
PaPSYCHLaban commenced, PsychTams spirit kindled
- February 27, 2025 20:23
FEU Advocate
February 24, 2025 19:49
Ni Eryl Cabiles
Lumalabas sa kumbensiyon ng kasarian ang balangkas ng drag bilang isang pagpapahayag ng sarili, malaya mula sa dikta ng lipunang ikinukulong sa makalumang pag-intindi ang kasarian. Kakabit ng pag-alpas na ito, nagpapalaya, nangangahas, at nagbibigay-espasyo ang diwa ng drag.
Sa kuwento ng tatlong drag artist sa loob at labas ng Pamantasan, binigyang-katuturan ng kanilang mga karanasan ang kahalagahan ng pagbasag sa dominanteng palagay ukol sa kasarian at seksuwalidad.
Natutuhan nilang maging higit pa sa lalaki o babae dahil walang katapusan ang posibilidad sa ganitong uri ng sining.
Drag sa puso, isip, at gawa
Walang iisang pagpapakahulugan sa salitang ‘drag.’ Kung titingnan ang kasaysayan, pangkaraniwan itong nakikita bilang isang akto ng pagbibihis na salungat sa kasarian.
Palagay ni Madison Thomson, sumulat ng typology booklet na ‘DRAG,’ nagmula sa teatro ang bansag na ‘drag’ dahil sa pagbibihis-babae ng mga lalaking artista, at kalauna’y naikabit na sa komunidad ng mga queer.
Iba’t iba ang paliwanag sa ugat ng salitang ‘drag.’ Ngunit sinasabi ng maraming historyador na nagmula ito sa kultura ng teatro noong panahon ni William Shakespeare, isang manunulat, kung saan inilalarawan nito ang ‘pagsayad pababa,’ o drag sa Ingles, ng pambabaeng kasuotan ng isang lalaking aktor.
Mayroon ding mahabang kasaysayan ang ‘queer,’ kung saan binubuwag nito ang konsepto ng nakatakdang pagkalalaki o pagkababae sa lipunan. Ito ang isa sa mga naging rason ng paglilinang sa drag art bilang queer art.
Gamit ang kasaysayan ng drag at queer, ikinakabit ang dalawa sa isa’t isa bunsod ng panlipunang kaayusan ng kanilang panahon. Nagtatagpo ang kanilang kabuluhan sa diwa ng pagbali ng nakagisnang paniniwala sa konsepto ng kasarian.
Ipinaliwanag naman ni Rolf Gian Marcos o ‘Queen G’ sa FEU Advocate ang personal niyang pananaw sa drag bilang isang guro ng Sikolohiya sa Pamantasan at drag artist.
“Para sa akin, ‘yung mga drag queen ay activists. Because drag for me, aside from it being an art form, it is also a protest for people to challenge cisgender heteronormative beliefs (Para sa akin, ‘yung mga drag queen ay mga aktibista. Dahil ang drag para sa akin, bukod sa pagiging isang uri ng sining, ay isang protesta ng mga tao laban sa heteronormatibong paniniwala),” ani Queen G.
Sinang-ayunan naman ito ni Paul Christian Reyes o ‘Celeste’ sa hiwalay na panayam, isang drag artist at Psychology student mula sa Pamantasan, na sinasabing isa itong porma ng “gender expression.”
“‘Yung drag [ay] nagiging way to express their gender identity, especially for those who aren’t confident enough to show [themselves] sa normal life nila (‘Yung drag ay nagiging paraan upang maipahayag ang kanilang kasarian, lalo na sa mga walang kakayahang ipakita ang tunay nilang sarili sa pang-araw-araw na buhay),” sambit ni Celeste.
Salungat sa tinuran ng dalawa, ipinaliwanag ni ‘Larynx’ mula sa National University Manila sa FEU Advocate na walang tiyak na kasarian ang drag bilang sining.
“I think of my drag kasi as genderless. So in a way, ito na rin ‘yung way [kung] paano ko nai-express ‘yung fluidity ko… So, kapag nakita mo ‘yun [drag], why would you think of gender? In that way, mas nai-express ko ‘yung sarili ko to not fit in a specific stereotype (Iniisip ko ang aking drag bilang walang kasarian. Sa ganitong paraan, naipahahayag ko ang aking pagiging fluid… Kaya kung nakita mo ‘yun, bakit mo iisipin ang kasarian? Dito ko naipahahayag ang sarili ko nang hindi umaayon sa mga estereotipo), anito.
Iba’t iba man ang pagtingin nila sa kung ano ang drag, pinagbubuklod ng kanilang pagtaliwas sa tambalang pagkalalaki-pagkababae na pagtingin sa kasarian ang tunay na diwa ng drag bilang sining—isang mapagpalayang espasyo para sa mga isinasantabi.
Para sa pag-alpas
Mayroong kaakibat na layunin ang drag bilang sining: makaalpas ang mga miyembro ng komunidad mula sa tanikala ng malupit na lipunan.
“I think what makes drag special, especially for the queer community, is ‘yung malalim na hugot namin [mula sa] diskriminasyon. Maaaring ‘yung ibang klase ng art form ay may kaniya-kaniyang hugot and we respect that and they’re equally important. But I think, ‘yung kakaiba sa drag… there’s that social issue that it tries to address (Sa palagay ko, kaya espesyal ang drag, lalo na sa komunidad ng queer, ay ‘yung malalim na hugot namin mula sa diskriminasyon. Maaaring ‘yung ibang klase ng mga sining ay may kaniya-kaniyang hugot, nirerespeto natin ‘yan, at importante rin sila. Ngunit sa tingin ko, ‘yung kakaiba sa drag ay may panlipunang suliranin itong nilalayong malutas),” paliwanag ni Queen G.
Para naman kay Celeste, pinalalaya siya ng drag mula sa ekspektasyon ng lipunan dahil sa kaniyang kasarian.
“As a gay person, there’s a lot of expectations… minsan very controlled ako sa sarili ko. I don’t really show enough sa kung ano talaga ‘yung totoong ako… Kapag nagda-drag ako, doon ko napi-feel na ‘I’m free to do this’ [being a hyper-feminine woman] (Bilang isang bakla, maraming inaasahan mula sa akin kaya minsan ay kontrolado ang kilos ko. Hindi ko naipakikita nang lubos kung sino ang totoong ako… Kaya tuwing ginagawa ko ang drag, doon ko nararamdaman na malaya akong maging isang babae),” ani Celeste.
Idinagdag din niya na ang drag ay isang porma ng pagtakas mula sa “nakatatakot” na kritisismo ng lipunan.
Sa kaniyang paliwanag naman sa kung ano ang ‘alternative drag,’ binigyang-lalim din ni Larynx kung paano siya nagiging mas malikhain tuwing ginagawa niya ito.
“Isa akong alternative drag artist… Kapag naisip mo ‘yung salitang ‘drag,’ hindi ako ‘yung una mong maiisip. [Hindi katulad] ng nakasanayan ng lahat na opposite gender ‘yung hitsura ng drag artist, ako naman mas nagli-lean ako sa pagiging ‘creature’… pinaka-tool lang talaga diyan ay ‘yung creativeness ng isang tao,” paliwanag nito.
Katulad ni Larynx, umiikot sa pagiging ‘aswang’ ang drag ni ‘Yudipota’ ng Drag Race Season 3 Philippines nang ito’y makilala ng madla. Isa siya sa mga mayroong ‘alternative drag’ na estilo. Umuusbong ang ganitong klaseng drag sa Pilipinas bunsod ng pagiging malikhain ng mga Pilipinong drag artist.
Mapapansin sa naratibo ng tatlong drag artist ang kalayaan sa pagpapahayag ng kanilang sarili sa ganitong anyo ng sining. Kung sisipatin, isa itong pagtatanghal ng paglaya sa konteksto ng lipunang mapang-api.
Bagama’t nakakulong pa rin sa mga espasyo ng bar o gay clubs dahil sa panlipunang diskriminasyon, isang porma ng pagtutol ang drag laban sa dikta ng dominanteng kaisipan sa lipunan, at isang paraan para sa pagmamarka ng espasyo sa komunidad.
Nawawalan ng limitasyon ang limitadong katawan ng isang tao sa pagpasok nito sa drag. Ayon nga sa pagsasalaysay ng mga drag artist, isa itong pag-alpas mula sa kumbensiyonal na atas ng mundo ukol sa kasarian at pagkatao.
Politikal ang drag
Nilalayon ng drag na tugunan ang pang-aaping nakabase sa kasarian dahil sa kasalukuyang katayuan ng mga miyembro ng queer community.
Hanggang ngayon, nakabinbin pa rin sa Kongreso ang hinihiling nilang proteksiyon mula sa Sexual Orientation, Gender Identity, and Expression (SOGIE) Equality Bill para sa mga biktima ng pang-aabuso, pangmamaltrato, at pagsasantabi.
Ipinaliwanag ni Queen G bilang tagapagturo ng Sikolohiya at drag artist ang epekto ng ganitong kondisyon.
“[Sa konteksto ng Sikolohiya], when you are free from judgements and you’re free to be who you are, that’s a very valuable tool for you to flourish as a person. On the other side, if you are discriminated because you’re being truthful to who you are, that can also lead to serious psychological consequences. You might reject yourself (Kapag malaya ka mula sa mga panghuhusga at malaya ka upang maipahayag ang tunay mong sarili, importanteng kagamitan ito upang umunlad ang isang tao. Sa kabila nito, kung ikaw ay biktima ng diskriminasyon dahil ikaw ay nagpapakatotoo, maaari itong maging sanhi ng sikolohikal na pinsala. Maaari mong itanggi ang tunay mong pagkatao),” paliwanag ng guro.
Bunsod nito, sinasalamin ng pagtatanghal sa makikitid ngunit mapangyakap na espasyo ng mga bar at gay clubs ang pakikibaka ng sangkabaklaan.
Binigyang-imahe ni Celeste kung paano ito nagiging politikal.
“It’s also a way to amplify something that’s not seen (Isa itong paraan upang palitawin ang hindi nakikita ng mga tao). Lagi nating sinasabi na ang ‘drag is political.’ And that’s true, kasi for me drag has been a way for a lot of people to fight for their causes (At totoo ito, dahil para sa akin, ang drag ay nagiging daan para sa maraming tao na ipaglaban ang kani-kanilang pinaninindigan),” ani Celeste.
Sa kaniyang pagpapalalim ng personal na pakikibaka bilang isang queer, ipinaliwanag ni Larynx ang kabuluhan ng drag art bilang isang porma ng politikal na pagtuligsa sa kasalukuyang danas ng mga katulad niya.
“Tuloy lang dapat ang pagdradraga [paggawa ng drag]. Kasi ito na ‘yung panlaban natin sa [diskriminasyon]… I wouldn’t let them change that trajectory of the story that I have been trying to tell my whole life. That they want us to fit in the same generic mode na we have been actively trying to break out of. That’s my protest (Hindi ko hahayaang baguhin nila ang direksiyon ng kuwento na sinusubukan kong ibahagi buong buhay ko. Na gusto nilang umayon tayo sa isang panlahatang pamantayan kung saan patuloy nating sinusubukang kumawala. Iyan ang protesta ko),” pahayag ni Larynx.
Idinagdag naman ni Queen G na hindi nagmumula sa mga inaapi ang pagbabago. Para sa kaniya, obligasyon ng mga nang-aapi na baguhin ang kanilang sarili upang mabago ang lipunan.
“Ang pagbabago, hindi sa mga drag queen. Sa [ibang] mga tao dapat [magmumula] ang pagbabago. Why are you discriminative of queer people (Bakit niyo hinahamak ang queer people)?” aniya.
Tunay na isang protesta ang drag para sa mga queer. Hindi lamang ito isang sining na nagsisilbing midyum ng pagpapalaya sa sarili, bagkus isang kolektibong paglaban sa patuloy na pagpapahirap ng mundo sa mga taong hindi umaayon sa kumbensiyon ng pagkalalaki at pagkababae.
Para sa mga katulad nina Queen G, Celeste, at Larynx, ang pagtatanghal gamit ang drag ay isang uri ng pagsipat at pagtutol sa ipinapataw na limitasyon ng lipunan sa kanila.
Bukod sa malayang sining, isinisigaw ng mga taong isinasantabi sa lipunan na ang drag ay isa ring pakikibaka at pakikipaglaban.
Sa kabila ng kadilimang matatanaw sa kalakhang lipunan, walang ibang hangad ang mga queer kundi ang maliwanag na kinabukasan. Pinauunlad ito ng kritikal na pagtingin sa kasarian at pagkakakilanlan bilang isang hindi tiyak na bagay. Dahil dito, maaaring maging kahit ano at kahit sino ang isang tao sa drag—isang tunay na mapagpalayang sining.
(Latag ni Phoemella Jane Balderrama/FEU Advocate)