Pagtiwalag sa Hirati: Kaluwalhatian sa Panangis ng Kalusugang Pangkaisipan 

FEU Advocate
December 28, 2023 07:57


Ilang kalendaryo na ang pinunit ngunit tila hindi matibag-tibag ang stigmatismong nakapalibot sa alingasngas ng kalusugang pangkaisipan. Kaya naman sa paglipas ng taon, unti-unting naitatatag ang gusali ng kabatiran sa paksang mentalidad. Subalit hindi inaasahan na marupok ang naging pundasyon ng kaalaman, dahilan upang mauwi ito sa romantikismo kaysa maging isang kilusan tungo sa mas matibay na diskusyong sikolohikal.

Kapag ang saligan ay hindi matibay, guguho ang kamalayang hinubog at lilitaw ang tunay na hamon ng kalusugan ng isip na humahadlang sa pag-unawa. Nararapat lamang na mas palalimin pa ang muwang sa pinag-uugatan ng isyung pangkaisipan upang magtuloy-tuloy ang matatag na kaalaman at tamang persepsyon sa paksang mental health.  

Pagpapatatag sa Kalidad ng Pundasyon  

Likas na sa mga Pilipino ang pagpapahalaga sa kanilang katatagan. Anumang hamon, isa ang bansang Pilipinas sa may karangalan sa kultura ng pagiging matibay at makabangon mula sa trahedya ng buhay, katulad na lamang ng mga bagyo, lindol, o kahit ano pa mang sakuna. 

Bilang resulta, marami sa atin ang yumaring kawangis ng bato at nakasanayan nang harapin ang mga suliranin na dumadaan. Marami ang humahantong sa pang-aabuso sa kalusugan ng isip sanhi ng hindi pagkundisyon sa pagkalinga sa sarili.

Bunsod ng pag-iwas sa paksa tungkol sa mental o emosyonal na pagsubok at pagpipinid tuwing naghahanap ng tulong-kamay na maaring abutin, ay hindi nakakakuha ng simpatya at propesyonal na pangangalaga ang mga indibidwal na mayroong hamon sa pag-iisip sa Pilipinas.

Matatandaan na umani ng batikos si Joey De Leon sa noon-time show na Eat Bulaga matapos niyang sambitin sa segment ng “Juan For All, All for Juan” na gawa-gawa lamang ang depresyon ng isang Sugod Bahay winner.

Mula rito, sinasalamin na epidemya pa rin ang stigmatisasyon sa mga may sakit sa pag-iisip sa Pilipinas dahil sa impluwensiya ng kanilang nakikita online. Ito ang nag-udyok at humubog sa kanilang pang-unawa na angkinin ang isang sakit nang hindi inaalam ang tunay na kahulugan nito.  

Isa pang rason ay ang kakarampot ng impormasyon at kakulangan sa pampublikong edukasyon sa kalusugan, na sana ay matutulungan silang unawain ang kabuuang hanay ng diskusyon.

Naging tinik din sa lalamunan ang maling mentalidad na namuo sa lipunan kung saan ang konsepto ng pakikisalamuha o pagbabalik sa relihiyosong kasanayan ang hihilom sa kanilang problema. 

Ngunit sa pag-usbong ng teknolohiya at social media, ay kasabay din ang utay-utay na pagmulat ng kamalayan ng mga Pilipino sa alingasngas na matagal nang binabaon hinggil sa usapang mentalidad.  

Sa dulo, kahit pa naging kapaki-pakinabang ang hatirang-madla para sa pagpapataas ng kabatiran sa kalusugan ng isip, ay hindi rin makakampante na hindi ito mauuwi sa peligro, lalo na kung ang impormasyong nakaimbak dito ay mahuhulog sa maling mga kamay.

Kamalayan na humantong sa Romantisasyon

Sa pagbibigay-daan ng social media tungo sa pangmalawakang koneksyon at impormasyon, hindi maikukubli ang posibilidad na maaaring makatunton ito sa mapanganib na direksyon. 

Sa bitbit na edukasyon nito, bumigat lalo ang bagahe ng mga taong dumaranas ng sakit sa pag-iisip dahilan ng lumaganap na pagromantisa sa kanilang pinagdaraanan. 

Tila sumama ang ihip ng hangin sa persepsyon ng mga tao at tinananaw ang mental health illness bilang isang trend, kung saan ang mga walang muwang mamuhay na may sakit sa pag-iisip ay kaswal na naglalagay ng mga label tulad ng Bipolar at Obsessive Compulsive Disorder (OCD).

Sa pag-usbong ng puno ng kamalayan, unti-unting natuklasan na ang malawakang pagkalat ng pekeng impormasyon at kulang na representasyon ang pinakaugat ng pagluwahati sa paksang mentalidad.

Ngayong lipana na ang ganitong kalagayan dahil sa social media, patuloy na bumabaha sa internet ang mga taong hindi na sineseryoso ang ganitong talakayan. Ito ay nagresulta ng patuloy na pagkaunod ng mga taong mayroong karamdaman sa pag-iisip. 

Nagdulot ito ng pagpapababaw sa imahe ng kanilang pagdurusa at nagreresulta rin ito sa self-diagnosis o pag-aangkin na mayroon silang sakit sa pag-iisip nang hindi dumaan sa propesyonal na pagsusuri.

Sa panayam ng FEU Advocate kay Alyanna Velasco, isang 2nd year Psychology student mula sa St. Scholastica's College Tacloban, ibinahagi nito na hindi na rin bago sa kanya ang mga ganitong uri ng mga posts sa paglalaan niya ng 3 hanggang 5 oras sa social media

Dagdag pa niya, nakaalarma na tila ba ay ginawang katangian o personalidad ang mga ganitong hamon sa buhay ng isang tao, na insulto at pang-aalipusta sa mga tunay na nagdurusa sa mga kondisyon ng kalusugan ng isip.

“Dumating pa nga sa punto na may mga taong gusto na talaga magkaroon ng sakit dahil sa mga nakikita nila online. Hindi ito basta uso o isang bagay na p’wedeng piliin ng mga tao ng magkaroon sila. Dahil sa ganitong gawain tuloy, ‘yung mabibigat na usapan ay minsan binabalewala at kinukutya sa halip na maayos na pag-usapan,” aniya. 

Sa kabilang banda, nilantad din ni Kenny Rose Sibay ang kanyang kaalaman sa diskursong ito bilang isang 2nd year Psychology student sa Far Eastern University.

Ani niya, nararapat lamang na haplusin ang ganitong mga uri ng seryosong paksa nang may lubos na pag-iingat at masinsinang pang-unawa. 

“Maaari rin itong makaapekto sa kung paano itinuturing ang sakit sa isip, na direktang nakakaapekto sa mga taong higit na nangangailangan ng treatment talaga. Ibinababa na kasi ngayon ang mental health illness bilang bahagi ng pop culture, sa halip na isang isyu na dapat nating seryosohin,” dagdag pa niya. 

Sapagkat ang kakulangan ng representasyon ng sakit sa pag-iisip sa ating bansa ay ang parehong dahilan na humahantong sa stigmatismo at romantikismo na parehong mapanganib at may baluktot na kahihinatnan.

Sa huli, lumalala ang sitwasyon dahil parami nang parami ang mga indibidwal na natatambad sa labis na paggamit ng terminolohiya sa kalusugan ng isip kahit pa hindi inaalaman ang tunay na kahulugan nito. 

Bagama't nagkaroon ng malalaking hakbang tungo sa pagpapabuti, ang sakit sa pag-iisip ay patuloy na nagiging stigmatized at hindi gaanong kinakatawan na isyu sa bansa, kaya kailangang itaas ang kamalayan tungkol sa mga isyung nakapaloob dito.

Pagpapatayog sa Ugat ng Kaalaman

Sa pagpapalawak ng kabatiran ukol sa diskursong mentalidad, nararapat lamang ng sagot mula sa may mga kredibilidad sa larangan ng sikolohista. 

Kaya naman sa panayam ng FEU Advocate kay Monica Cezero, isang rehistradong sikolohista, inilapag nito ang kanyang mga kaalaman upang sugpuin ang mga balikong impormasyon hinggil sa usaping mental health.

Sa araw-araw na dalawang oras ng paglaan niya sa paggamit ng social media, inamin niyang naalarma siya sa mga nilalatag na post na animo ay hindi pinag-isipan nang mabuti. 

“May mga taong walang ingat na nakikisali nalang sa bandwagon nang hindi man lang nagsasaliksik sa mga termino na inaangkin nilang meron sila. Ang pagluwalhati sa sakit sa isip at pag-poportray dito bilang isang kakaibang personalidad ay p’wedeng magsulong ng maling pananaw sa kung ano talaga ang mental health illness. Maaari nitong imbaliduhin ang kalagayan ng mga tao na tunay na nagdurusa sa mga sakit sa pag-iisip.” saad pa niya.

Ibinunyag naman ni Cezero na ang huwad na paglalarawan ng medya ang isa mga rason kung bakit may tendensiya na romantisahin ang isang mabigat ng isyu.

One of the greatest reasons is the inaccurate portrayal of series and movies about mental illness which may make the issue appear less serious. Mental illness is glorified in some movies or shows. These platforms are creating pathways for users to share their mental health issues online carelessly (Isa sa pinaka dahilan ay ang maling paglalarawan ng mga serye at pelikula tungkol sa sakit sa pag-iisip na nagpapalabas na hindi gaanong seryoso ang isyu. Niluluwalhati ang sakit sa isip sa ilang mga pelikula o palabas. Ang platform na ito ay lumilikha ng mga landas para sa mga user na ibahagi ang kanilang mga isyu sa kalusugan ng isip nang walang ingat),” paliwanag niya. 

Dagdag ni Cezero, mas naging normalisado pa ang paglalagay ng mga label sa mga indibidwal batay lamang sa mga sintomas na kanilang nakikita nang hindi nag hahagilap sa propesyonal na tulong. 

Sapagkat ang pag romantiko sa sakit sa isip ay maaaring magdulot pagpapawalang-bisa sa aktwal na pagdurusa ng mga indibidwal na nasuri ng propesyonal na may mga sakit sa pag-iisip. 

Sa dulo, nag-iwan ng kakintalan si Cezero ukol sa mga remedyo tungo sa mas handa pang sangkap ng pagiging isang responsableng indibidwal na kumukonsumo ng medya at maiwasan ang mga kasidhian ng sitwasyon. 

Ani niya, mahalaga na tayo ay may mahusay na edukasyon, hindi lamang tungkol sa mga isyu sa mental health, kundi pati na rin sa mga responsibilidad na mayroon tayo bilang mga gumagamit ng mga social media platform. 

Anumang impormasyong makikita natin online ay hindi nangangahulugang katotohanan agad at ang pagiging matalino tungkol sa mga nilalaman online ay mahalaga upang mapagtagumpayan ito.

Ang pagiging bukas tungkol sa mga pag-uusap na may kaugnayan sa kalusugang pangkaisipan ay marahil ang pinakamadaling paraan upang turuan ang mga tao tungkol sa anumang mga isyung nakapaloob dito. Gayunpaman, dapat nating tiyakin na ang mga diskarte na dadakuin ay tama at, samakatuwid, sapat.

Kilusan tungo sa Kapakanan ng Nangangailangan 

Isa sa mga patuloy na dilemma para sa Pilipinas ay walang pormal na pambansang batas na tumutugon sa kalusugan ng isip. Gayunpaman, hindi ito nagmumungkahi na ang mga pagsisikap na lumikha ng mga batas at plano sa kalusugan ng isip ay walang bunga.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 21, 2018 ang Republic Act No. 11036 o ang Philippine Mental Health Law na naglalayon magprotekta ng mga karapatan at kapakanan ng mga taong may pangangailangan sa kalusugan ng isip. 

Sa panayaman naman ng Inquirer, ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros, may-akda at punong sponsor ng panukalang batas sa Senado, na ito ang magtatakda ng landas para sa patakaran ng gobyerno sa pagsasama ng pangangalaga sa kalusugan ng isip sa sistema ng pampublikong pangangalaga sa kalusugan ng bansa.

Ang sapat na representasyon ng kalusugang pangkaisipan, na maaaring magbunga ng mga mamamayang may sapat na kaalaman sa pag-iisip, ay makakamit sa pamamagitan ng maunlad na pagpapatupad ng batas sa aktibong pakikipagtulungan.

Sa kabilang banda, kumikilos din ang maraming organisasyon tulad ng Global Peace Foundation Philippines tungkol sa mental health awareness. 

Sa paglikha ng isang ligtas na espasyo para sa mga nahihirapan tungkol sa kalusugan ng isip sa social media, sinimulan nila ang serye ng webinar; “SAFE TALKS: Tales and Takes by the Youth”. 

Ito ay magiging isang mahusay na platform ng adbokasiya kung saan mapoprotektahan ang mga karapatan ng mga indibidwal na nangangailangan at mapagkukunan ng kaalaman ng naka sentro sa paksang mental health. 

Sa panahon ngayon, ang paglalakbay ng kamalayan sa kalusugan ng isipan sa social media ay nagbago ng anyo, naglantad ng masalimuot na ugnayan ng kaalaman at panganib. 

Habang tatahakin natin ang nagbabagong tanawin, mahalaga ang pagkilala sa mga subtil na aspeto, iwasan ang kahalumigmigan ng romantikasyon, at buuin ang landas na nagtataguyod ng tunay na pag-unawa at suporta. 

Sa huli, ang paglalakbay tungo sa kamalayan sa kalusugan ng isipan sa mundo ng social media ay nagbubukas ng mga pinto ng kaalaman ngunit nagtataglay din ng mga peligro. 

Sa pag-unlad ng teknolohiya, tayo'y hinahamon na magkaroon ng matalim na pang-unawa sa mga ganitong diskurso. Bagamat nagiging sentro ng atensyon ang romantisasyon, mahalaga ang maging mapanuri sa layuning makalikha ng tunay na pag-unawa at suporta. Sa pagtatapos ng araw, ang pagtahak sa landasin ng kalusugan ng isipan sa hatirang-madla ay isang pangako na nangangailangan ng responsableng pamamahagi ng kaalaman at pag-aalaga sa isa't isa.

-Jasmien Ivy O. Sanchez