FEU CES, IARFA Exhibit paint new beginnings
- December 08, 2022 15:29
FEU Advocate
October 20, 2020 11:40
Nina Mary Evangeline Q. Valenton at Agustin F. San Andres, Jr.
Ang mga guro ay kadalasang naihahalintulad sa isang kandilang nagbibigay-tanglaw habang sila mismo ay nauubos, ngunit taliwas ito sa karanasan ng boluntaryong guro ng mga Lumad na si Chad Booc. Inihahambing niya ang kaniyang sarili sa isang apoy na mas lalong pinag-aalab ng kolektibong paglalagay ng panggatong na kahoy—ang suportang kaniyang nakukuha mula sa kapwa guro at ng buong komunidad ng Lumad.
Sa pag-usbong ng samu’t saring inhustisya sa ating lipunan, handa ka bang maglagay ng iyong kapirasong sanga sa pagpapaningas ng adhikaing inklusibong edukasyon?
Kislap ng pagkakakilanlan
Hindi nagtatapos sa apat na sulok ng kuwadranong silid ang pagkatuto, kung minsan matatagpuan ito sa lansangan, pagawaan, sakahan, at kanayunan. Nangarap lamang noon ang aktibistang si Chad Booc na nakapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Computer Science sa University of the Philippines Diliman (UPD) na pumunta o manirahan sa kanayunan balang araw, nakamtan niya ito nang talunin niya ang sariling kapalaran. Sa tulong ng aktibismo, namulat ito sa iba’t ibang kalagayan ng mga marhinalisadong sektor ng lipunan gaya ng mga magsasaka, manggagawa at katutubo na naging daan upang makamtan niya ang noo’y hinahangad niya lamang na pangarap.
Simula pa noon, taun-taon nang naglalakbay ang pambansang minorya upang ipanawagan ang kanilang mga karapatan sa kalunsuran. Sa naganap na ManiLakbayan noong Oktubre 2015, kung saan nagpunta ang mga Lumad sa UPD, dito kumislap ang apoy ng pagnanais ni Booc na magpunta at magturo sa mga katutubong komunidad. Matapos niyang marinig ang kahanga-hangang kuwento ng mga Lumad noon, kung papaano nila ipaglaban ang kanilang lupang ninuno, kinaharap ang pang-aatake sa kanilang karapatang pantao, at ang pagtatayo at pagsusulong para sa sariling sistema ng edukasyon. Dito na naging buo ang kaniyang loob na iwan ang kaniyang buhay sa kalunsuran at magpasyang tumungo sa kanayunan.
Ang noong Chad na mahilig lamang gumamit ng social media, makipagsalamuha sa kaniyang kaibigan, at paikutin ang kaniyang buhay sa pag-aaral ay tila nabago nang kaniyang dinggin ang tawag ng pagtuturo. Kahit pa man napakaraming oportunidad na maaring matanggap sa kursong matagal niyang pinaghirapan, mas pinili pa rin nitong magboluntaryo bilang guro upang matutukan ang mga Lumad sa Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development, Inc (ALCADEV) sa Lianga, Surigao Del Sur, Mindanao.
Mga hamon sa pagpapabaga ng apoy
Sinubok ang apat na taong pagtuturo ni Booc sa komunidad nitong nakaraang buwan, napilitan silang panandaliang ihinto ang kanilang propesyon hindi dahil sa pandemya kundi dahil sa unos na dala nang pagsasabatas ng Anti-Terror Law sa bansa. Bilang ang mga paaralan nila ang nangunguna sa pagtaguyod ng pangangalaga at pagdedepensa sa lupang ninuno, hindi sila nakakaiwas sa panggigipit ng mga mapagsamantala. Nariyan ang pangangamkam ng lupang ninuno, pambobomba sa mga paaralan, at pagbabanta sa buhay ng mga Lumad at kaguruan.
Kung tutuusin, “superficial” lang sa kanilang pananaw ang pandemya sapagkat nasa kanayunan naman ang mga paaralang Lumad. Ibinahagi ni Booc na kayang-kaya naman ng komunidad na magpatuloy sa kanilang sistema ng edukasyon dahil malayo sila sa kalunsuran at may dormitoryo naman ang mga bata. Ngunit, hindi man naging banta ang pandemya, ang patuloy na panggigipit ng estado naman ang naging rason kung bakit naantala ang pag-aaral ng bawat Lumad.
“Hindi kami pinapayagan na mag-classes ulit at pinagbabantaan ang mga teachers na kapag magklase kayo, ikukulong namin kayo, so, siyempre may baril sila at kinukulong nila ang sinuman [na] ayaw makinig, so hindi kami nakakapag-hold ng classes ngayon,” nangangambang pahayag ni Booc.
Kahit pa man may banta sa kanilang buhay, matapang pa rin na ibinabaka at ipinapagpapatuloy ni Booc at kapwa nitong mga guro na magsilbing panangga at pangalagaan ang apoy ng pagkatuto upang hindi ito tuluyang mawala sa pag-ihip nang malakas na hangin ng mga mapagsamantala.
Sa kabila ng lahat, isa pang hamon na maituturing ang hindi maiwawaksi sa isipan ng ibang tao ang pagdududa sa naratibong ipinapabatid at ibinabahagi ng mga Lumad, sa kadahilanang magkakaiba ang danas ng bawat isa sa kalunsuran at kanayunan. Ang pagkakaibang ito ay hindi dapat maging rason sa mga Pilipino upang ipagkibit-balikat at isara ang kanilang kaisipan sa hilakbo na naranasan ng mga katutubo. Hindi ibig sabihin na hindi ito nararanasan ng may mga labis na pribilehiyo, hindi na ito nangyayari.
“Ayun [po], ang hamon sa ating mga kabataan [ay] kailangan natin maging bukas. Buksan natin ang isipan, ang ating mga puso, tayo siguro sa mga kalunsuran ay nabubuhay tayo sa mas relatively, mas kumportable na buhay pero ang kabataan sa kanayunan ay matindi talaga ang pinagdadaanan. Nandiyan ‘yung kawalan ng edukasyon, diskriminasyon laban sa katutubo, pang-aagaw ng lupa, pamamaslang tapos [ayun nga] ngayon pagpapasara sa mga paaralan,” pagdidiin nito.
Liyab ng pakikibaka
Naniniwala si Booc na sa kabila ng mga pandarahas at pagbabanta na kanilang nararanasan kasama ang komunidad ng mga Lumad, mananaig ang kapangyarihan ng masang patuloy na nagliliyab ang mithiin para sa isang bayang malaya sa karahasan at mapagpalaya sa lahat. Tulad ng ibang tao, pinanghihinaan din ang hanay nilang mga guro sa walang katapusang pananakot at red tagging sa kamay ng isang estadong hindi makapapayag na tumaliwas ang pasya ng bawat isa laban sa mapagsamantalang interes.
“Hangga’t hindi tayo susuko, hangga’t hindi tayo sumusuko, meron at merong mga taong susuporta at aalalay sa ating paglalakbay para makamit ang isang lipunang tunay na malaya,” pahayag ni Booc.
Tunay na makapangyarihan ang sektor na nagkakaisa upang ipaglaban ang karapatan ng ating mga katutubo at ang mga gurong sinusuong ang labang nakataya ang kanilang mga buhay mula sa mga pamamaslang na kanilang dinaranas. Pinatunayan ng mga gurong tulad ni Booc na higit pa sa propesyon at kagustuhang makapagturo, dugo at pawis ang kanilang iniaalalay alang-alang sa kinabukasan ng isang komunidad na tumayo at manindigan para sa kanilang karapatan.
Hindi naging madali ang paglalakbay na ito, marami ang patuloy na sumusubok sa katatagan ng bawat Lumad at ang mga gurong nakaagapay. Bago sa lipunang ito ang pananaw kung ano nga ba ang espasyong nakasanayan at kinabibilangan ng kanilang komunidad, ngunit isa lamang ang panawagan ni Booc lalo na sa mga kabataan—buksan ang mga isipan at puso na makinig at makipamuhay sa karanasan nila.
Pagpapasiklab sa inuupos na pangarap
Marami ang nagsasabing ang pundasyon ng pagkatuto ay nagmumula sa bawat sulok ng isang paaralan, marami rin ang taliwas sa ideolohiyang ito, sapagkat ang tunay na pinagmumulan ng pagkatuto ay ang karanasang nahihinuha sa masa. Dalawang bagay ang maaaring kahihinatnan ng isang mag-aaral sa larangan ng pagpapasya—sumunod o lumihis sa landas na idinidikta ng isang institusyon.
Isa sa mga layunin ng ALCADEV at ng ibang Lumad schools, na subukang baliin ang nakasanayan nating sistema ng edukasyon, kung saan nakakulong lamang sa isang ideyalistikong pananaw ang isang estudyante at nagiging pasibo ito sa malawak na mundong maaari pang makamulatan. Ito ang ideolohiyang hindi maunawaan ng estado, at pilit na pinapatay ang nagliliyab na kinabuksan ng ating mga kapatid na Lumad mula sa militarisasyon.
Hindi kailanman kasalanan na turuan ang mga kabataan na matutong maging kritikal at lohikal sa kanilang pagharap sa reyalidad. Ito ang mga bagay na nakakaligtaan nating isabuhay, sapagkat sinanay na tayo ng isang sistemang nakabase lamang sa mga libro ang pagkatuto. Malaking hamon ito sa kasalukuyang kalagayan ng mga kabataan, dahil marami ang pumipigil sa kanila na kwestiyunin ang mga sakit ng lipunang ipinagkikibit-balikat lamang ng iilan.
Mula sa mga sitwasyong lumalakas ang loob ng militar na sugpuin ang nagkakaisang komunidad, pinatunayan lamang nito kung kanino nga ba pumapanig ang kanilang panunungkulan na dapat ay para sa bayan. Isa lamang itong repleksyon na sa kasalukuyang panahon, ang mga inosenteng tao ang itinuturing na kaaway ng estado, at ang mga dapat na pumuprotekta sa karapatan natin ang siya pang nagiging rason kung bakit ito patuloy na nalalabag at naaabuso.
Isang layunin ng mga paaralang itinayo para sa ating mga katutubo ang makamtan sa lipunan ang edukasyong inklusibo para sa lahat. Naging malinaw na ang edukasyon ay tila umiikot na lamang sa kamay ng mga kapitalistang sinasamantala ang kapangyarihang ipagbili ang kalidad nito na umaayon lamang sa mga may pribilehiyo. Isinasantabi nito ang pagkakataong maging bukas para sa lahat ang pagkatuto, nakalulungkot man ngunit ito ang reyalidad na kinakaharap—marami ang napag-iiwanan sa sistema ng edukasyon na mayroon ang bansa.
Binigyang-punto rin ni Booc na nawa’y maging susi ang pribilehiyong ating tinatamasa upang maging kaagapay tayo ng maralita sa bawat laban na kanilang isinusulong. Mula sa maliit na apoy na pilit inuupos ng mga pandarahas, higit tayong kakailanganin ng mga Lumad, katutubo at lahat ng api na magkaisa upang muling pasiklabin ang pag-asang makamtan ang kanilang mga pangarap. Huwag nating hayaang makulong lamang sa ating mga grado ang kalidad ng edukasyon at gamitin natin ito upang makisalamuha at ibahagi ang reyalidad na kinasasadlakan ng ating lipunan sa buong mundo.
Hangga’t may mga kabataang gustong mag-aral, naninindigan si Booc na hindi ito titigil sa pagtuturo. Isang patunay na sa kabila ng mga kinakaharap na hamon, isa sa mga rason ng kanilang pagpapatuloy ay ang presensya ng mga estudyanteng ibinubuhos ang kanilang kagustuhang matuto. Ayon pa sa kaniya, ang tunay na pagkatuto ay nagmumula sa magkabilang panig, magkaiba man ang lente ng mga realisasyon, ngunit nagkakaisa ang pagkatutong ito tungo sa isang lipunang mapagpalaya.
Pinatunayan ni Booc na ang pakikipaglaban niya sa karapatan ng mga Lumad ay isang pilas lamang sa marami pang pahina ng mga adbokasiya na isinisigaw nito para sa bawat sektor na nakararanas ng hindi pantay na pagtrato sa lipunan. Nais din nitong maunawaan ng mga kabataan na hindi pa huli ang lahat at higit tayong kailangan at patuloy na kakailanganin ng lipunan upang maihayag natin ang kolektibong boses na nararapat mapakinggan. Sikapin nating himukin ang ating komunidad na patuloy na usisain ang bawat paglabag at pananamantalang ating dinaranas mula sa estado, dahil hindi kailanman kasalanan ang humingi ng hustisya para sa bayang pagmamay-ari ng masa.
Ngayong lahat ay kumakaharap sa isang sitwasyong higit na sinusubok ang ating katatagan sa larangan ng edukasyon sa ating bansa, nawa’y gaya ni Booc, magsilbi tayong tanglaw para sa mga mga pinagkakaitan at tumindig para sa kanilang mga pangarap at karapatan.
Magkakaiba man ang pinagmumulan ng init ng ating mga paniniwala, huwag sana nating isantabi ang inklusyon ng ating mga katutubo sa bawat naisin natin. Tulungan natin sila na palakasin ang naghihingalong presensya ng kanilang apoy. At kapag dumating ang araw na tuluyan itong supilin ng mga mapagsamantala, nawa’y makiisa ka sa kanilang laban.
(Ilustrasyon ni Ralph De Jesus)