Naging organisado ang pananamit. Naging sagisag ng pagkalalaki ang barong at ang saya sa pagkababae at bawat isa’y may katumbas na responsibilidad, pananagutan, at imahen ng moralidad.
Sa paghahari ng mga Kastila, naging higit pa sa proteksiyon o dekorasyon ang kasuotan—ito'y naging simbolo ng distinksyon. Ikinahon ang mga Pilipino sa ganitong kaisipan, at sa bawat henerasyon, pinalalim ng kulturang ito ang ideya na may kasarian ang bawat telang bumabalot sa ating katawan.
Iniluklok nilang pamantayan ang kanilang mga relihiyosong paniniwala na nagtakda kung ano ang “dapat” para sa lalaki at babae. Kung kaya’t ayon kay Potes, bitbit pa rin ng lipunan hanggang ngayon ang balakid ng mga makalumang kaisipan tungkol sa pananamit.
"The way they are also made, and the way they are prescribed, and 'yung nakikita rin natin sa media still sustains na ito 'yung katanggap-tanggap for certain genders, (‘Yung paraan ng paggawa ng mga kasuotan, ‘yung mga patakarang itinatakda ukol dito, at ang ipinapakita sa midya ay patuloy na nagpapanatili sa ideya na ito ang katanggap-tanggap para sa mga partikular na kasarian),” saad ni Potes.
Kung kaya’t kamakailan lamang, sumiklab ang diskusyon sa social media matapos makita ng karamihan ang imahe ni Carlos Yulo suot ang isang crop top—isang simpleng piraso ng damit na natabunan ang kaniyang tagumpay bilang isang world-class gymnast.
Sa isang lipunang pinaghaharian ng mga tradisyunal na pananaw ukol sa kasarian, naging kasuklam-suklam para sa ilan ang makakita ng isang lalaking nagsusuot ng damit na karaniwang inilalapat para sa mga babae.
Kung tutuusin, dapat sana’y isang magaan na usapin lamang ang pananamit. Subalit, sa bansang hinubog ng patriyarkal na kultura, nagiging sukatan ng pagkalalaki o pagkababae ang kasuotan sa halip na maging simpleng pagpili ng estilo.
Sa tuwing may lalabag sa mga hindi nakasulat ngunit mahigpit na sinusunod na alituntunin, agad nasusubok ang pagiging "tama" o "dapat" sa mata ng lipunan. Tungo sa naging isyu sa pananamit ni Yulo, naibunyag na nagiging sukatan pa rin ng moralidad, pagkatao, at seksuwalidad ang pananamit.
Sa kabila ng kaniyang mga medalya at tagumpay, kasuotan pa rin ang naging batayan ng kaniyang pagkalalaki para sa marami. Imbes na personal na istilo lamang, naging daan ito upang ilantad ang paniniwalang malayo na sa makabagong panahon.
Sa pangyayaring ito, muling lumutang ang katanungang napapanahon na gumugulo sa kamalayan ng nakararami; may kasarian ba talaga ang damit, o isa lamang itong konstruktong itinakda ng lipunan upang limitahan ang ating kalayaan?
Pagbuwal sa kodigo
Isiniwalat ng matinding reaksiyon ng publiko sa desisyon ni Yulo ang patuloy na pagturing ng nakararami sa kasuotan bilang salamin ng mga paniniwala at ekspektasyon batay sa kasarian.
Ang kaniyang pagsuway sa mga nakasanayang kodigo ng pananamit ay nagbukas ng mas malawakang talakayan tungkol sa mga limitasyon ng mga pamantayan ng kasarian sa ating kultura.
Paliwanag ni Potes, nag-ugat ang mga kasalukuyang pananaw sa kasuotan bago pa man tayo isilang, kung saan mahigpit nang itinatakda ng mga Pilipino ang mga kulay at estilo batay sa kasarian.
"Babalik tayo do’n sa mga kabataan na ‘yung kulay natin na ina-assign, na clothes na naka-label according sa babies na boy at girl, wala tayong ibang option 'no. So naka-assign na doon sa essentialists… na kapag meron kang penis, lahat ng panlalaki, ito 'yung assign sa'yo. Kapag meron kang vagina, ito rin ang naka-assign sa'yo,” aniya.
Naging pundasyon ng ating pag-unawa sa kasuotan ang ganitong pananaw, na nagtatakda ng mga damit na nakatalaga para sa bawat kasarian. Matatanaw rin ito sa mga eskuwelahan, maging sa publiko man o sa pribado.
Ibinahagi ni Fiona Maglaya, Pangulo ng FEU SAGA (Sex and Gender Alliance), ang kaniyang karanasan bilang isang nursing student ukol sa isyu ng gendered uniforms.
Ayon sa kaniya, noong unang taon nila sa kolehiyo, kinakailangang magsuot ng palda ang mga babae, habang pantalon lamang ang maaaring isuot ng mga lalaki. Ikinatwiran niya na hindi ito komportable para sa mga estudyanteng babae at malinaw na naimpluwensiyahan ng mga tradisyunal na paniniwala sa kasarian ang ganitong uri ng panuntunan.
“I personally would’ve preferred the pants. Although, I think at that time, they also allowed some students to avail the “boys’” uniform as long as they had short hair. I think it was an unfair condition, to be honest. It really gave the hint that we had to look masculine in order to avail the “boys’” uniform, (Mas gugustuhin ko sana ang magsuot ng pantalon. Bagama’t sa panahong iyon, pinapayagan naman ang ilang estudyante na magsuot ng "panlalaking" uniporme basta't maikli ang kanilang buhok. Sa tingin ko, hindi makatarungan ang ganitong kondisyon. Para bang ipinahihiwatig nito na kailangan muna naming magmukhang maskulado upang mapayagang magsuot ng "panlalaking" uniporme),” mungkahi nito.
Mula rito, lumilitaw ang kakulangan ng kalayaan ng mga estudyante sa pagpili ng kasuotan batay sa kanilang personal na kagustuhan. Hindi dapat itakda ng kasarian ang kasuotan; sa halip, dapat ito’y sumasalamin sa indibidwalidad at personal na estilo.
Mahalaga ring isaalang-alang ang pagiging praktikal ng pananamit. Dapat itong maghatid ng ginhawa at proteksiyon kasabay ng pagpapanatili ng magandang istilo. Ang balanseng ugnayan ng estetika at gamit ay nagninilay sa tunay na kapakinabangan ng isang kasuotan.
Dahil para sa propesor, dapat tingnan ang damit bilang kasangkapan hindi lamang sa estilo at pagkakakilanlan, kung hindi pati na rin sa ginhawa at pagiging praktikal nito.
“Una kasi 'yung utility and comfortability 'yung mahalaga. It's a basic principle na kung saan ka comfortable, 'yun 'yung susuotin mo and minsan kung ano 'yung preferences mo, 'yun na rin 'yun nagiging self-expression mo,” ani Potes.
Inayunan naman ito ni Maglaya sa pagsabing nakikita niya ang kasuotan bilang isang paraan upang maipahayag ng isang tao ang kanilang emosyon, interes, at personal na estilo.
“Clothing doesn’t have to be strictly in line with one’s sex characteristics. Besides, clothing isn’t solely based on gender, it can also be a way to identify or express one’s culture (Hindi kailangang mahigpit na sumunod ang kasuotan sa mga katangian ng kasarian. Bukod dito, hindi lamang nakabatay sa kasarian ang kasuotan, maaari rin itong maging paraan upang kilalanin o ipahayag ang sariling kultura),” pananaw ng lider-estudyante.
Nagsisilbing batayan ng paghusga sa pagkatao ang mga salitang, “Kalalaki/Kababae mong tao, ganiyan ang suot mo,” tuwing lilihis mula sa mga ekspektasyon ng lipunan. Sa ganitong konteksto, nagiging simbolo ang kasuotan sa mga paniniwala at limitasyong nakaangkla sa ating kultural na pamana.
Paliwanag pa ni Potes, iba-iba ang mga dahilan kung bakit pinipili ng mga tao ang kanilang kasuotan. Aniya, maraming mga kababaihan sa kaniyang mga pagsasanay ang magsuot ng mga damit na itinuturing na masculine bilang isang estratehiya upang makaiwas sa harassment at pang-aabuso. Samantalang nagsusuot ang mga queer nang hindi naaayon sa kanilang kagustuhan upang maiwasan ang diskriminasyon at panlalait.
"Kahit sa anong kasarian, they would rather wear kung ano 'yung nagko-conform para lang 'di sila makutya. So, there is also a certain adjustment doon sa kamalayan ng lipunan natin na kailangan minsan nagiging prescribed din sa isa't isa,” pahayag nito.
Pinipigilan ng mga itinakdang pamantayan ng lipunan ang malayang pagpili ng kasuotan at, kasama nito, ang kalayaang ipakita ang tunay na pagkatao. Sa ganitong kalakaran, tila itinutulak tayong itago ang mga bahagi ng ating pagkatao na nais nating ipakita gamit ang bawat piraso ng tela; itinataboy ang sariling kagustuhan upang makibagay sa mga inaasahan ng lipunan.
Pagtatahi ng malayang kasuotan
Sa pag-usbong ng mga makabagong ideya at saloobin, lumalakas ang tinig ng kabataang humihiling ng mas malayang pag-unawa sa kasuotan. Sinasalungat na nila ang mga dating nakagawian, nagiging personal na desisyon at ekspresyon ng sariling pagkatao ang kanilang kasuotan.
Sa obserbasyon ni Potes, mas bukas na ang pananaw ng mga kabataan ngayon pagdating sa konsepto ng fluid o dumadaloy na kasarian, at hindi na nila itinuturing ang kasuotan bilang isang limitasyon o hadlang.
"The awareness din na nailalapat na ngayon ng mga tao at kabataan because they can already sense and they are already tired of the conformity that is required of them if it doesn't speak of their expression or comfortability (Ang kamalayan na mayroon na ngayon ang mga tao, lalo na ang kabataan, ay nagpapakita na nararamdaman na nila at nagsasawa na sila sa pagsunod sa mga pamantayan na hindi tugma sa kanilang personal na ekspresyon o kaginhawaan),” anito.
Sa isang lipunang unti-unting nagiging ingklusibo, nagiging mahalagang hakbang ang pagpapalawak ng ating pag-unawa sa kasuotan upang iwaksi ang mga nakagawiang pamantayan. Sapagkat nagsisilbi nang simbolo ng kanilang mga ideya at damdamin ang mga damit na kanilang pinipili.
Kung kaya’t payo ng propesor, kinakailangan ng muling pagsusuri at pagbabago ng mga patakaran, alituntunin, at mga gabay nang masigurong wala itong hindi makatarungang probisyon.
Dagdag pa niya, “'Yung puwedeng gawin pa bukod sa reorienting and revision, sana, ng mga handbook and bylaws is to have dialogue. Mag-usap at pakinggan ng mga administrators 'yung mga estudyante about these things.”
Inayunan ni Maglaya ang kahalagahan ng bukas at maayos na diskurso. Ipinaliwanag niya na nagsisilbing plataporma ang mga bagong pananaw na ito upang labanan ang mga makalumang kaisipan at nagiging instrumento upang ituring ang pananamit bilang isang anyo ng sariling pagpapahayag.
Sapagkat ito ang magbibigay-daan sa bawat indibidwal na ipakita ang kanilang tunay na pagkatao, at tumaliwas sa mga nakasanayang kategorya ng kasarian.
Sa huli, pangaral ni Potes na patuloy na hamunin ang mga nakasanayang kodigo at pamantayan ng lipunan sa kasuotan upang tuluyan nang makalaya mula sa pagkakabilanggo ng mga makalumang kawikaan.
"'Tsaka 'yung isang way din is 'yung to question. Bakit niyo ba ipinagbabawal ito kung sakali, 'no? The perceptions really have to change, and they have to change in a way na the ones who are always victimized for their clothing, for instance queer people and women, ang mag-assert at mapakinggan sila eventually and ma-i-challenge pa 'yung norms (Isa pang paraan ay ang magtanong, "Bakit nga ba ipinagbabawal ito kung sakali?" Kailangang magbago ang mga pananaw, at ang pagbabagong ito ay dapat mangyari sa paraang ang mga laging nabibiktima dahil sa kanilang kasuotan, tulad ng mga queer at kababaihan, ay magkaroon ng pagkakataong magpahayag, mapakinggan, at hamunin ang mga nakasanayang pamantayan),” pagpapaliwanag pa ng propesor.
Hinikayat din niya ang patuloy na pagtutol sa mga nakasanayang kaisipan na mapanghamak, lalo na kung may kaalaman sa larangan ng moda o pananamit at may kamulatan sa mga isyung may kinalaman sa kasarian at seksuwalidad.
Mahalaga ang pagtiwalag sa mga preskripsyong nag-uugnay ng kasuotan sa tradisyunal na kasarian upang maipamalas ang malayang pagkakakilanlan ng tao at makabalikwas mula sa mga limitasyong ipinataw ng nakaraan.
Kailangan natin ng isang lipunan na bukas sa posibilidad na hindi pagkakakulong sa kasarian ang kasuotan, kung hindi patunay ng kalayaan mula sa mga rehas ng tradisyon. Marapat nating yakapin ang bawat uri ng pananamit bilang bahagi ng mas malaking laban para sa mas ingklusibo at pantay-pantay na pagtingin sa kasarian.
Sa ganitong klaseng lipunan, walang kukutya o huhusga sa sinuman dahil sa kanilang malayang pagpapahayag ng sarili gamit ang isang piraso ng tela.
Walang kasarian ang damit; bagkus, isa itong personal na desisyon na nakabatay sa sariling ekspresyon at estilo. Kung kaya’t sumisigaw ang panahon ng pagbabago at hinihingi nito ang pagwaksi sa mga lumang pamantayang humahadlang sa kalayaan. Sa pagyakap sa kalayaang pumili ng kasuotan, isinusulong natin ang karapatan ng bawat isa sa pagpapahayag ng tunay na sarili.
(Dibuho ni Darlyn Antoinette Baybayon/FEU Advocate)