Tender is the Flesh
- November 06, 2023 08:55
FEU Advocate
August 14, 2022 09:53
Ni Aimerose C. Atienza
Tinulungan ng 20-point output ni Bryan Sajonia ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws na masungkit ang kanilang ikatlong panalo laban sa University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers, 90-79, sa 2022 Filoil EcoOil Preaseason Cup na ginanap sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City, Agosto 14.
Matapos makapagtala ang Tamaraws ng 13 puntos na kalamangan, nagawang humabol at makalamang ng koponan ng España sa ikatlong quarter ng laban, 50-56.
Ngunit, binawi rin ng koponan ng Morayta ang momentum at nakalayo gamit ang matinding lakas sa opensa at depensa upang matamo ang pagkapanalo laban sa UST.
Binigyang-diin ni Sajonia na kailangan ng maayos na daloy ng depensa para makamtan ang nais na resulta sa kanilang mga laro.
“Kailangan lang naming maging consistent (magpatuloy) lalong-lalo na sa depensa namin,” saad ni Sajonia.
Nakapagtala rin ng double digits ang apat pang green-and-gold cagers na sina Ximone Sandagon na may 13 puntos at siyam na rebounds; Xyrus Torres na gumawa ng 12 puntos; James Tempra na may 11 puntos; at team captain LJay Gonzales na may 10 puntos at limang dimes.
Ipinahayag naman ni FEU Head Coach Olsen Racela na mas binibigyang pansin nila ang pagpapabuti ng mga players at nakikita niyang unti-unti nilang nakakamit ito.
“Before the Filoil, hindi ko pa nakikita ‘yung improvements eh. Slowly, because the guys are settling into their roles and nakakalaro na rin ‘yung mga coming off injuries, slowly we’re getting there (Bago ang Filoil, hindi ko pa nakikita ‘yung mga naaayos nila eh. Dahan-dahan, dahil nakukuha na rin ng mga manlalaro ‘yung tungkulin nila at nakakalaro na rin ‘yung mga galing sa sakit, dahan-dahan kaming nakakarating sa gusto namin),” ani Coach Racela.
Sa pagkapanalo, nakamit ng FEU ang 3-3 win-loss record at sunod na haharapin ang Jose Rizal University (JRU) Heavy Bombers sa Agosto 15 sa parehong lugar.
(Litrato ni Kent Martinez/FEU Advocate)