
Bedonia nagpaulan, FEU nananatiling undefeated
- August 25, 2023 06:45
FEU Advocate
January 22, 2025 07:30
Ni Jasmien Ivy Sanchez
Sa bawat papel na ating iniipit sa pitaka, makikita ang simbolo ng ating nakaraan—mga bayani na nag-ukit ng ating kasaysayan. Ngunit sa pagbabagong hatid ng bagong disenyo, unti-unting napapalitan ang mga mukha ng bayani ng mga hayop at halaman na nanganganib nang maglaho. Bunsod nito, naiwan ang isang katanungan sa masa: Tanda ba ang pagbabagong ito ng pagsulong tungo sa isang makabagong kamalayan, o isa itong tahimik na paglimot sa ating kasaysayan?
Isang pera, dalawang kuwento
Higit pa sa simpleng gamit ng kalakalan ang pera ng isang bansa. Simbolo ito ng pagkakakilanlan, kasaysayan, at kultura.
Sa Pilipinas, matagal nang nagsisilbing larawan ng ating salapi ang mga bayani o mga indibidwal na nag-iwan ng bakas ng tapang at malasakit para sa kalayaan ng masang Pilipino.
Nagbigay-pugay ang mga disenyo ng perang papel sa Pilipinas sa mga makasaysayang personalidad tulad nina Sergio Osmeña, Manuel Roxas, at Benigno “Ninoy” Aquino Jr. kasama ang kaniyang kabiyak na si Corazon “Cory” Aquino.
Kasama ng kanilang mga imahe ang mga mahahalagang tagpo ng kasaysayan, mula sa EDSA Revolution hanggang sa proklamasyon ng kasarinlan. Subalit habang nagbabago ang takbo ng kasaysayan, unti-unti na ring nalilipasan ng panahon ang mga mukha na minsang nagsakripisyo para sa bayan.
Kamakailan lamang, inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kauna-unahang Philippine Polymer Banknotes Series, kung saan makikita ang mga makabagong disenyo ng P50, P100, at P500.
Samantala, hindi na kabilang sa polymer series ang P200 na denominasyon matapos aprubahan noong 2021 ang pagtigil ng produksiyon nito dahil sa pababang bilang ng mga gumagamit mula nang inilunsad.
Ayon sa BSP, naitalang 38.4 na porsiyento ang ibinaba ng carbon footprint sa polymer banknote kompara sa perang papel. Gayunpaman, mananatili pa ring legal tender ang mga perang papel.
Bagamat dahan-dahan, isang hakbang ito patungo sa makatarungan at makabagong sistema ng salapi na magbubukas ng mas maraming pagkakataon upang itaguyod ang mga solusyon sa pangangalaga ng kalikasan.
Bilang bahagi ng pagbabago, tampok sa makabagong disenyo ang mga hayop at halaman na endemiko sa Pilipinas, na pumapalit sa mga larawan ng mga bayani at dating pangulo sa lumang bersiyon.
Matatandaang naunang ilabas sa publiko ang P1,000 na salapi noong 2022, kung saan masisilayan ang Philippine eagle at ang pambansang bulaklak na sampaguita.
Tampok naman sa bagong banknote na P50 ang Visayan leopard cat na sumisimbolo sa liksi at ang Vidal’s lanutan na isang endemikong bulaklak.
Samantalang inilalarawan naman sa P100 bill ang Palawan peacock-pheasant na sumisimbolo sa lakas, kagandahan, at biyaya sa kabila ng pagiging endangered nito, at ang Ceratocentron fesselii, isang endemikong orkidyas.
Makikita rin sa bagong disenyo ng P500 polymer ang Visayan spotted deer, na kilala sa taglay nitong talas ng pandama na sumisimbolo sa kalinawan at talas ng kaisipan, kasama ang Acanthephippium mantinianum, isang natatanging orkidyas na matatagpuan lamang sa Pilipinas.
Nagsimula noong ika-23 ng Disyembre 2024 ang limitadong paglalabas ng mga polymer banknote sa Metro Manila. Inaasahan namang pagsapit ng Enero ngayong taon, magiging bahagi na ito ng pangkalahatang sirkulasyon sa buong bansa.
Katwiran ni BSP Governor Felipe Medalla sa panayam ng Balita, simbolo ng pag-unlad at pagkakakilanlan ng bansa ang bagong serye ng Philippine polymer banknote.
Bukod sa pagbibigay-pugay nito sa likas na yaman ng Pilipinas, nagsisilbi rin itong panawagan upang palakasin ang pagkilos tungo sa mas masidhing pangangalaga sa ating natatanging likas na yaman—bago ito tuluyang maglaho sa ating kamalayan at realidad.
Pinangungunahan ng desisyong ito ang modernisasyon ng salapi, na naglalayong higit pang palakasin ang seguridad nito habang itinataguyod ang mas makabago at mas makahulugang representasyon ng pambansang identidad.
Kasaysayan o kalikasan?
Isang buhay na saksi ang salapi sa mga mahahalagang prinsipyo ng bansa, kumakatawan sa mga kwento ng ating nakaraan, at nagsusustento sa mga aspeto ng kolektibong mithiin.
Kaya’t nang pumutok ang balitang ito, bumaha ng opinyon, komento, at katanungan mula sa publiko. Para bang nag-anyaya ito ng panibagong pagninilay sa mga nakasanayan.
Ito ba ay simpleng pagbabago para sa modernisasyon, o may mas malalim na layunin sa likod ng bawat imahe?
Sa kabila ng mga katanungan, pinagtitibay ng Tagapangulo ng Kabataan Partylist Far Eastern University (FEU) Chapter na si Ryan Ferrer ang positibong mensahe na hatid ng pagbabagong ito, lalo na sa pagbibigay-diin sa kahalagahan ng mga hayop at ng kalikasan.
“Sa kinakaharap na isyu ng pagkakalbo ng kagubatan at mapanirang reklamasyon, kailangan bigyang-pansin ang pangangalaga rito bilang tirahan ng mga hayop. Dagdag pa na sa kondisyon ng klima at bagyo na pinalala ng [mga] mapanirang proyekto,” anito.
Inayunan naman ito ng propesor ng Internal Auditing sa FEU na si Lloyd Vincent Tingson sa panayam ng FEU Advocate, kung saan ipinunto niyang may potensiyal ang pagbabagong ito na pukawin ang kamalayan at kuryosidad ng mga Pilipino tungkol sa kanilang pagkakakilanlan at sa mga aspekto ng bansa na maaaring higit pang pahalagahan.
Dagdag pa rito, itinatampok ng bagong disenyo ng salapi ang potensiyal nito bilang isang mabisang kasangkapang pang-edukasyon. Sa bawat transaksiyon, nagsisilbi itong paalala ng masaganang likas na yaman ng bansa at maaaring mag-udyok ng mas masidhing suporta para sa mga proyektong naglalayong pangalagaan ang kalikasan.
Kasama rin sa layunin ng mga bagong pera na ipagmaki ang kagandahan ng ating kalikasan, pati na ang mga hayop at halaman na tanging sa Pilipinas lamang matatagpuan upang magsilbing paalala sa mayamang saribuhay ng bansa.
Sa kabila ng positibong implikasyon ng bagong disenyo ng salapi, ayon kay Ferrer, nagsisilbing simbolo ang pagbabagong ito ng isang hidwaan sa pagitan ng dalawang mahahalagang aspekto.
“Maaaring makita [ito] bilang attempt ng estado [sa] pagsawalang-bahala sa kasaysayan at ang mga bayaning lumaban para sa pagbabago. Baluktot na dahilan ang pagbigay-kahalagahan sa mga hayop habang hinahayaan ang mapanirang proyekto ng lokal at dayuhang kapitalista sa kalikasan na tirahan ng mga hayop na ito,” paliwanag nito.
Maaaring magdulot ang unti-unting pagtumal sa sirkulasyon ng mga bayani sa pagbura ng kanilang presensiya sa kamalayan ng mas nakababatang henerasyon, lalo na sa panahon kung saan ang pagtuturo ng kasaysayan ay nagiging limitado sa mga paaralan.
Sa kasaysayang nakalimbag sa salapi, nagiging bahagi ang bawat isa ng paggunita sa sakripisyo at mga aral ng ating mga ninuno.
Kung kaya’t mas mahalagang timbangin ang mga aspekto ng kasaysayan at kalikasan nang may malalimang pagninilay upang masigurong hindi isinasakripisyo ang halaga ng alinman.
Buhay sa alaala
Lampas na sa pagiging simpleng instrumento ng ekonomiya ang salapi, gampanin na nito ang maging tagapag-ingat ng makasaysayang simbolo ng pagbubuklod at tagapagpalaganap ng pambansang kultura.
Pahayag pa ni Tingson, dapat itong magsilbing tagapagtaguyod ng mas malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa kasaysayan, kultura, at likas na yaman ng bansa.
“Hindi lang dapat ito gamitin bilang isang legal tender, bagkus magbigay rin ito dapat ng kaalaman sa ating mga Pilipino pati na rin sa mga dayuhang bumibisita sa ating bansa. Maaaring maging dahilan pa ‘to ng pagtaas ng turismo sa ating mga probinsiya,” anito.
Habang humihina ang presensiya ng mga lumang disenyo sa sirkulasyon, mahalagang tiyakin na naisasalin sa susunod na henerasyon ang diwa ng mga bayani ng nakaraan upang mapanatili ang ugnayan natin sa kasaysayan at sa mga taong nag-ambag sa paghubog nito.
Kasabay ng mga ganitong hakbang, nararapat lamang din na magbukas ng kamalayan ang pagtatampok sa mga hayop na nasa bingit ng pagkaubos sa mas malawak pa na pananagutan ng tao. Lalo na sa pagpapanatili ng ekolohikal na balanse bilang pundasyon ng ating sariling kaligtasan.
Kung kaya’t pinaigting din ni Ferrer ang kahalagahan ng masusing pagsusuri sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan, partikular na sa harap ng mga hamong kinahaharap ng mamamayan.
“Mas lalong mahalaga ngayon na pag-aralan natin ang tunay na kalagayang panlipunan natin. Ano ang kondisyon ng kasaysayan na pinagmulan ng tanyag na bayani? Ano ang kinahaharap ng mga hayop sa bansa at mga problema nila sa paninirahan? Sa pag-aaral ng lipunan, makikita natin ang papel natin bilang kabataan sa pagbabago nito at pagtugon sa mga problema ng taumbayan,” pagbibigay-diin ng Tagapangulo.
Hindi dapat mabawasan ang atensiyon na naibibigay sa alinman sa dalawang aspekto, dahil sila ang nagtataguyod ng ating pambansang identidad at nagsisilbing pundasyon sa pagbuo ng ating kolektibong pagkakakilanlan bilang isang bansa.
Hindi ito simpleng usapin kung alin ang mas nararapat na bigyang-diin, kung hindi ang pagsiguro na hindi ibabaon sa hukay ang dalawang mahalagang sangkap na humubog at huhubog sa ating nakaraan at hinaharap.
Sa huli, higit pa sa pisikal na anyo ng salapi ang nababago. Sapagkat sa bawat hawak ng bagong disenyo, tila itinatanghal ang hindi matutumbasang halaga ng mga aral, kuwento, at responsibilidad na humuhubog sa ating pambansang pagkakakilanlan. Sa ganitong paraan, nagmumungkahi ito ng mga diwang magpatitibay sa ating kolektibong kamalayan at magbibigay-diin sa ating tungkulin bilang mga mamamayan sa isang bansang mayaman sa kasaysayan at kultura.
(Latag ni Jonathan Carlos B. Ponio/FEU Advocate)