Pagkupas ng Filipiniana sa mukha ng literatura

FEU Advocate
February 06, 2026 18:33


Ni Joana Angelika Mikaela Sindac

Mula Precious Hearts Romance hanggang Wattpad, patuloy na sumisibol ang mga libro mula sa Pilipinas. Kinagigiliwan ng mga Pilipino ang mga istoryang nagbibigay-aliw at nagsisilbing identidad sa anyo ng teksto. Ngunit sa pagsilay ng mga Kanluraning libro sa larangan ng literatura, unti-unti nang iniiwan sa dilim ang mga librong sumisimbolo sa pagkakakilanlan ng mga Pilipino—ang seksiyon ng Filipiniana. 

Naitala ng National Readership Survey (NRS) sa Pilipinas na 42 porsiyento lamang sa mga matatanda at 47 porsiyento naman sa kabataan ang nabibilang sa readership o ang mga nagbabasa ng iba’t ibang uri ng babasahin tulad ng mga lathalain, libro, ulat, at iba pa. 

Ngayong tila naisasantabi ang wikang pambansa, humahanap ng lugar ang mga librong nagnanais magpahayag ng naratibong natatangi upang bigyang-buhay muli ang panitikan sa lipunan kung saan napapabayaan ito.

Manuskrito ng kabataan 

Natunghayan ng mga mamamayan ang pagkahumaling noon ng mga mambabasa sa mga librong nanggagaling sa Wattpad, isang plataporma kung saan maaaring ipalaganap ng mga manunulat ang kanilang mga nilikhang istorya sa malawakang madla. 

Naitalang 80 porsiyento ang taas ng readership nang maging patok ang nabanggit na plataporma sa bansa.

Umaabot sa milyon-milyon ang mga tumatangkilik dito partikular na sa mga libro nina Jonaxx, blue_maiden, maxinejiji, beeyotch, haveyouseenthisgirl, alyloony, purpleyhan, at iba pang mga awtor na humubog sa karakter ng karamihan. 

Maliban sa mga librong mula sa Wattpad, nagkaroon din ng puwang ang dating pinaglalagyan ng mga aklat mula sa mga tanyag na manunulat ng Filipino tulad nina Lualhati Bautista, F. Sionil Jose, Ricky Lee, Bob Ong, Amado V. Hernandez, at iba pa. 

Maituturing na busog nang husto ang kultura ng pagbabasa sa mga panahong iyon. Umani man ito ng maraming kritisismo mula sa klase ng pagsulat, paggamit ng mga balbal na salita, hanggang sa kabuoang pakana ng kuwento, nagsilbi pa rin itong mundo na sumasalamin sa bawat minimithi ng mga mambabasa—magandang karanasan sa pagmamahal, kabataan, at sarili.

Ngunit makalipas ang ilang taon, kasabay ng maraming pagbabago sa mundo na sanhi ng globalisasyon, sumibol nang bahagya ang mga librong mula sa Kanluran. Nag-udyok ito ng kuryosidad sa mga mambabasa gaya ng kaibahan sa heograpiya at industriya. Sa kalaunan, tuluyan nang napag-iwanan sa nakaraan ang mga lokal na libro, naging kaakibat ng pagsasakatuparan ng mga patok mula sa ibang bansa ang paglayo ng loob ng nakararami sa mga aklat mula sa sariling bayan.

Sa panayam ng FEU Advocate kay Clarize Angeline Balagtas, isang second-year student ng agham pampolitika, ipinahayag niya ang lantad na agwat ng mga estante sa seksiyong Filipiniana kung ikokompara ito sa mga librong mula sa kanluran. 

“Kapag pumupunta ako sa mga bookstores, kaunti lamang ‘yung mga libro na nasa Filipino section o mga lokal na librong binebenta. Mas marami pa ang mga libro from foreign countries. Kung mayroon man, napakaliit o nasa dulong parte [pa]. Hindi ko alam kung itinatago ba nila o mas gusto ng mga bookstores na tangkilikin o bilhin ang mga foreign books dahil mas mahal ang mga ito,” aniya. 

Napapatok kasi ang mga nobela nina Nicholas Sparks, John Green, Stephen King, James Patterson, at iba pa, sapagkat ito na ang tinatangkilik ng mas nakararami.

Ayon naman kay Grace Royo, isang second-year student ng sikolohiya, mas malalim ang diin ng mga lokal na libro sa kaniya lalo sa emosyonal na aspekto nito. 

“Halimbawa, ang quote na ‘Ano ba 'yang pag-ibig na 'yan sa edad na ito?’ [mula sa ‘Sixty in the City’ ni Lualhati Bautista] ay ramdam mo agad sa puso. Nakikita ang halo ng saya, takot, at pag-asa habang hinaharap nila ang seksuwalidad at bagong simula. Nagpapa-realize [ito] na ang pagiging babae [ay] hindi natatapos sa kabataan kung kaya ito ay patuloy na [inilalaban],” paliwanag niya. 

Pagbabasa ng lokal ang isa sa mga mag-uudyok sa mga Pilipino upang makipag-usap sa isa’t isa. Nagiging tulay ito upang matuklasan ang iba’t ibang perspektiba patungkol sa mga naiibang karanasan ngunit nanggagaling sa iisang bansang sinilangan. 

Bagaman busog ang bansa sa talentong naghahayag ng kabigha-bighaning uri ng panitikan, nananatili ang katanungan kung nasaan ang mga ito sa bawat aklatan. Bakit tinanggalan ng kalalagyan ang mga librong kinakailangan upang manatiling buhay ang literatura sa bansa? 

Bakas ng wika

Karaniwang makikita ang mga Pilipino na namimili ng kagamitan sa National Bookstore tuwing paparating ang panibagong taong panuruan. Kaya naman hindi na bago sa madla ang tunog ng nasabing aklatan dahil ito rin ang lugar kung saan nararapat sana masilayan ang mga lokal na libro.

Ngunit nitong mga nakalipas na taon, kakaunti na lamang ang mga libro sa seksiyon ng Filipiniana. Mula sa pagsusuri, mayroong 24:1 ratio ang pinagmulan ng mga libro sa bansa. 

Lumalamang na 96 na porsiyento ang mga imported book o mga librong galing sa ibang bansa habang 4 na porsiyento lamang ang mga librong mula sa mga manunulat na sariling-atin.

Para kay Jorge Cuibillas, isang propesor mula sa Departamento ng Wika at Lingguwistika, maaaring kakaunti lamang ang mga libro mula sa seksiyon ng Filipiniana dahil mas marami na ang tumatangkilik sa mga aklat na mula sa ibang bansa.

“Marahil hindi prayoridad ng National Bookstore at Fully Booked ang mga aklat na nasusulat sa wikang Filipino. Kapag titingnan natin, mas marami ang mga aklat na nasusulat sa wikang Ingles dahil sa mataas na demand nito sa masa. Dagdag pa, na ang mga aklat sa wikang Filipino ay karaniwang maliit lamang ang kita nito. Kaya’t kitang-kita ang pagdami ng mga babasahing nasusulat sa wikang Ingles, kaysa wikang Filipino,” aniya. 

Sa ilalim ng Florence Agreement, nakasaad na kinakailangan tanggalin ang buwis sa mga produktong mula sa ibang bansa kung ito'y mga materyal para sa edukasyon at kultura tulad ng mga libro. 

Subalit para sa mga aklatang tulad ng Booksale na nakasalalay ang mga produkto sa imports, dagdag salapi ang kailangang itaya upang makapagbenta ng mga librong banyaga na mas tinatangkilik ng masa. Sapagkat kung mga lokal na libro lamang ang bibigyang-pokus ng mga aklatan sa bansa, isasakripisyo ng mga ito ang tubo at kita ng negosyo. 

Higit pa rito, isa rin sa mga nakikita ni Cuibillas na dahilan sa pagbaba ng pagnanais ng mga librong Filipiniana ay ang estereotipikong imahe ng wikang Ingles sa bansa. Kadalasan, nagiging basehan ang mga lengguwahe ng kalagayan sa buhay, nagiging armas ang Ingles bilang panlaban sa panghuhusga mula sa lipunan. 

Lumilitaw ito bilang sagisag ng pag-asenso base sa estado ng buhay kompara sa nagiging pagtingin ng karamihan sa sariling wika. Kaya naman, kadalasang ipinagliliban ang pagbabasa ng lokal dahil tinatanggal ang kahalagahan nito sa bansa.

Mula sa mga anunsiyo sa publiko, balita, simpleng karatula sa lansangan, hanggang sa pagtanggal ng mga kursong Filipino sa kolehiyo, tiyak na nangingibabaw ang paggamit ng wikang Ingles. 

Tila nakikita ang kursong Filipino sa bawat kurikulum bilang paulit-ulit kung ituro, ipinagliliban ang lalim nito at itinuturing na madali at mababaw bagaman higit na maunlad at progresibo ang pambansang wika ng Pilipinas. 

Ipinalalabas na makatwiran ang pagdagdag ng mga wikang banyaga sapagkat representasyon ito ng kahusayan—isang pag-iisip na produkto ng kolonyalismo na pinag-ugatan ng pagsakop ng mga Kastila at Amerikano sa bansa at itinuring ang mga hindi nakapagsasalita ng Espanyol at Ingles bilang mababa at tuliro. 

Para kay Cuibillas, kayang-kaya tapatan ng wikang Filipino ang anumang wika sa daigdig ngunit ipinagpapaliban ito. 

“Natutuwa nga ako dahil ang mga Amerikano, nagpupumilit aralin ang wikang Filipino, pero [sa atin], parang nama-marginalize, naisasantabi. Malakas ang pagkiling ng mga mamamayan sa Pilipinas pagdating sa paggamit ng wikang Ingles.” saad ng propesor. 

Sa pagsasantabi ng wikang Filipino, tinatanggalan ang lengguwahe ng karapatang lumaban at ipakita ang kabuoang lalim nito sa madla. Panghihikayat ito ng patuloy na pagkiling sa wikang Ingles imbes na sariling wika. 

Napapawi ang kabuluhan ng wikang pambansa. Bilang resulta, tila doble ang kinakailangang pagsisikap ng mga Pilipino upang hasain ang kabatiran sa banyagang wika habang isinasawalang-bahala ang lokal na wika. 

Dala-dala ang pangambang nagsimula pa noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos. Matatandaang ipinatupad ang wikang Ingles bilang wikang panturo sa mga paaralan na pinangunahan ng mga Thomasite, at inilapat ito bilang pambansang pag-asa ng Pilipinas dahil mayaman ito sa agham at sining. Samantala, iginigiit naman ang bernakular o ang lengguwaheng ginagamit sa pang-araw-araw ng mga Pilipino bilang mababaw na uri ng wika at hindi pasok sa pamantayang alinsunod sa paaralan. 

Dahil dito, nagdurusa pa rin ang bayang hinulma gamit ang kritisismo. Waring nalalampasan ang bighani ng lalim ng mga librong lokal sapagkat ikinakahon ito sa pamantayang nilikha ng lipunan. 

Sa kabilang dako, dinadagsa naman ang pagdaraos para sa mga lokal na libro tuwing nagaganap ang Manila International Book Fair (MIBF) kung saan umaabot sa humigit-kumulang 110,000 ang dumadalo tuwing pagsapit ng Setyembre at Philippine Book Festival (PBF) sa kalagitnaan naman ng taon. 

Inaabangan ang mga aklat mula sa iba’t ibang limbagan ng lokal na libro at magtitipon-tipon sa iisang lugar ang mga librong kadalasan ay mahirap mahanap sa mga aklatan. Kaya para kay Balagtas, nabibigyang-pansin ang sining na nanggagaling sa iba’t ibang talento sa bansa tuwing nagaganap ang mga pagtitipong ito. 

“Para sa akin, sumisimbolo pa rin ito ng paglaban ng sining at panitikang Filipino. Doon natin nakikita ang patuloy na pagliyab hindi lamang ng lokal na libro kun’di [pati] ang mga publishers nito at lalo na ang mga manunulat na patuloy pa ring nagbabahagi ng kanilang makabuluhang istorya,” aniya. 

Pinagyayaman ng pambansang wika ang koneksiyon ng tao sa literatura. Tuluyang uusbong at tatangkilikin ang mga lokal na libro sa oras na mapagtanto ng karamihan na malalim ang pinanggagalingan ng mga manunulat sa bansa, at sila ang nagbibigay ng katuturan sa bawat tema ng buhay Pilipino.

Libro sa lipunan 

Naghihintay ang mga aklat na mapakinggan ng mga Pilipino sa kabila ng naging mabilis na pagbabago ng mundo. Nakatalaga sa bawat talata ang mga naratibong isinulat bilang alay sa pakikipagtuos sa buhay—dahil ang pagkukuwento ay isang uri ng paglaban.

Mapanganib ang nagiging resulta tuwing itinuturing na marangya o dakila ang ibang lengguwahe lalo kung ang layunin nito’y palabnawin ang diwa ng sariling wika. Nagsisimula sa ganitong pag-iisip ang pagtalikod ng mga Pilipino sa mga salitang pamilyar, malapit man ito sa kanilang mga damdamin. 

Ipinaliwanag ng propesor na kinakailangang magkaroon ng pagbabago patungkol sa paano ginagamit ang wikang pambansa sa mga paaralan. 

“Hikayatin ang mga guro na sumulat ng mga kagamitang panturo na nasusulat wikang pambansa. Hasain at sanayin ang mga estudyante na mag-isip nang kritikal gamit ang wikang pambansa,” ani Cuibillas. 

Masisimulan ang pagbabago sa pagtangkilik kung ipakikilala ang wikang Filipino bilang kasangkapan hindi lamang sa pagkatuto sa pamantasan ngunit sa personal din na paghubog sa sarili. 

Sapagkat mahalagang magbasa ng mga librong sariling-atin dahil salamin ito ng ating totoong buhay, hamon, at tagumpay bilang Pilipino.

Madalas naisasambit ang katagang nagbabago ang nais ipahayag ng libro tuwing isinasalin ito sa iba pang wika. Nagkakaroon ito ng personal na koneksiyon sa mga mambabasa. Ang bawat letrang nakaukit ay naglalayong magpaantig ang puso at magsalaysay ng kuwentong malapit sa kinagisnan ng bawat Pilipino.

Kaya naman ninanais din ni Balagtas na mabigyan pa ng halaga ang mga lokal na libro sa mga aklatan sa bansa.

“Napakahalaga na maimulat muna natin ang ating mga sarili sa mga produkto o akda na mismong mga Pilipino ang gumawa. Dahil unti-unti na itong binabaon sa limot dahil sa mga makabagong bagay na nakikita natin,” aniya. 

Maaaring malinaw na supply at demand ito dahil ganito ang disenyo ng kalakaran sa bawat negosyo, inaangat ang produktong nagpapasabik sa masa. 

Subalit bunga rin ito ng kapabayaan ng pamahalaan mula kakulangan sa pagbibigay-tuon sa kahalagahan ng panitikan sa bansa hanggang sa gusot na pamamahala sa larangan ng edukasyon. Kaya naman dapat patatagin pa ng gobyerno ang mga programa at panukalang mag-uudyok sa mga Pilipino na matuto at magbasa. 

Nararapat na bigyang-pansin ng pamahalaan ang pagsisimula ng pagpapatupad muli ng mga kursong nagpapalalim sa kaalaman ng kabataan sa wikang pambansa. Gamitin ang Filipino upang makipag-ugnayan sa mga estudyante. Ituro ito nang mayroong pananagutan at pangangatwiran, malaya sa mabilisang pagpapasa lamang ng kaalaman.

Kaugnay nito, ibalik ang Mother Tongue sa mababang antas ng elementarya, kasunod nito ang pagkilatis sa kurikulum ng mga kolehiyo.

Ituring ang wikang pambansa bilang pangunahing gamit sa pakikipagtalastasan at intelektuwalisasyon. Bigyan ito ng karangalan sa larangan ng akademiko, gamitin ito sa paggawa ng sanaysay, tesis, at iba pang takdang-aralin. 

Hindi dapat natatapos sa MIBF at PBF ang pagpupugay sa mga lokal na libro. Magandang hudyat ito dahil nagiging sentro ng diskusyon ang seksiyon ng Filipiniana, ngunit pruweba rin ito na kinakailangang lumaban ng lokal upang ito’y maging tanyag sa sariling bansa. 

Pagtibayin din ang Republic Act 8047 o ang Book Publishing Industry Development Act at huwag tapusin sa organisadong paglatag lamang nito. Nararapat na bigyang-pokus ng pamahalaan ang implementasyon kung saan naisasabuhay ang bawat tekstong humihikayat sa masang Pilipino na magbasa, makialam, at maging kritikal. 

Gayundin sa Republic Act No. 7743 o ang batas na naglalayong isakatuparan ang mga pambansang aklatan sa bansa. Dagdagan ang bilang ng mga ito at palawakin ang aksesibilidad para sa mga Pilipino at huwag gawing eksklusibo. 

Lumalaban ang seksiyon ng Filipiniana sa mukha ng literatura patungo sa mas malayang pamamahayag ng sining gamit ang wikang pambansa. Pagtataguyod sa paggamit ng Filipino ang daan upang tuluyang mabuksan at madiskubre muli ng mga Pilipino ang taglay na hiwagang dala-dala nito.

(Dibuho ni Denz Miguel Alcantara/FEU Advocate)