Papasukin Niyo Kami

FEU Advocate
August 20, 2023 10:53


Ibinibida ng Far Eastern University (FEU) ang pagiging inklusibo nito sa mga Tamaraws ngunit kung hindi ito maisasadiwa ng mga lider-estudyante, hindi rin ito buong mapagtatagumpayan at maisasakatuparan.

Usap-usapan sa unofficial Facebook group ng Pamantasan na One Piyu Community ang pananaw ng mga miyembro nito sa The Huddle, isang pasilidad na matatagpuan sa unang palapag ng Education Building.

Sa post ni Joey Venancio Jr., dating direktor sa Legal Affairs ng FEU Central Student Organization (FEUCSO), isinaad nito ang pagpapaalis sa kanya ng isang Tatak Tamaraw working committee sa The Huddle.

Ang The Huddle ang nagsisilbing tagpuan ng mga estudyante sa paggawa ng kanilang academic requirements, na mas madalas din okupahan ng mga lider-estudyante para sa kanilang mga pagpupulong.

Ang post tungkol sa nasabing espasyo ay umani ng samu’t saring reaksyon mula sa FEU Community. Dahil dito, nagsimulang magbahagi ang mga miyembro ng online community ng kanilang mga saloobin at parehong karanasan ni Venancio. Ilan sa mga ito ang pagpaparamdam ng hindi pagtanggap, hindi malinaw na polisiya, at tila paghalo ng politika at mga pinapaborang tao sa loob ng pasilidad.

Matatandaang binuksan noong Abril ng nakaraang taon ang FEU Student Leadership Development Center o mas kilala sa tawag na The Huddle. Nakasaad sa opisyal na website ng FEU na ito ay espasyo na hindi lang para sa mga lider-estudyante, kung hindi para rin sa mga Tamaraws na nakikitaan ng potensyal na mamuno.

Bawat mag-aaral ng Pamantasan ay may kakayahan manungkulan at maging simula ng pagbabago, kaya bakit sila hindi bibigyan ng pagkakataong gamitin ang espasyo na nakalaan para rito? 

Ayon sa pahayag ng dating presidente ng FEUCSO na si Kristoff Luzon, magsisilbing ligtas na lugar ang pasilidad upang iboses ng mga mag-aaral ang kanilang mga hinaing sa Pamantasan.

“Lalong higit, ang espasyong ito ay nagbibigay ng kalayaan, hindi lang kalayaan sa paggalaw, kundi ang kalayaang ipahayag ang aming mga sarili at patuloy na hubugin ang aming kritikal at makabayang pag-iisip,” ani Luzon.

Ngunit paano ito magiging posible sa kasalukuyan kung ang espasyo na para sa lahat ay nilimitahan sa isang posisyon o pagkakakilanlan?

Sa ganitong sitwasyon, hindi maaaring iboses ang mga isyung umiikot sa Pamantasan kung hindi kabilang sa diskusyon ang mga kinikilala nilang “pangkaraniwang estudyante”. 

Pangkaraniwan man kung ituring, malaki ang kanilang gampanin sa komunidad. Ika nga ng mga lider-estudyante noong kanilang kampanya, Tamaraws ang sentro ng kanilang pamamalakad ngunit ngayon, tila yata naisasantabi ang kanilang partisipasyon. Kung taos-puso nilang isinaad ang kanilang mga pangako sa FEU Community, anumang pangyayari ang umiikot sa komunidad ay kanilang dapat mapanagutan.

Alinsunod dito, nakatakda si Venancio, kasama ang kanyang departamento, na ayusin ang polisiya para sa pasilidad, ngunit pagkatapos ng kanilang termino ay nagkaroon pa rin ng mga rebisyon sa patakaran. Sa kasalukuyan, walang naaprubahan at na-implementang alituntunin—isang dahilan ng pagkakalito kung para kanino ba talaga ang espasyong ito.

Nagtatakda ng mga parametro ang mga panuntunan hindi lamang para sa pasilidad, kung ‘di pati na rin sa mga lider-estudyante. Kung ang patakaran para sa The Huddle ay pinangasiwaan nang maayos, walang isyu at kalituhan ang mangyayari sa simula pa lamang.

Panawagan din ito sa lahat ng organisasyon sa FEU na isapubliko ang kanilang mga alituntunin upang mapanatili ang kaayusan sa bawat pasilidad ng Pamantasan.

Dagdag pa rito, nararapat lamang na mailinaw ang karapatan ng mga estudyante sapagkat ang pondong ginagamit upang mapanatiling tumatakbo ang mga pasilidad ay nagmumula sa kanilang binabayarang matrikula.

Sa ngayon ay wala pang opisyal na pahayag ang FEUCSO tungkol sa isyung ito. Anumang paliwanag o pahayag ng organisasyon o maging ng administrasyon ng Pamantasan ay isang malaking tulong upang maliwanagan ang FEU Community.

Ang pagseserbisyo ay nangangahulugang pakikinggan at susundin ang hinaing ng mga nasasakupan nito ngunit sa ganitong sitwasyon, bakit ang mga lider pa mismo ang dapat paglingkuran at paboran?

Ipinagkakatiwala ng mga mag-aaral sa mga namumuno at nangangasiwa ang kanilang matiwasay na pananatili sa Pamantasan, kaya naman nararapat na gampanan nila ito nang walang kinikilingan. Mangyari lamang na magkaroon ng patakaran at panuntunang nakasentro sa estudyante at hindi lamang sa mga lider-estudyante nang sa gayon ay mapalagi ang inklusibidad sa loob ng Pamantasan.