Pagsaklot ng kaalaman sa kasagsagan ng kakapusan
- May 13, 2024 10:29
FEU Advocate
August 09, 2023 00:53
Ni Randy Espares Jr.
Hinikayat ang mga bagong student-lider ng mga akademiko at pangmalawakang organisasyon ng Far Eastern University (FEU) na magkaroon ng pamumunong may propesyonalismo sa Induction and Oath Taking Ceremony 2023 na ginanap sa FEU Main Auditorium, noong Agosto 4.
Itinampok ang ‘Professionalism is our Brand: Moving Forward to Efficient Leadership’ bilang tema para sa seremonya ngayong taon.
Ayon sa Bise Presidente ng FEU Central Student Organization (FEUCSO) na si Mar John Mejia, hindi bababa sa mahigit 200 na student-lider ang nanumpa sa inagurasyon na inorganisa ng FEU Student Development (SDev).
Kabilang na dumalo sa seremonya ay hindi lamang mga student-lider mula sa FEU Manila, kundi pati na rin ang mga kinatawan ng mga organisasyon sa FEU Makati.
Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni Vice President for Academic Services Raquel Baquiran ang dahilan kung bakit pinili nila ang temang propesyonalismo para sa bagong akademikong taon.
“This is mostly to highlight the culture and leadership lifestyle we want to instill in all FEU student leaders (Ito ay para bigyang-diin ang kultura at pamumuno na gusto naming itanim sa lahat ng student-lider ng FEU),” aniya.
Ipinaliwanag din ni Baquiran ang mga inaasahang kaugalian na kailangang taglayin at paunlarin ng mga namumunong mag-aaral, tulad ng pananagutan sa trabaho, produktibong pakikipag-ugnayan, tamang pamamahala sa oras, at pag-intindi sa berbal at hindi berbal na komunikasyon.
"This is expected of all leaders, not just those in student leadership (Ito ay inaasahan sa lahat ng mga pinuno, hindi lamang sa mga student-lider)," ani Baquiran.
Higit pa rito, imbitado ang FEU alumnus at pangulo ng SM Supermarket na si Ronaldo Tagbo, bilang pangunahing tagapagsalita sa seremonya.
Ibinahagi ni Tagbo sa mga student-lider ang kanyang mensahe na sumentro sa mga katangian na dapat taglayin ng isang pinuno.
“Professionalism also requires self-awareness and self-regulation… I have to maintain my well-being and good conduct because of the numbers–number of employees relying on me (Ang propesyonalismo ay nangangailangan din ng kamalayan at regulasyon sa sarili...kailangan kong panatilihin ang aking kagalingan at mabuting pag-uugali dahil sa bilang ng mga empleyado na umaasa sa akin)," pagbabahagi ni Tagbo.
Binigyang importansya naman ni outgoing FEUCSO President Roberto Reynoso II kung sino dapat ang pagsilbihan ng mga organisasyon sa turnover ceremony.
“Sa nakaraang administrasyon, pinalaya natin ang lakas ng bawat isa, para sa paghubog ng bukas, ang FEU community dapat ang sentro,” saad nito.
Pagkatapos ng kanyang talumpati, ipinasa ni Reynoso ang Key of Responsibility sa bagong Presidente ng FEUCSO na si Joshua Maigue.
Isinasagawa ang Induction and Oath Taking Ceremony taon-taon upang kumilala sa student-lider ng mga akademiko at pangmalawakang organisasyon sa FEU.
(Litrato ni Justine Jaerigg/FEU Advocate)