FEU Campus on Ministry observes Ash Wednesday
- February 14, 2024 10:48
FEU Advocate
May 13, 2024 10:29
Mistulang bituin ang edukasyon. Nagbibigay-ningning sa madilim at magulong lakbayin at naghahatid liwanag sa mga balik at lumang pananaw. Sa diskursong kaliwanagan, hatid nito ay kamalayan sa katotohanan na siyang daan upang wasakin ang harang na nagbubukod sa yaman at ginhawa ng masa.
Bagama’t naitatag sa Saligang Batas ng 1987 ang karapatang makapag-aral, tila pilit na hinaharangan ng mga pigurang sumumpa sa konstitusyon at bayan ang mga biktima ng kahirapan mula sa sinag ng karunungan.
Ang edukasyon ay itinuturing na isang mahalagang pundasyon sa pag-unlad at pagkakaroon ng magandang kinabukasan. Kaya nitong magpamulat ng malay at binibigyan ng kapangyarihan ang isang tao sa malayang pagpapasiya at pagpapahayag ng opinyon.
Ang pagtangkilik at pagbibigay-diin sa edukasyon ay nagiging sandata ng mamamayan laban sa kahirapan at limitasyon ng kanilang kapaligiran. Bunsod nito, isa ang edukasyon sa nagiging daan tungo sa pagkakaroon ng mas magandang buhay at pagbabago ng lipunan.
Kaya naman nang maibalik ang demokrasya noong dekada 80, napalitan ang 1973 Saligang Batas nang kasalukuyang 1987 Saligang Batas, at ang edukasyon ay naging isa sa mga sentro ng diskurso bilang pangunahing karapatan ng bawat mamamayan.
Nagbigay-pugay ito sa kahalagahan ng edukasyon bilang susi sa pag-unlad ng bansa at pagkakaroon ng pantay-pantay na oportunidad para sa lahat.
Ito ang nag-alab sa sigla ng mga mamamayan na labanan ang mga hamon at itaguyod ang kanilang mga karapatan sa diskursong edukasyon.
Sa pamamagitan ng Artikulo 14, Seksyon 1 ng 1987 Philippine Constitution, ay ipinagtibay nito ang malinaw na batayan para hangaring delikalidad at abot-kayang edukasyon para sa lahat.
Kabilang dito ang pagpapatayo ng mga pampublikong paaralan at sapat na suporta mula sa gobyerno upang matulungan ang mga mag-aaral na makamit ang pantay-pantay na pagkakataon sa buhay.
Bukod sa mga nabanggit, ipinagtibay din nito ang pangangailangan para sa maramihang bukas-palad na programa sa edukasyon, paglikha ng buklod-buhay na pag-asa para sa lahat na makapag-aral, at pagtataguyod ng na pantay-pantay na pag-access sa edukasyon.
Subalit, sa paglipas ng panahon, tila ba sumama ang ihip ng hangin hinggil sa edukasyon. Sa halip na manatiling karapatan na dapat maabot ng masa, unti-unti itong naging balakid sa pag-abot.
Ang edukasyon ay unti-unting naging bituing pribilehiyo na lamang para sa mga nakakaangat ang estado sa lipunan at may kakayahang mataguyod ang pag-aaral habang sa dulo.
Ito ay buhat ng kapabayaan ng gobyerno sa sektor ng edukasyon na nagtutulak sa mga pribadong institusyon na magtaas ng matrikula upang mapunan ang kakulangan sa pondo, ngunit ang sahod ng mga magulang ay hindi sapat.
Ayon sa datos ng Commission on Higher Education (CHED) noong 2023, lumobo ang matrikula sa mga pribadong institusyon ng 10% sa isang taon–doble ng porsiyento ng implasyon sa bansa.
Tumataas ang mga bilihin, ngunit hindi ang pasahod. Kaya naman nahihirapang maglaan ang pamilyang Pilipino ng sapat na pondo para sa edukasyon ng kanilang mga anak.
Sa kasalukuyan, ang edukasyon ay tila malalakas na alon na humahampas sa mga pamilyang nagnanais na maabot ng kanilang mga anak ang mataas na antas ng edukasyon.
Bunsod ng mga karapatan na dating nagbibigay ng pag-asa sa marami ay unti-unti nang nalulugmok sa pag-angat ng presyo at kawalan ng suporta.
Paniguradong talamak na ang kasabihan na susi ang diploma upang magtagumpay sa buhay, sapagkat ito ang karaniwang payo ng mga magulang sa kanilang mga anak na hangaring magbigay inspirasyon para pagbutihan pa lalo ang pag-aaral.
Subalit, lingid sa kasabihang ito, ang dating pag-aaral na itinuturing na mabisang paraan upang malagpasan ang kahirapan, ay ngayon isa nang balakid na kailangang daanan ng marami.
Ang dating abot-kamay na pangarap na makapag-aral at magkaroon ng magandang kinabukasan ay unti-unting lumilipad palayo at naging prebilehiyo na lamang sa mga piling indibidwal.
Ang matinding pagtaas ng bilihin at ang kawalan ng sapat na hanapbuhay para sa mga magulang ay nagiging malaking hadlang sa pang-araw-araw na gastusin, kabilang na ang edukasyon ng kanilang mga anak.
Ang mga kabataan ay nahaharap sa kawalan ng pambayad sa matrikula, libro, at iba pang bayarin sa paaralan, na nagiging sanhi ng kanilang pagkakaroon ng limitadong access sa de-kalidad na edukasyon.
Dagdag din ang lumalalang kalagayan ng ekonomiya at kawalan ng trabaho na nagdudulot ng pagkawala ng kakayahang makapagtapos ng edukasyon ng marami.
Ang mga kabataan ay napipilitang magtrabaho sa mga fast-food chains, call centers, at iba pang hanapbuhay upang matulungan ang kanilang pamilya at matustusan ang kanilang pag-aaral.
Ani ng ilan, edukasyon ang kailangan upang matuldukan ang kahirapan. Subalit, paano ito makakamit kung ang isang mag-aaral ay walang kakayahan na abutin ito buhat ng karukhaan sa buhay?
Sa katunayan, ayon sa pag-aaral ng Philippine Statistic Authority noong 2022, 18.6 porsiyento ng mga Pilipinong may edad lima hanggang 24 ay kabilang sa Out of School Youth, o isang indibiwal na hindi naka-enroll sa alinmang paaralan. Nanatiling hadlang pa rin ang kahirapan at hamon sa pinansyal sa humigit-kumulang 7.85 milyong kabataan.
Sa mga datos, hindi na nga maikakailang ang minsang abot-kamay na edukasyon ay unti-unting nangangailangan ng pagragasa ng dugo at pawis bago pa tuluyang matamo.
Sila ay nagiging biktima ng sistemang nagtatakda ng kanilang kapalaran batay sa kanilang kalagayan sa buhay, na tila ba ang edukasyon ay isang prebilehiyo na lamang para sa may kaya.
Ang iba't ibang rason na nabanggit sa itaas ay nagiging pader na naghihiwalay sa mga kabataan mula sa kanilang mga pangarap at ambisyon.
Kaya naman sa panayam kay Jamina Gajardo, ibinahagi ng isang senior high school graduate mula Metro Manila College Inc. ang kaniyang karanasan bilang isang estudyante na napilitang huminto sa pag-aaral bunsod ng hirap ng buhay.
“Mas ginusto kong tumigil sa pag aaral muna pansamantala upang matulungan ko si Papa sa mga gastusin sa bahay dahil hindi ko kayang makita na mahirapan siya maghanap ng pera para sa pag-aaral ko ng kolehiyo,” sambit niya.
Inihayag pa niya na mayroon pa siyang balak mag-aral muli sa hinaharap kasabay ng kaniyang trabaho upang masuportahan ang sarili. Ani niya, kahit pa karapatan ang pag-aaral, isa na itong malaking pribilehiyo sa panahon ngayon.
“Ang karapatang makapag-aral ng isang bata ay matagal nang batas, pero hindi lahat [ay] nakakamit ang karapatang makapag-aral,” ani pa ni Gajardo.
Hindi maikakaila ang pagkakaroon ng sistemakong problema at kawalan ng malinaw na direksyon mula sa pamahalaan.
Isa si Gajardo sa mga biktima ng ganitong sistema. Sila ay hindi nabibigyangyan ng sapat na oportunidad para sa kanila upang maabot ang kanilang mga pangarap.
Sa kabila ng kanilang determinasyon at pagsisikap, ang kakulangan ng suporta at oportunidad mula sa gobyerno ay nagiging balakid sa kanilang pag-unlad at tagumpay.
Kaya naman sa huli, ang edukasyon ay isang pundasyon na dapat ay matatag at masasaligan. Ito ay dapat maging daan tungo sa pag-angat mula sa kahirapan at hindi dapat maging hadlang sa pag-unlad ng bawat isa.
Sa ating mga kamay ay nasa kapangyarihan na baguhin ang sistema at magbigay daan para sa isang mas makatarungang edukasyon para sa lahat.
Matagal nang sinusulong at nararapat lamang na patuloy pang paigtingin ang panawagan hinggil sa pantay na karapatan para sa edukasyon. Ang kakayahang dumampot ng libro’t lapis ay nararapat na katangian ng bawat mamamayang Pilipino, hindi ng may salapi lamang.
Ito ang kalasag ng kabataan kontra sa gahaman, mapanupil, at mapanyurak na mga hamon ng kapitalistang lipunan.
Kaya idiniin sa panayam ng FEU Advocate kay Kaizen Zuño, propesor ng Applied Ethics in Contemporary Times sa Far Eastern University (FEU), ang kahalagahan ng edukasyon lalo na sa mga namumuhay sa laylayan.
“Ito ang kanilang susi upang maka-ahon sa kahirapan. Practically speaking, mas madali makapag-hanap ng trabaho kapag nakapagtapos ng pag-aaral ang isang tao kumpara sa hindi nakapag-aral,” saad niya
Pinatungan pa ni Zuño ang kabigatan ng pagkamit ng edukasyon sa paghakbang patungo sa trabahong sapat magpasahod para sa pangaraw-araw na buhay.
Ngunit sa kabila ng kahalagahang bitbit ng edukasyon sa buhay ng mga Pilipino, ang mga may kakayahan lamang makaraan sa malaking tarangkahan sa pagitan nito ay ang mga may pantustos sa nagtataasang matrikula at pangangailangan sa pag-aaral.
“Kailangan na magkaroon ng mas malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa education sector ng bansa. Sa mga mag-aaral, dapat ay libre o abot kaya ang mga tuition fee sa kanilang pag-aaral,” ani niya.
Sa panahon na sumapit ito, matatamasa ng bansa ang lideratong hindi natatapos sa mga dokumento at pakitang-taong mga talumpati. Malalaanan ang sektor ng totoo at materyal na pundasyon upang patuloy na umusbong ang dekalidad na edukasyon.
Pangunahing obligasyon ng mga nakaupo sa kapangyarihan na ipagtanggol at panatilihin ang katotohanan ng ating karapatan bilang mga Pilipino; nangako sa batas at bayan na paglilingkuran ang nasasakupan.
Panahon na upang wakasan ang kawalan ng katarungan sa pagkamit ng edukasyon sa Pilipinas, dapat na pagnilayan at ibalik ang nauna nitong layunin.
Kahit anumang paraan ang gawin ng mga sakim sa pamahalaan, suntok sa buwan ang mapigilan nila ang Pilipinong namumuhay para sa karunungan. Saksi ang kasaysayan sa inhustisiyang pinamamalakad ng mga gahaman. Kung ngayo’y mahirap abutin ang edukasyon gaya ng langit, bukas ay luluhod ang mga tala para sa atin.
Nina Jasmien Ivy Sanchez at Jhon Gabriel Pimentel
(Dibuho ni Darlyn Antonette Baybayon/ FEU Advocate)