Paghuhusga ni Juan kay Digong

FEU Advocate
July 07, 2016 10:19


Ni Ronica Trina Faye R. Francisco

Sabay sa pagtakas natin sa nakaraan ang naghuhumiyaw nating hangarin sa pagbabago. Kagustuhang pamalitan ang pagkakakinlanlang nabahiran na ng katiwalian. Ngunit kailangan pa ba ng isang mapanindak na pamumuno upang kaunlaran ng bansa ay tuluyang makamtan?

Kilala si Rodrigo Roa Duterte sa pagsugpo niya sa kriminalidad at droga sa probinsya ng Davao. Malaki kanyang naging implwensiya dahil sa bagsik ng kamandag na mayroon ang bagong pangulo. At dahil sa angking karisma’t nakakasindak nitong tindig, bakal na kamay ang madalas na ihambing sa kahahalal lang na si Duterte.

Para kay Earl John Rubio, isang Manufacture Engineering student ng Mapua Institute of Technology, "...Kailangan natin ng isang mapanindak na gobyerno na magsisilbi para sa bayan,'yung tipong magpaparamdam sa tao ng takot, lalo na sa kabataang tulad namin."

#ChangeIsComing, ika nga sa bagong administrasyong Duterte, kung saan ang pagpuksa sa droga, pagpatay sa kriminalidad at pagwakas sa katiwalian ang maigting nilang pinagtutuunan ng pansin. Hindi pa man nauupo ang bagong halal na pangulo, kaliwa't kanang mga krimen na ang tila unti-unti nitong napupuksa.

Ayon naman kay Fe Alcances, 60 at isang guro sa Camarin High School, "Matagal na namang may mga rules na ipinapalaganap tulad ng curfew pero hindi lang siguro 'to dama dahil sa kakulangan ng implementasyon hindi tulad ngayon."

Dagdag pa ni Alcances, "Marami na rin akong naririnig na balita tungkol sa pagsuko ng mga taong may kinalaman sa droga kung kaya't nakakatuwang isipin na maraming natatakot sa bagong administrasyon."

Taliwas naman dito ang pananaw ni Roberto Reyes, 45 at isang arkitekto, ayon sa kanya wala pa ito sa kalingkingan ng pagbabago na kailangan ng Pilipinas.

Hindi naman kaila sa mga Pilipino ang problema na kinahaharap ng bansa, marami pa ang kailangang ayusin, bigyang pansin at paglaanan ng oras. Mga buwis na tila mas mataas pa sa sahod ng mga manggagawa at kurapsyon na marahil, ilang taon ng problema ng bayan.

Maraming mga pagbabagong pinangakong aayusin ang bagong upong pangulo ng Pilipinas. Paglinis sa mga tiwali sa gobyerno ang sa ngayon ay kanyang isinasagawa at pagpuno sa posisyon ng mga tao na sa alam niyang may magagawa para sa bansa.

Kanya ring binigyan ng pansin ang mga mahihirap na Pilipino, paglalaan ng sapat na tulong at pagpapatuloy ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) ang kanyang plano para rito. Kanya ring binigyang pansin ang mga kontraktwalisasyon sa bansa para sa mga Pilipino.

“Para sa akin, malaki ang naging bahagi ng kanyang plataporma sa kanyang pagkapanalo, dahil puro para sa tao ang pangako niyang pag-unlad at hindi lang sa bansa,” saad ni Reyes.

Kung iisipin sa isang bansang may bahid ng dungis ang pagkakakinlanlan dahil sa iba’t ibang mga katiwaliang umiikot dito, tila napakahirap ipalaganap ng pagbabago. Bakal na kamay ang kailangang mangibabaw upang tuluyan nang magwakas ang maling prinsipyo ng bawat Pilipinong handang kumapit sa patalim.