FEU, tagumpay na nasungkit ang pangalawang panalo laban UPHSD
- August 23, 2023 10:19
FEU Advocate
August 23, 2024 11:58
Hilway
Ni Johna Faith Opinion, Patnugot ng Filipino
Sa ilang taong pagkakaupo ni Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. bilang pangulo ng bansa, ilang mga holiday na ang nailipat mula sa orihinal na petsa nito upang magbigay-daan sa sunod-sunod na long weekend at mas mahabang panahon ng pahinga para sa mga manggagawa. Ngunit sa kagustuhang maglaan ng panandaliang kaginhawaan, saan inilulugar ang tunay na diwa ng paggunita sa bawat makasaysayang araw sa bansa?
Kinuwestiyon ng ilang kongresista at iba’t ibang grupo ang naging desisyon ng Pangulo na ilipat ang paggunita ng Ninoy Aquino Day sa ika-23 ng Agosto mula sa orihinal na petsa nitong ika-21.
Kabilang na rito ang paninindigan ni Albay Representative Edcel Lagman na maituturing umanong paglabag sa batas ang pagbabago sa petsa ng paggunita ng Ninoy Aquino Day.
Ipinaliwanag naman ng Pangulo na layunin lamang ng paglilipat na magbigay-daan sa mas mahabang pahinga o long weekend para sa mga manggagawa na siya ring makatutulong na pataasin ang lokal na turismo sa bansa.
Hindi na bago ang mga ganitong uri ng proklamasyon sa administrasyong Marcos Jr. Matatandaang naging usap-usapan din ang paglilipat ng pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan at Bonifacio Day noong 2023.
Dagdag pa rito, pinuna rin ng nakararami ang paglipat ng paggunita ng anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa ika-24 ng Pebrero mula sa ika-25 para sa taong 2023, at tuluyang pagtanggal nito sa listahan ng mga public holiday para sa taong 2024.
Sa mga desisyong ito, pinaninindigan ni Pangulong Marcos Jr. na mananatili pa rin ang diwa ng bawat pagdiriwang sa kabila ng paglilipat ng petsa nito.
Ngunit, sa patuloy pagbabago at paglipat ng mga naturang petsa, tila masyadong nagiging mababaw ang pag-unawa at pagtingin natin sa kahalagahan ng mga araw na ito.
Walang masama sa kagustuhang magbigay ng pahinga para sa mga manggagawa’t estudyante, o sa layuning pataasin ang ekonomiya at lokal na turismo ng bansa.
Ngunit, hindi ito sapat na dahilan upang isakripisyo ang kasaysayan at pambansang pag-alala ng mamamayang Pilipino; lalo na sa panahong laganap ang fake news at historical revisionism.
Kung susuriin, nagiging mababaw na ang pagtingin ng mga Pilipino sa kasaysayan. Mailap na rin tayo sa malalim na pag-unawa at pagiging kritikal sa mga kinokonsumong impormasyon, lalo na ngayong panahon ng makabagong teknolohiya at social media.
Kung patuloy nating ituturing na araw ng pahinga ang mga itinakdang araw na dapat ay pag-alala, kahit ano pang paninindigan ng Pangulo, hindi maikakailang unti-unting mabubura ang tunay na diwa at kabuluhan ng ipinagdiriwang sa mga araw na ito.
Magiging mangmang tayo sa sarili nating pinagmulan at pagkakakilanlan – mga alipin ng sariling paglimot.
Malilimutan natin ang mga aral na itinuro sa atin ng kasaysayan, at sa huli, babangungutin tayo ng mga anino ng ating nakaraan.
Sa unti-unti nating paglimot, muling maitatayo ang rehas ng kolonyalismo, diktadura, at pang-aapi na siyang pinilit baklasin ng mga ninuno nating matapang tayong ipinaglaban.
Kung kaya’t alalahanin sana natin na higit sa pagkakataong makapagpahinga, itinakdang holiday ang mga petsang ito upang bigyan tayo ng pagkakataon na gunitain ang mga kaganapan sa ating kasaysaysan na siyang humubog sa ating kasalukuyang kultura’t lipunan.
At walang sinuman ang dapat magkaroon ng kakayahan o ng karapatan na burahin ang kasaysayang ito sa alaala ng bawat mamamayang Pilipino.
Huwag nating hayaan na tuluyang lumamlam ang kahulugan ng bawat makasaysayang araw sa bansa.
Bahagi ng ating responsibilidad bilang mga Pilipinong ipinaglaban ng ating mga ninuno ang pag-alala.
Dahil hangga’t nananatiling buhay sa ating memorya ang sakripisyo ng mga naunang manindigan, mananatili ring buhay ang diwa ng kanilang matapang na pakikibaka para sa tinatamasa nating demokrasya.
Kung kaya’t huwag natin kalimutan ang tunay na pag-alala.
(Dibuho ni Abilene Reglos/FEU Advocate)