A Norm That Must Be Unlearned
- November 18, 2020 15:02
FEU Advocate
November 11, 2024 20:52
Sa loob ng halos limang taong pagkakakulong, patuloy na umiigting ang pag-asang mapalaya at maibasura ang mga kasong isinampa laban kay Frenchie Mae Cumpio, at iba pa nitong kasama na tinaguriang ‘Tacloban 5,’ kasabay ng pagharap niya sa witness stand sa unang pagkakataon sa Leyte Regional Trial Court Branch 45 ng Tacloban City ngayong ika-11 ng Nobyembre.
Inaresto si Cumpio kasama ang apat na human rights advocate na sina Mariel “Maye” Domequil, Marissa Cabaljao, Mira Legion, at Alexander Philip ‘Chakoy’ Abinguna sa isang simultaneous raid noong ika-7 ng Pebrero 2020.
Kasabay nito, sinampahan ng kasong illegal firearms possession, at inakusahang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines - New People’s Army (CPP-NPA) ang dalawang aktibista mula sa Eastern Vista staff house sa Lungsod ng Tacloban sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Sinampahan din ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group si Cumpio at Abinguna ng kasong murder bilang “pagtangka na pagbintangan ang dalawa sa pagkamatay ng dalawang militar sa Samar.”
Ayon sa ulat ng Secretary-General ng National Union of Journalists in the Philippines na si Len Olea, isiniwalat ni Cumpio sa kaniyang testigo na walang katotohanan ang pahayag ng kapulisan at militar tungkol sa ilegal na pagkakaaresto sa kaniya.
Idiniin ni Cumpio na puwersahang pinasok ng mga militar ang kanilang silid bandang alas-dos ng madaling araw, kasabay ng pagpilit sa kanilang dumapa bago pa sila kaladkarin palabas ng kwarto.
Hindi rin nagpresenta ang mga nag-raid ng anumang arrest warrant sa operasyon.
“We would have allowed them in our room because we're not hiding anything illegal (Papayagan sana namin sila sa kuwarto namin dahil wala naman kaming itinatago na ilegal),” ani Cumpio.
Nagpakita rin ang mga abogado ni Cumpio ng mga larawan ng kabilang bahay na ni-raid sa parehong araw, kung saan madalas bisitahin ni Cumpio upang makipagpanayam sa mga progresibong organisasyon, tulad ng Katungod Sinirangan Bisayas (SB), Sagupa SB, at Bayan SB.
Iniharap din ng mga abogado ang sulat ng kahilingan ng Katungod SB para sa boluntaryong inspeksyon na ipinadala sa Commission on Human Rights Region 8 bilang preemptive measure noong ikaanim ng Pebrero 2020, isang araw bago ang raid.
Sa loob ng pagkakakulong noong 2022, inakusahan din ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng terrorism funding sina Cumpio at Domequil sa “planong mamigay ng P557,360 sa NPA para sa kanilang operasyon at logistical supplies.”
Gayunpaman, iginiit ni Cumpio na ang perang tinutukoy ng AMLC ay para sa kaniyang programang radyo at proyektong ‘Stand with Samar’.
Nakalaya si Legion noong ika-14 ng Pebrero habang si Cabaljao naman ay noong ika-19 ng Pebrero 2020.
Nakatakdang tumestigo si Mariel Domequil sa ika-26 ng Nobyembre habang ang susunod na witness stand ni Cumpio ay gaganapin sa ika-13 ng Enero 2025.
Samantala, nakaplano pa lamang na makatanggap ng trial schedule si Abinguna.
Sa unang pagdinig ni Cumpio noong ika-23 ng Hunyo 2020, ibinasura ng Tacloban City Trial Regional Court ang mosyon na ipasawalang-bisa ang mga kasong inihain laban sa kanila.
Unang beses na pagtestigo
Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ng kapatid ni Maye na si Iris Domequil ang patuloy niyang paglaban upang makapiling muli ang kapatid tuwing Pasko.
“‘Yung tanging nagpapatuloy lang naman sa’kin ay gusto ko na ulit si Ate [Maye] makapiling tuwing pasko. Si Ate kasi tuwing pasko, makulit siya, tapos, ‘yun talaga ‘yung nawala nu’ng kada pasko. Ngayong magpapasko, umaasa pa rin kami na makakalabas na sila before mag-pasko, kasi gusto ko na ulit bumalik sa bahay ‘yung maingay, ‘yung kakulitan na nawala dahil ninakaw ng gobyerno sa’min,” anito.
Hinihimok naman ng Punong Patnugot ng The Manila Collegian (MKule), ang opisyal na pahayagang pangkampus ng University of the Philippines (UP) Manila, na si Jermaine Angelo Abcede na ipagpatuloy ang puspos na pakikibaka upang tiyak na mailantad ang katotohanan.
“Kahit pasista ‘yung estado, nasa estado man ‘yung lahat ng rekurso, lahat ng makinarya, nasa atin naman ‘yung mga prinsipyo at pag-asa—ito ‘yung kailanman [ay] ‘di nila makukuha sa’tin,” giit nito.
Inihayag din ni Abcede ang kahalagahan ng pagtestigo ni Cumpio at iba pang kasama nito upang mailitaw na gawa-gawang kaso lamang ang mga isinampa laban sa Tacloban 5.
“Napakahalaga ‘nung araw na ito actually for ate Maye and ate Frenchie kasi it's a very monumental event kasi 4 years after the illegal arrest, finally nabigyan na ng pagkakataon na ‘yun ma-take nila ‘yung witness stand,” saad nito.
Bahagi rin ng UP Solidaridad and MKule, ang alyansa ng mga student publication sa buong UP System kung saan naging bahagi si Cumpio bilang dating Punong Patnugot ng UP Vista, ang opisyal na pahayagang pangkampus ng UP Tacloban.
“Napakahalaga niya kasi mabibigyan ng pagkakataon sina Ate Frenchie na mapalitaw na itong sinampang [kaso] ay gawa-gawang kaso talaga, so hopefully, na maging tuntungan itong trial para lumitaw ‘yung katotohanan na sina Ate Frenchie ay mga human rights workers lang, mga campus journalist na nagtatanggol ng mga taga-Eastern Visayas,” ani Abcede.
‘Justice delayed is justice denied’
Iginiit naman ng Pambansang Tagapagsalita ng College Editors of the Philippines (CEGP) na si Brell Lacerna na sumasalamin ang unang beses na pagharap ni Cumpio at Domequil bilang mga witness sa hindi makatarungang sistema ng hustisya ng Pilipinas.
“Justice delayed is justice denied (Nabibigo ang hustisya kung nahuhuli ito). Kaya sa ganitong banda, lantaran na ang estado [ay] gagawa ng delaying tactics para lalong patagalin ang pagkuha ng hustisya, at gayon din ay ang paggawa ng mga pamamaraan para palabuin ang pag-asa para sa Tacloban 5 na maging malaya,” saad nito.
Para naman sa Tagapangulo ng People’s Alternative Media Network (AlterMidya) na si Raymund Villanueva, isang espesyal na karapatang pantao ang freedom of expression kaya’t paglapastangan mismo rito ang pag-aresto ng gobyerno sa Tacloban 5.
“Ito lang ang sa lahat ng karapatang pantao ‘yung may partikular na banggit sa constitution. Kaya isang paglapastangan sa mismong konstitusyon ‘yung pagpapatuloy ng gobyerno na i-prosecute ang Tacloban 5,” hayag nito.
Dagdag pa ng Punong Patnugot ng MKule, mahalagang tuligsain ang mga gawa-gawang kaso dahil nagsisilbi itong mabigat na atake sa mga mamamahayag na nag-uulat lamang ng mga realidad ng lipunan.
Aniya’y hindi lamang ito nagpupunla ng takot kay Cumpio, kung hindi pati na rin sa mga student publication na kayang baliktarin ng estado ang sitwasyon at katotohanan.
Inihayag din ni Lacerna na matagal na panahon nang sinusupil ang mga pahayagang pangkampus bilang patunay sa 206 campus press freedom violations na naitala ng CEGP mula 2023 hanggang 2024.
Ayon sa International Association of Women in Radio and Television, si Cumpio ay ang pinakabatang community journalist na nakakulong sa buong mundo.
- Kasharelle Javier
(Photo by Zedrich Xylak Madrid/FEU Advocate)