‘Special Forum on DOLE Updates’ isinagawa
- August 06, 2016 18:11
FEU Advocate
August 18, 2024 18:04
“Sante! Vive la Paris! Vive la France!”
Ito ang mga sigaw na narinig nina Pepe at Tonio habang naglalakad sa mga sulok-sulok ng kalye ng Pransiya. May naglalarong irap sa kanilang mga mata na tila panandalian nilang binalikan ang mga lansangan ng Laguna’t Binondo, ang kanilang mga tahanan sa isla bago sila pinadala ng kani-kanilang pamilya upang magtapos bilang mga doktor.
Si Pepe ay ipinadala ng magulang niya mula sa Calamba patungong Paris upang mag-aral ng optalmolohiya. Si Tonio naman ay laking-Binondo, ngunit nakipagsapalaran sa Europa para maging ganap na parmasyutiko habang ang kuya niyang si Uno ay nagsasanay para maging sikat na mangguguhit. Nagkakilala ang dalawa dahil parte sila ng maliit na bilang ng mga Indio sa siyudad; naging magkaibigan matapos muntik na magpatayan sa duwelo para sa isang binibining Pranses.
Habang naglalakad ang dalawa papuntang dyimnasium, bitbit nila ang pagbabakasakaling maging bahagi ng samahan ng mga eskrimador ng Paris. Matagal nang mahusay ang dalawang estudyante ng medisina sa sayaw ng tao at espada. Matagal nang nakaduduwelo ni Pepe ang kaniyang nakatatandang kapatid noong nasa Laguna pa lamang siya. Si Tonio naman ay kilala sa walang takot niyang pangungunang sumulong sa duwelo, walang pag-aalintana kung sino ang kaharap, pinangalanan siyang “loko eskrimador” ng Maynila.
Ang dyimnasium na sinalihan ng dalawa ay ang nag-iisang fencing gym na tumanggap sa mga Indio. Upang makasali, halos inikot na nila ang buong sulok ng Paris para sa asosasyon ng eskrimador na tatanggap sa kanila; at noong nakahanap sila, kinailangan pang makiusap ng kuya ni Tonio na magbabayad nang doble ang dalawa sa upa at magbibigay ng donasyon pamamagitan ng pagpipintura ng silid kung saan nagsasanay ang kanilang mga atleta. Habang nagsasanay, kailangan din nilang magsuot ng kulay na iba sa mga estudyanteng Europeo, upang makilala ang dalawa bilang mga banyagang Indio.
Pagkarating ng dalawa sa ‘Club d'escrime de Paris,’ ramdam nila ang maiinit na mata at gusot na kilay ng mga lokal na estudyante. May mga utusan na palaging nakabuntot at naglilimita kung aling mga lugar sa pasilidad ang maaari lamang nilang puntahan; kung anong mga bagay lamang ang pwede nilang gawin.
Ngunit sa kabila ng hirap nilang mag-ensayo at pawis, bawal sila makihati sa aparador o gamit ng mga Pranses; bawal nilang gamitin ang mga bagong sabre, épée, foil o kahit anong armas na binili ng asosasyon para sa mga Pranses; at mas lalong bawal silang gumamit ng banyo para sa mga atleta kahit doble ang bayad nila sa samahan. Pero dahil sa kagustuhan nina Pepe at Tonio na sumabak sa kompetisyon, tinanggap na lang ng dalawa ang kanilang kundisyon.
Naging normal na kina Pepe at Tonio ang limitadong karapatan na mayroon sila. Sa mga daang papunta sa kanilang pamantasan at dormitoryo, may mga karatulang tinatabunan ang buong gusali na may mensaheng “Strictement aucun Indio autorisé” na kung isasalin sa ating salita ay “Mahigpit na pinagbabawalan ang mga Indio” na kinakabit sa harap ng bawat tindahan at kahit ano pang negosyo. Subalit kahit may diskriminasyon man sa kanilang lahi, pagdating sa tapatan ng sandata, hindi sukatan ng husay ang pinanggalingan ng isang eskrimador, kundi ang kanilang paggamit ng bitbit na armas.
Hindi nagkulang ang husay na ipinamalas nina Tonio at Pepe. Kahit sinong Pranses, Italyano, at Kastila ay namangha. ‘Di masabayan ng mga mas malalaking Europeo ang indayog ng espada ni Tonio; bawat pagdikit ng mga sandata nila ay kumikislap ang buong silid. Hindi maintindihan ng mga taga-Europa kung paano mag-isip si Pepe sa duwelo; kakaiba ang kanyang galaw—parang tubig kung dumaloy ang kanyang armas sa mabilisang buwelo ng kanyang mga kamay at espada.
Sinong mag-aakala na mga Indiong nag-aaral ng medisina ang magpapakumbaba sa mga taga-Europa at magtuturo na tingalain ang mga Asyanong tulad nina Pepe at Tonio?
At noong dumating ang panahon upang ipakilala nila ang bansa na kanilang pinanggalingan, iniwan nilang nagtataka ang mga lokal nang tumayo sila para tanggapin ang kanilang tropeo.
Nagkatinginan ang dalawa at sabay na sumigaw.
“Para sa mga isla ng Filipinas!”
- Rowell E. Jallorina Jr.
(Dibuho ni Alexandra Lim/FEU Advocate)