Sa Panahon ng Pag-ani

FEU Advocate
November 17, 2024 18:10


Ang magtanim ay ‘di biro.

Lalo na kung maghapon kang nakayuko upang anihin ang palay na hindi iyo—sa lupang dapat ay pagmamay-ari mo. Saksi ang mga salubsob at kalyo sa palad na namamanhid kung paano inagaw ang bawat butil ng bigas, na dugo at pawis ang nagpatubo rito.

Sariwa pa sa alaala ko at ng aking mga kabaro ang lahat ng pang-aalipusta at pang-aagrabyado. Sa akala naming tubig lang ang kailangan upang madiligan ang aming pananim, ginamit nila ang aming dugo bilang pampasibol ng kasakiman.

Itinulak. 

Binugbog. 

Ginamitan ng dahas. 

Sa ganid na panginoong maylupa ay wala kaming takas. Hindi pa ba sapat ang ilang taon naming pagyuko sa lupa, at kami’y padadapain niyo pa?

Naghahalo ang putik at dugo sa mga palad mong huwad ang kadalisayan, ngunit ang iyong prestihiyosong barong ay kailanma’y hindi namantsahan. Hindi niyo ba naririnig ang aming mga sigaw? May pampamanhid ba ang inyong kasakiman sa kapangyarihan kaya’t hindi niyo naririnig ang aming mga daing?

Akala niyo ba’y limot na namin ang inyong mga pandarambong? Hanggang ngayon, sa ating lugmok na bansa, saan ang lugar naming mga pesante at dukha?

Ngunit mali na kaming mga magsasaka ang inyong inalipusta dahil sabak na kaming maghintay. Alam namin na bago maging palay ang mga punla ay aabutin ito ng ilang araw; na kailangan ng taimtim na dasal sa pagpapalambot ng lupa; may tamang panahon para sa pag-aararo.

Batid namin na mahabang paghihintay ang pag-aabang sa aanihin at may darating muli upang ang aming lupa ay angkinin. Ang aming himbing ay mababaw dahil tiyak namin ang oras kung kailan dapat gumising.

Dahil hanggang ang mga umaga’y nananatiling hilaw, patuloy kaming magbubungkal ng lupa. Nakayapak kaming maglalakad sa kahabaan ng Maynila at makikibaka.

Mararamdaman niyo ang higpit ng inyong panggigipit hanggang ang panahon ng paniningil ay sumapit.

Panahon ng paghahasa sa aming mga karit at sundang para sa nalalapit na pag-ani ng aming mga karapatan.

- Sean Clifford M. Malinao
(Dibuho ni Chynna Mae Santos/FEU Advocate)