Minsan Anak, Madalas ATM

FEU Advocate
September 03, 2023 08:18


Pinalaki raw ako ng nanay kong matapang. Matibay. Madiskarte. Kailanma'y 'di raw siya nag-alala sa kalalagyan ko kung sakaling pumanaw siya nang maaga-aga. Kung tutuusin nga raw, yabang niya, kayang kaya ko na buhayin ang sarili ko mag-isa.

Ano pa ba? Mapagbigay rin daw ako. Wala raw sa bokabularyo ko ang kadamutan. Kolehiyala pa lamang ako, kasangga na raw nila ako ni tatay sa pagtustos sa aming pamilya.

Wala naman akong magawa kung 'di makinig nang tahimik. Tanggapin ang mga papuri ng mga kumare't kumpare nila sa isang tipid na ngiti. Pinalaki nila akong tahimik. Magalang. 'Di marunong sumagot at manumbat. Praktikal. Marunong makuntento sa kung anong mayroon. At higit sa lahat: hindi marunong magreklamo

Wala silang anak na maarte. Hindi ko rin naman kasi mabibili ang karangyaan kahit magtrabaho man ako ng 30 oras sa isang linggo. Kahit kulang-kulang ang mga gamit ko pamasok. Kahit nakatatlong botelya na ako ng pandikit ng sapatos sa isang buwan. Kahit kailangan ko na namang bumali, isang linggo bago ang kinsenas kasi ubos na naman ang panggatas ni bunso. Kasi wala na namang trabaho si papa. Kasi gusto ni mama ng washing machine; pudpod na ang mga daliri niya kalalaba. Kasi hindi na ako maisasalba ng promissory note sa susunod na semestre.

H'wag kayong mag-alala. Pinalaki naman nila akong masipag. Pinalaki rin akong masunurin. Kaya’t hahanap na lang ako ng bagong raket. Kakagatin ko na rin ang Sabado't Linggo. Hinahanap-hanap na ng katawan ko ang pagod — nakokonsensya na ito sa konsepto ng pahinga.

Pampalipas-oras ko ang magbilang ng mga barya. Maghanap ng paraan para ipilit na magkasya. Magbulag-bulagan sa mga bote ng alak; magbingi-bingihan sa kalam ng sikmura, sa bulong ng pangangailangan; mag-ala Santa Claus sa mga hiling na ‘di kayang ipagdamot — ‘di maatim na tanggihan.

Pinalaki akong ganito.

Pero hindi ng mga magulang ko.

Pinalaki ako ng kakulangan sa paghahanda; ng tahanan na walang plano; ng kakulangan sa pribilehiyo; sa loob ng rehas ng kahirapan; suot ang kwelyo ng minanang responsibilidad. 

Kaya't heto ako ngayon, nagsisipag; dumidiskarte; pinipilit maging matatag; nananalanging hindi maubos kakabigay. Makatakas lang — makaginhawa lang mula sa nakakasakal na bitag ng kapalaran. 

-Valerie Rose V. Ferido

(Dibuho ni Erica Camille Africa/FEU Advocate)