MLBB Tams, naiuwi ang kauna-unahang medalya ng FEU sa UAAP Esports

FEU Advocate
August 21, 2024 19:17


Ni Vince Matthew Jaramilla

Nasungkit ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws Esports Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) team ang unang medalya ng Pamantasan sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Esports matapos hiranging second runners up nang mabigong pabagsakin ang University of the East (UE) Zenith Warriors, 1-2, ngayong araw, ika-21 ng Agosto, sa Hyundai Hall ng Areté Ateneo sa Lungsod Quezon.

Sa panayam ng FEU Advocate, ipinahiwatig ng Tam Esports coach na si Erwin Magno ang magkahalong damdamin na dala ng pagkatalo sa semis at pagkamit ng bronze medal.

“[May] mixed emotions. Grateful (magkahalong emosyon. Masaya) pa rin naman kami na nakakuha kami ng medalya pero at the same time (kahit ganoon) , nalungkot kasi ramdam namin na may maibubuga pa ‘yung team (koponan),” aniya.

Nagpamalas ng isang magandang simula ang Tamaraws sa best-of-three na serye kung saan ginamit nina team captain Jordan Eder si Hylos, jungler Dashmielle Farin si Nolan, gold laner Micole Justin Wage si Harith, mid laner Paolo Miguel Sanchez si Lylia, at exp laner Benedict Ablanida si Terizla laban sa Minotaur, Lancelot, Roger, Zhask, at Ruby ng Zenith Warriors.

Sa 2:13 mark, natamo na agad ni Nolan user Farin ang bagong spawn na turtle upang bigyan ng maagang lamang ang FEU sa exp at gold.

Bagama’t ang Recto-based squad ang nakapagkamit ng first blood matapos mapatay ng Roger nila ang Harith ni Wage, nanatiling nasa panig ng Morayta ang kalamangan sa laban dahil sa pagkuha ni Farin ng ikalawang turtle.

Pagdating naman ng 7:30 mark, tuloy-tuloy lang ang pag-arangkada ng Tamaraws nang makamit nito ang huling turtle ng laban.

Sa pamumuno muli ni Farin, napasakamay ng FEU ang unang lord na nakatulong sa pagwasak nila ng inhibitor turret ng UE sa mid lane upang mabutas ang depensa nito.

Hindi na nagpapigil ang green-and-gold squad at kinuha nila ang ikalawang lord, 13:15. Ito ang naging susi para tuluyan nilang makuha ang lamang sa serye sa loob ng 14:30, 1-0.

Ang bottom inhibitor turret na lamang ang natira sa panig ng Zenith Warriors sa katapusan ng game one, samantalang hindi man lang nabawasan ang sa Tamaraws.

Sa kill score na 9-6, si Harith player Wage ang kinilala bilang Player of the Game na may 4/1/2 kill-death-assist (KDA) ratio. Malaki rin ang ambag ni Farin gamit ng kanyang Nolan na may 3/0/2 KDA.

Nasa panig ng Morayta ang momentum matapos ang dominasyon sa game one, subalit nakahanap ng butas ang mga manlalaro ng Recto at kanila itong sinamantala sa sumunod na laban.

Sa draft pick ng game two, sina Fanny, Hayabusa, Nolan, Lancelot, at Joy ang mga banned hero ng UE—ang mga main hero ni FEU jungler Farin. Dahil dito, napilayan ang opensa at gold ng Tamaraws sa paggamit niya kay Roger.

Kasama ng Farin-Roger ang Ruby ni Eder, Harith ni Wage, Zhask ni Sanchez, at Esmeralda ni Ablanida kontra Julian, Lolita, Hanabi, Zhuxin, at Phoveus ng Zenith Warriors.

Sa larong ito, napatay pa ni Farin ang unang turtle, ngunit matapos ito, sa kamay na ng red-and-white squad napunta ang sumunod na mga objective na nagpalaki ng agwat sa exp at gold.

Naitabla ng UE ang tunggalian sa loob ng 15:10 sa kill score na 12-22. Naubos ang mga turret ng FEU habang isa lamang ang kanilang nabasag.

Si Zhask user Sanchez lamang ang nagkaroon ng positive KDA na 5/1/6.

Matapos ang unang pagkatalo sa laban, inihayag ni ng FEU jungler ang pagpilit nilang manatili sa kanilang orihinal na estratehiya sa kabila ng biglaang ‘anti-Farinplay ng kalabang koponan.

“Sanay na po ako na bina-ban (ipinagbabawal) [‘yung] heroes ko so ‘di naman po ako na-surprise (nagulat) na gano’n ginawa nila… We tried to stick to our usual early game plan but because of the errors, we were unable to execute our game plan (Sinubukan naming dumikit sa madalas naming plano sa simula ng laro pero dahil sa mga pagkakamali, hindi namin naisagawa ‘yun nang maayos),” wika nito.

Ipinagpatuloy lamang ng Zenith Warriors ang kanilang estratehiya sa draft pick ng clincher game na mapapansin sa tatlong mga banned hero na sina Fanny, Ling, at Nolan upang pigilan si Farin. Hindi rin nakatulong ang paggamit nila ng Diggie laban sa Ruby ni Tam Esports exp laner Ablanida.

Bukod sa mga hero na ito, hinarap ng Hylos ni Eder, Lancelot ni Farin, Claude ni Wage, at Aurora ni Sanchez ang Hayabusa, Bruno, Lylia, at Edith ng UE.

Katulad ng game two, nangibabaw sa pagkamit ng mga objective ang Recto-based squad. Nakuha man ni Farin ang turtle sa 4:30 mark, malaki naman ang lamang ng Zenith Warriors sa kills, 2-7.

Unti-unting lumobo ang kalamangang ito na umabot sa 5-13 matapos mabigo ang Tamaraws sa unang lord fight.

Hindi na nagkaroon ng pagkakataong makabawi ang FEU at tuluyan silang napabagsak sa loob lamang ng 10:12 sa kill score na 5-17.

Iisa lamang muli ang may positive KDA sa green-and-gold squad, ang Claude player na si Wage na may 2/1/1.

Sa kabila na pagkabigo, isinaad din ni Farin ang pasasalamat niya para sa kanyang koponan at iba pang kasama sa kampanya sa UAAP.

“Sobrang proud and thankful (natutuwa at nagpapasalamat) ako sa teammates ko and kina coach, manager and (at) sa lahat ng part (bahagi) ng journey (paglalakbay) na ‘to. Worth it (Sulit) pa rin lahat ng pagod dahil may medal (medalya) pa rin kaming naiuwi,” aniya.

Binanggit din ni Coach Magno ang kanyang tuwa sa sikap ng kanyang mga manlalaro.

Proud (Natutuwa) ako sa mga player (manlalaro) ko kasi hanggang dulo, binigay nila yung best (makakaya) nila kahit ‘di man namin nakuha ‘yung gold (ginto) ngayon, nagkaroon naman sila ng experience to become a better player (karanasan upang mas gumaling) para sa susunod na season,” dagdag nito.

Kasama ng FEU sa podium ang National University bilang kapwa second runners up ng paligsahan. Nakamit naman ng UE ang korona habang first runners up ang University of Santo Tomas.

(Litrato mula sa UAAP)