Sayaw sa Apoy

FEU Advocate
August 22, 2024 19:28


Bathalang pinagmulan ng mga unang nilikha,
Libo-libong taon sa aming munting isla,
Sa kanlungan mo’y lahat nagkakaisa—
Wasak sa pamumulahaw ng homiliya.

Lakapating biniyayaan ang lupang sinauna,
Para sa masaganang pag-aani, ika'y aming músa.

Sa diyos nila’y hindi mananampalataya, kahit anong kusa,
Panatag kahit sa pagharap sa kanilang halimaw na parusa.

Apolaki at Mayaring maliwanag kahit sa bingit ng kadiliman;
Wala akong hinihingi, kapangyarihan man o kaligtasan.
Inaasam ko lamang na makamit ang kalayaan ng bayan.
Nagmamakaawa akong tapusin niyo ang sinimulan nilang digmaan.

Diyan Masalantang maawain, gabayan mo ako sa susunod na habang-buhay—
Sunduin mo ang aking kaluluwa mula sa usok at hukay.
Ilang babaylan man ang kanilang bininyaga't binitay,
Sa huli, hinding-hindi pagsisisihan ang pagsuway.

- Beatrice Diane D. Bartolome
(Dibuho ni Darlyn Antoinette Baybayon/FEU Advocate)