Pabrika ng makina ang Pamantasang kinikitil ang kaluluwa sa kolehiyo

FEU Advocate
June 20, 2025 09:00


Ni Jasmien Ivy Sanchez

Madalas ituring na “minor” ang mga kursong General Education (GE) gaya ng Art Appreciation, Ethics, at The Contemporary World. Ngunit sa likod ng mapangmaliit na bansag dito, hindi mapagkakailang sila ang puso’t kaluluwa ng edukasyon—tinuturuan tayong makinig, magduda, at manindigan. Sa panukalang tanggalin ito, tila hinahanda ang isang henerasyong mistulang makina na sunod-sunuran sa sistema.

Noong Mayo 2025, inihain ng Department of Education (DepEd) ang planong pagbabawas ng core subjects sa Senior High School (SHS) mula 15 patungo sa lima upang gawing mas “career‑focused” ang kurikulum para sa S.Y. 2025–2026. 

Kasabay nito, hinihikayat ng DepEd na repasuhin din ang GE subjects sa kolehiyo pagkatapos ng reporma sa SHS upang maiwasan ang pag-uulit ng mga leksiyon na ituturo. 

Bagama’t bahagi pa lamang ito ng reporma’t konsultasyon, binabatikos na ang panukalang ito ng ilang guro, iskolar, at estudyante na nangangambang mawala ang kritikal na pag-iisip, malasakit, at mas malawak na pananaw sa edukasyong nakatuon lamang sa empleo. 

Sa gitna ng mga konsultasyon, lumulutang ang tanong: sa paghabol natin sa pagiging “praktikal,” handa ba tayong isuko ang mga kursong nagtuturo sa ating maging mapanuri, makiisa, at manindigan para sa kapuwa?

Pagputol sa pundasyon

“GE lang naman ‘yan, eh,”—ito ang linyang madalas sinasambit ng ilan tuwing pinag-uusapan ang mga GE course.

Sa dami ng kailangang gawin na assessments, basahin, at ipasa sa mga propesyonal na kurso, hindi na nakapagtatakang tingnan ang mga GE na parang “pahinga” o kaya ay “pampagaan ng iskedyul” sa kolehiyo. 

Para sa ilan, pampataas lang ito ng general weighted average, pampuno sa kinakailangang yunit, o hindi kaya’y karagdagang pagod na walang kinalaman sa tunay na trabaho pagkatapos ng kolehiyo. 

Kaya nitong Enero, inilantad ng DepEd ang isang panibagong banta sa kalidad ng edukasyon. Iminungkahi ng ahensiyang tanggalin ang Ethics, Art Appreciation, at The Contemporary World sa kolehiyo. 

Inihayag ng isang opisyal ng DepEd nitong Mayo na nais nilang tanggalin ang nabanggit na tatlong GE course mula sa kolehiyo upang ito ay ilipat sa bagong binuong kurikulum para sa SHS bilang bahagi ng kanilang “streamlining initiative.”

Layunin ng hakbang na ito na maiwasan ang pag-uulit ng mga asignatura at leksiyon sa pagitan ng SHS at kolehiyo, pati na rin ang pagtitipid sa oras at gastos ng mga estudyante at magulang.

Ayon kay DepEd Assistant Secretary Janir Datukan sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture tungkol sa inisyatibong repormahin ang mga asignatura sa SHS, saklaw na ng kasalukuyang SHS core subjects ang bawat GE course

Binanggit din niya ang mga asignaturang Purposive Communication, Understanding the Self, Mathematics in the Modern World, Science, Technology and Society, at Readings in Philippine History bilang bahagi ng mga kursong maaaring isama sa SHS. 

Partikular namang tinukoy ang Art Appreciation, The Contemporary World, at Ethics bilang mga kursong hindi na umano kailangang pag-aralan pa sa kolehiyo, dahil itinuturo na raw ang mga ito sa hayskul sa ilalim ng Arts, Araling Panlipunan, at Good Manners & Right Conduct at Values Education mula ikapito hanggang ika-12 baitang sa hayskul.

Dagdag pa rito, inaasahang mababawasan ng 24 na yunit ang GE, na katumbas ng isang semestre, upang mas makamit ang “mas maikli at episyenteng” edukasyon.

Subalit, sa hangaring paikliin ang oras at bawasan ang mga yunit, tila nababawasan din ang mga puwang para sa pagkatutong humaharap sa masalimuot na realidad ng lipunan—ang uri ng pagkatuto na humuhubog sa pananaw, empatiya, at kakayahang magtanong ng isang mag-aaral. 

Pagkitil sa kaluluwa ng edukasyon

Ngayong isinusulong ng DepEd ang pagtanggal sa tatlong kursong ito sa GE curriculum ng kolehiyo, mas lalong lumalalim ang sugat ng sistemang matagal nang binubulok ng mekanikal na pagtingin sa edukasyon.

Kaya naman naalarma ang propesor sa GE at Pilosopiya ng Far Eastern University na si Patrick Andre Mencias sa ipinanunukalang pagbabago ng DepEd. Aniya, hindi siya sang-ayon sa naging suhestiyon ng DepEd.

"Most of the arguments come from the angle of practicality. The members of the Congress believes [sic] that by removing these subjects, they would cut down the number of semesters, hence the number of semesters to pay. These are practical suggestions (Karamihan sa mga argumento ay galing sa anggulo ng pagiging praktikal. Naniniwala ang mga miyembro ng Kongreso na sa pagtanggal ng mga asignaturang ito, mababawasan ang bilang ng semestre, at dahil dito, mababawasan ang gastusin para sa bawat semestre. Mga praktikal na suhestiyon ito)," saad niya sa isang panayam ng FEU Advocate.

Hindi nakapagtataka kung bakit madaling iwaksi ang halaga ng mga kursong ito. Sa sistemang paulit-ulit na sinasabing ‘minor’ lang ang GE, parang itinuturo sa mga kabataan na hindi na mahalaga ang malalim na pag-unawa sa sarili, sa sining, at sa lipunan. 

“Basta makahanap ng trabaho ay ayos na.” Subalit kung ganito ang pananaw, maituturing pa ba itong edukasyon? Kapag ang sukatan ng silbi ng isang kurso ay kung magkano ang kikitain mo, hindi ka hinuhubog para mag-isip—hinuhulma kang sumunod, tumahimik, at maging sunod-sunuran.

Bagama’t may intensiyon itong gawing mas praktikal ang edukasyon, tila hindi isinasaalang-alang ang mas malalim na papel ng mga kursong ito sa paghubog ng kabuoang pagkatao.

Dagdag pa ni Mencias, ayos lamang sanang tanggalin ang mga ito kung ganito rin kalalim, kritikal, at makatao ang magiging paraan ng pagtuturo sa SHS. 

Dahil sa mga kursong GE, hindi lamang nakukulong ang estudyante sa kahon ng kaniyang programa—nabibigyan siya ng pagkakataong mag-isip sa mas malawak na perspektiba.

Mas lumalalim ang pag-unawa sa mga isyung panlipunan, kultural, moral, at historikal na hindi sakop ng kaniyang pangunahing disiplina, ngunit lubos na mahalaga sa pagiging isang ganap na mamamayan.

Sumang-ayon naman dito ang fourth-year Fine Arts student na piniling magpakilala bilang 'Menedict,' sa pagsaad na maaaring mawalan ng kakayahan ang mga estudyante na suriin ang mas malalalim na dahilan sa likod ng mga isyung kinahaharap ng bansa kapag tinanggal ang mga kursong ito.

We’d be too shallow. We’d think na okay na ang aware ka without knowing na iyong issues na aware ka ay may mas malalim pa na dahilan (Magiging mababaw tayo. Iisipin natin na okay na ang may alam ka kahit hindi mo alam na iyong isyu na alam mo ay may mas malalim pa na dahilan),” paliwanag niya. 

Hindi na tayo matututo pang hukayin ang ugat ng mga problemang panlipunan at pambansa. Mananatili ang mababaw na pag-unawa sa mga isyung panlipunan dahil akala natin ay sapat na ang may alam lang.

Subalit hindi natin alam na ang mga isyung iyon ay bahagi lang ng mas malawak at masalimuot na katotohanan. Kaya naman malaki ang importansiya ng mga ito sa mas mataas na antas ng edukasyon. 

Dahil para naman kay Mencias, kapag tinanggal ang mga kursong tulad ng Ethics, inilalagay sa alanganin ang trabaho ng mga nagtuturo ng mas espesyalisadong etika sa kolehiyo.

"If we remove the General Education course of Ethics, we will be making a disservice to the professors of the specialized ethics courses. Imbes na dapat mas malalim ang diskurso sa klase na iyon, nagiging back-to-zero (Sa pagtanggal natin sa general education course na Ethics, para na rin tayong nagkakait ng pagkilala at halaga sa mga propesor na nagtuturo ng mas espesyalisadong kurso ng etika. Imbes na dapat mas malalim ang diskurso sa klase na iyon, bumabalik sa umpisa),” paliwanag ng propesor.

Sa katotohanan, ito ang mga asignaturang nagbibigay-puso at saysay sa edukasyon. Sa Ethics, hinuhubog ang integridad at kakayahang magpasya para sa kapuwa. Dahil dito, hindi lang natin tinitingnan ang mga alituntunin bilang batas na dapat ay sinusunod, subalit bilang gabay sa paggawa ng tama, makatarungan, at makataong desisyon.

Samantala, natututo tayong basahin ang sining bilang wika ng protesta, ng kasaysayan, at ng damdamin sa ilalim ng Art Appreciation. Hindi lang ito basta maganda sa mata, ito’y tumutuligsa, naglalantad ng katotohanan, at pumupuna sa mga puwersang panlipunan na humuhubog sa mga karanasan.

Pinalalawak naman ng The Contemporary World ang pananaw natin sa mundong ating ginagalawan. Mula sa pagiging estudyante patungo sa pagiging isang mamamayan na  mulat sa mga isyung pandaigdig tulad ng migrasyon, climate change, at karapatang pantao.

Kaya’t hindi natin maaaring ipagkibit-balikat ang ganitong panukala. Hindi ito simpleng isyu ng “redundancy,” ngunit tahasang pagkitil sa karapatan ng mga isipang hinuhubog upang matutong kumilos bilang mamamayan at bilang mga taong marunong magtanong, mag-alinlangan, at manindigan. 

Kapag ang edukasyon ay ikinakahon sa layuning makahanap lang ng trabaho, hindi ito paghubog ng pagkatao bagkus pagpoprograma sa taong maging ganap na makina ng ekonomiyang nakasandig sa murang lakas-paggawa.

Sapagkat hindi pagtatrabaho lang ang dapat paghandaan ng mga estudyante—dapat din silang ihanda upang umangal, magtanong, at tumanggi tuwing may mali. 

Sa panahong laganap ang disimpormasyon at pananamantala ng kapangyarihan, mas kailangan ng lipunang Pilipino ng edukasyong nagtuturo na ang sining ay protesta, ang etika ay gabay, at ang pag-unawa sa mundo ay tungkulin. 

Kung babawasan ang ganitong uri ng pagkatuto, para na ring pinalalabnaw ang pagdaloy ng kaalaman. Kabaliktaran ito sa pangakong dapat pagyamanin ang kabataan sa malawak na kaalaman at malalim na pag-unawa sa sarili, lipunan, at mundo. 

Paano mabubuong muli ang isang puwang kung kahit ang maliit na bahagi nito ay pinilas? Sa pag-alis ng mga kursong tila “minor,” tila unti-unti na ring nawawala ang mga bahagi ng pagkatao na humuhubog sa ating pag-unawa sa mundong higit pa sa trabaho’t kita.

Pagbigay-espasyo sa makataong edukasyon

Hindi matatawaran ang papel ng mga kursong ito bilang espasyo upang matutuhan ng mga mag-aaral kung paanong makisangkot, magsuri, at manindigan sa harap ng isang sistemang neoliberal na itinutulak ang edukasyon bilang simpleng daan patungong trabaho.

Kung kaya’t buong pusong kumontra si Mencias sa panukalang ito. Sa pagpokus sa kursong Ethics, paliwanag niya na ang pagkitil sa oportunidad ng mga estudyante na magnilay sa mga leksiyong tanging sa Ethics lamang maituturo ay isang malaking kawalan.

Bagama’t may mga espesyal na kursong etikal sa ilang larangan tulad ng Nursing Ethics, Media Law and Ethics, Medical Technology Code of Ethics, o Professional Ethics sa negosyo, naniniwala ang propesor na nararapat itong nagsisimula sa mas malawak at mas pangkalahatang pananaw.

Sa pamamagitan ng kursong Ethics, mas naipaliliwanag ang mga batayang prinsipyo na pinanghuhugutan ng mga argumento at diskurso sa mas tiyak na disiplina. 

Higit pa rito, inilalatag ang pundasyon na magagamit ng kabataan sa paggawa ng makataong pasya sa anumang larangang kanilang tatahakin.

Bagama’t hindi pa raw naihahain o nabubuksan ang diskusyon ng pagtatanggal ng tatlong kursong ito sa Pamantasan, hinimok ni Mencias na sana’y bigyang-laya ang mga akademikong institusyon na magpasya nang may kalayaan upang maipahayag ang kanilang posisyon—sumang-ayon man o tumutol sa isyu.

"Ang papel ng Pamantasan ay ipaalala na ang mga institution na ito ay puwang para sa diskurso at malayang pag-iisip. Mas maigi sanang mas palawakin ang pag-unawa ng etika sa mga bata, sa pagpapakilala ng mga panibagong teorya na maaari nilang gamitin sa buhay nila at sa trabaho nila," payo ng propesor.

Sa gitna ng banta ng pagbura sa mga kursong GE, mahalaga ang agarang pagkilos mula sa iba’t ibang sektor—guro, estudyante, administrador, at magulang. Ayon kay Menedict, kailangang magkaroon ng masusing pagsusuri at malawak na konsultasyon ukol sa planong ito. 

I think there needs to be extensive research about sa pagtatanggal ng GE courses na ito and sa paglilipat nito sa SHS if talaga bang magiging effective ito at the same time efficient for the people na mainly involved sa issue na ito (Sa palagay ko, kailangang magkaroon ng malawak na pananaliksik tungkol sa pagtanggal sa mga kursong GE na ito at paglipat sa mga ito sa SHS kung talaga bang magiging epektibo at episyente ito para sa mga taong direktang apektado ng isyung ito),” aniya. 

Kaya’t sa panahong tila binubura ang puwang ng humanidades at masining na pag-iisip sa ating edukasyon, nananawagan ang Fine Arts student at propesor ng malinaw at ingklusibong konsultasyon mula sa DepEd at Commission on Higher Education. 

Ang makabuluhang reporma ay hindi nagsisimula sa taas lamang. Dapat itong itaguyod kasabay ng mga sektor na araw-araw humaharap sa epekto ng mga patakarang ito—ang mga gurong humuhubog, at mga estudyanteng hinuhubog sa loob ng apat na sulok ng klasrum. 

Maaari ding magsagawa ng mga asembliya, petisyon, at mga bukas na liham bilang kolektibong tindig. Bukod dito, kailangang paigtingin ang edukasyong nagpapaliwanag kung bakit mahalaga ang sining, etika, at pandaigdigang pag-unawa. 

Higit sa lahat, kailangang igiit at ipaalala sa publiko: Kung ang edukasyon ay para lang magluwal ng mga trabahador na robot at sunod-sunuran na hindi marunong kumuwestiyon ng kamalian, nasaan na ang silbi nito?  

Dito pumapasok ang mahalagang papel ng mga institusyon gaya ng FEU, upang hindi basta-bastang sumabay sa agos ng pragmatikong reporma at magsilbing tinig ng pagtutol, pagsusuri, at pagpanig sa makataong anyo ng edukasyon.

Bilang isa sa mga pamantasan na may kasaysayan ng pagbibigay-tinig sa iba’t ibang sektor ng lipunan, obligasyon nitong manindigan para sa edukasyong makatao. 

Kung mananatiling tahimik ang mga unibersidad, bahagi na rin ito ng sistemang unti-unting tinutuldukan ang kakayahan nating mag-isip nang malaya. 

Kung pipiliin nito ang umayon sa halip na tumindig, hindi ba’t unti-unti rin itong mahuhulog sa patibong ng isang lipunang mangmang—isang mundong kaydaling magpaikot sa mga mamamayang utak-makina, hindi kritikal, at walang tapang na manindigan?

Hindi tayo dapat manatiling tahimik sa mga repormang tahasang binabawasan ang lalim ng ating pag-unawa bilang tao. Sa ilalim ng ganitong balangkas, unti-unting naglalaho ang layunin ng edukasyon bilang espasyo para sa pagkamalikhain, pagiging moral, at pag-unawa sa lipunan.

Anong klaseng lipunan ang mabubuo kung wala nang marunong kumuwestiyon sa katiwalian? Kung wala nang may kakayahang umintindi ng konteksto ng lipunan? Kung wala nang handang manindigan para sa tama?

Hindi lang ito laban ng estudyante at guro—ito'y laban ng buong Pamantasan. Kung sinasabi nating may saysay ang edukasyon, dapat sabayan ito ng tapang na ipaglaban ang diwa nito. Huwag hayaang malusaw ang pagkatao sa ngalan ng 'praktikalidad.’ 

Hindi sapat ang kaalamang teknikal kung ang layunin lang ay ihulma ang mga mag-aaral bilang tauhang madaling paikutin ng sistema. Hinuhubog ng tunay na edukasyon ang sariling pag-iisip, empatiya, at paninindigan. Kaya’t huwag natin hayaang alisin ang pagiging tao sa edukasyong Pilipino.

(Dibuho ni Alexandra Lim/FEU Advocate)