Mga kwento ng pag-ibig: Tamdula VI Love-Oratory ng FTG

FEU Advocate
August 31, 2023 09:39


Ibibida ng Far Eastern University (FEU) Theater Guild (FTG) ang hiwaga ng pag-ibig sa Tamdula VI: Love-Oratory. Ito ay para sa pagdiriwang ng kanilang ika-90 na anibersaryo na mapapanood simula Agosto 29-31 hanggang Setyembre 1-2 at 4-9 na gaganapin sa FEU Center for the Arts (FCA) Studio.

Kabilang sa proyekto ng FTG ang walong dula patungkol sa iba’t ibang klase at porma ng pag-ibig—kabilang ang “Shake, Rattle, and Fall,” “Against Any-Body,” “Color Blind,” “Paghihintay ng Isang Libong Minuto Para sa Pag-Ibig,” “Ang Pinakawalang Kwentang Kwentong Pag-Ibig ni Tanga,” “It’s Always You,” “Mama Kong May Tama,” at “Dear God.”

Nais ng FTG na maghatid ng panibagong tema mula sa dati nilang Tamdula V: Muli na tumalakay sa samu’t saring kontemporaryong suliranin at sitwasyon.

Sa pagkakataong ito, itatanghal ng FTG ang mga kwento ng pag-ibig na nagpapahumaling at nagpalumbay sa mga tao magmula noon.    

Sa naging panayam ng FEU Advocate, ipinahayag ng FTG company manager na si Jonas Cunanan, na ang kabuuan ng Love-Oratory ay sumailalim sa pamumuno ng kanilang artistic head na si Rafaelle Pascua.

This is very special for us since this is the first time actually sa Tamdula VI na it was directed by the artistic head, 'yung overall Tamdula VI,” ayon kay Cunanan.

Binanggit din ni Pascua na nagsimula ang kanilang paghahanda para sa pang-anim na dula noong Abril kasabay ang kanilang pagtatanghal ng Halu Halo

Siyam na Dekada: Pagbubukas ng Bagong Yugto ng FTG

Para sa nalalapit na ika-90 na anibersaryo ng FTG, handog nila ang kanilang panibagong estilo. Idinagdag rin ni Pascua na sila'y tumaya sa hirap ng pagmomonologo.

For the past Tamdula, lahat ng eksena may kasama na co-actors, usually 2-5 actors pero ngayon I want something new kaya gusto ko monologue kasi mahirap monologue tapos mag-isa ka lang sa stage, the spotlight is really on the actor,” kwento niya.

Idinagdag ng artistic head na bukod sa isang masining at teknikal na desisyon, ang monologong aspekto ng dula ay nakatulong sa paghasa ng mga aktor sa kanilang kasanayan sa pagtatanghal. 

Mula sa 30 na iskrip ay masusi itong hinimay upang masala sa pinal na bilang ng dulang itatanghal. 

“Mahirap siya dahil babasahin mo lahat-lahat tapos kailangan pang i-revise, tapos yung mga na-approve na yun, i-specify pa yung topic para hindi pare-parehas yung tema ng bawat gawa,” saad ni Pascua.

Sinigurado ng grupo na maingat at tama ang pagkakadepikta ng mga istorya dahil sa angking lawak ng usaping pag-ibig.

Pagmamahal para sa Teatro 

Ang buhay ng isang student-artist sa FTG ay aktibo buong taon. Tuwing sila’y naghahanda para sa isang palabas, ang kanilang pag-eensayo ay nagsisimula ng 4:30 p.m. na madalas inaabot ng 9:00 p.m. 

Ipinaliwanag ni Pascua na naglalaan sila ng oras para sa warm-up ng mga miyembro at aktor. Ito'y sinusundan naman ng pag-aayos ng ibang komite ng disenyo ng entablado pati ang lights at sound

Ibinahagi pa ni Pascua na sila ay naglalaan ng tig-kalahating oras ng pag-eensayo kada dula.

Sa pamumuno ng stage manager at production manager ay kanilang sinisigurado na lahat ay naaayon sa kanilang pangangailangan mula sa production design, technical department, marketing, public relations, at house management

Ani Pascua na karaniwang nagtatapos ang kanilang araw sa pagbibigay ng mga komento tungkol sa mga dapat pang ayusin at baguhin sa dula pati na rin ang mga paalala para sa paparating pang mga araw ng pag-eensayo.

Love-Oratory: Ang Hiwaga ng Pag-ibig

Binanggit ng artistic head na ang dula ay espasyo kung saan masasaksihan ang mga kwentong pag-ibig na hindi madalas naibabahagi sa iba. 

“Kung love ‘yung pag-uusapan, mas makaka-relate ‘yung maraming tao kasi hindi naman siya one form… Lahat ‘yan may kanya-kanyang storya and lahat ‘yan naghihintay lang din para marinig ng ibang tao,” ani Pascua.

Kwento pa ni Cunanan, ang Tamdula VI ay panahon para maramdaman at muling maalala ang mga emosyon at mga naging karanasan na may kinalaman sa pag-ibig.

“Masarap lang makinig at makiramdam, at balikan natin lahat ng kwento natin even from the bad experiences we have. Mayroon pa ring love within that may makikita pa rin tayo na hope to find love, to hope for love, also to give love," saad ni Cunanan.

Naging daan din ang pagbabahagi ng mga personal na kwentong pag-ibig ng bawat miyembro sa isa’t isa na nakatulong sa paghugot ng emosyon bilang parte ng preparasyon para masalamin ng mga aktor ang kanilang karakter na ginagampanan. 

Para sa mga Taong Umiibig

Inengganyo ni Cunanan at Pascua ang lahat na saksihan ang kanilang palabas. Para sa kanila, ito ay muling gigising sa diwa ng pag-ibig at magpapaalala sa mga nakaraan.

“Hayaan namin ipakita sa inyo kung ano 'yung iba’t ibang klase ng love. Hayaan naming iparamdam sa inyo kung ano ulit 'yung first love, 'yung first heartbreak, balikan natin yung memories natin tungkol sa love. Ayun, let’s spread love,” giit ni Pascua. 

If you want a space to be seen, and to be heard, and to witness iba’t ibang shapes and forms of love, come watch our play kasi baka may makita ka rito na ‘di mo usually nakikita in normal life," dagdag ni Pascua.  

Sa loob ng siyam na dekada ng pagtatanghal, inihahandog ng FTG ang panibagong mukha ng teatro at mga dulang ukol sa pag-ibig–ang pinakapayak ngunit masalimuot na emosyon na nagdudulot ng iba't ibang damdamin na inyong mararanasan sa Tamdula VI: Love-Oratory. 

- Cassandra Luis De Leon at Precious Nikole Tungpalan