FTG takes digital world with de Jesus' Kung Paano Maghiwalay
- March 23, 2021 06:51
FEU Advocate
March 02, 2022 12:26
Ni Prince Thomas I. Siñel
Wala halos ang mga bituin at ang haring buwan sa madilim na kisame ng mundong ibabaw. Nakasakay na ng dyip si Martino: isinisingit niya ang online classes mula umaga hanggang tanghali sa trabahong hanggang gabi. Hirap man ang pamilyang pinadapa ng pandemya, nagagalak siya dahil hindi tulad ng gabi, ang binili niyang dibuho ng Manila Bay ay may araw sa bukang liwayway at pumapailalim ang umiindak na alon.
Hindi pa man nakapapasok sa bahay ay lumuluha na si Aling Teresa. Ilang linggo lamang ang lumipas nang sunduin ng mga anghel ang natatanging anak dahil sa naghaharing sakit. Ilang linggo na ring tumatakbo ang ina sa yakap ng awiting Malayo pa ang Umaga. Sa bulong ng saliw, natututo siyang maging matatag at matapang kahit mahaba pa ang gabi.
Sa katabing maliwanag na bahay ay natanggap naman ng empleyado na si Katherine ang tulang binayaran niya sa isang malikhaing manunulat sa Facebook. Nagtatrabaho o hindi, nakakulong siya sa bahay habang may sakit. Nababalisa man, malaya siyang nakagagalaw sa umagang dala ng mga titik.
Hindi magtatagal ay maghahanda na ng hapunan ang kaniyang anak, ngunit nang malaman ang tungkol sa Trese, agad na nanood ang kilala sa kalyeng ito na si Lolo Urbano. Sa kaniyang makulay na isipan, siya ang bayaning gagapi sa mga halimaw at siya ang bahaghari pagkatapos ng bagyo. Ito ang mga papel na kaniyang gagampanan magpatuloy man ang gabi.
Sa gabing madilim at namumuno, nabatid ng magkakapitbahay na darating ang umagang maliwanag at mapayapa—habang may dibuho, awitin, tula, at palabas.
(Ilustrasyon ni Jirah Bernal/FEU Advocate)