UAAP adds women's basketball in streaming slate for season 86
- September 29, 2023 18:17
FEU Advocate
August 01, 2016 18:30
Walang takot sa pagharap sa bawat hamon ng buhay. Katapangang nagsisilbing inspirasyon upang suungin at harapin ang bawat suliraning darating.
Katapangan, kagitingan, at lahat ay handang harapin maipaglaban lamang ang bayang sinilangan, ‘yan si Antonio Luna de San Pedro y Novicio-Ancheta o higit na kilala bilang Antonio Luna. Walang kinatatakutan, handang lumaban kahit buhay pa niya ang maging kapalit. Ngunit ano nga ba ang handang ibigay ng isang bayani para sa mga taong umaasa sa kaniya?
Walang Makakahadlang
Walang sakit ang makakapigil kay Catalina Polancos, 42 taong gulang, maibigay lang ang pangangailan ng kanyang mga mahal sa buhay. Hindi alintana ang sakit na Colon kanser patuloy pa rin siya sa pagkayod maiahon lamang ang pamilya mula sa kahirapan.
Lumalaban sa sakit na dinaramdam, maipagpatuloy lang ang nasimulang buhay sa ibang bayan. Malayo man sa kalinga’t pagmamahal ng mga mahal sa buhay ay hindi ito naging balakid upang harapin niya ang hamong pilit na nagpapahina sa nag-aalab nitong hangarin para sa kanyang pamilya.
“…kung iisipin mo ‘yung sakit mo malulugmok ka [lang lalo] pero sa case ‘ko [iniisip ko lang na] isang tagumpay [ang sakit kong ito] kasi hinarap ko ‘yung sakit ko at hindi ko inisip na may sakit ako,” saad ni Polancos.
Ngunit sa isang digmaan mahirap maging matapang lalo na kung alam mong imposible kang manalo. Darating sa puntong manghihina ka, susuko, marahil maaari ring dumating sa punto na ayaw mo na ngunit maiisip mo sa bandang huli ang mga rason sa iyong paglaban.
“…minsan naisipan ko sumuko pero dahil sa mga anak at apo ko, sila ang naging dahilan para hindi tuluyan sumuko,” aniya.
Sa bawat araw na dumaan, ang kanser na bumalot sa katauhan ni Polancos ay patuloy niyang nilalabanan. Sa bawat operasyon na kaniyang nalagpasan ay mas lalong nanaig ang kan’yang pag-asang hindi magpapatalo.
Marami mang proseso at pagtitiis, ang diwa ni Antonio Luna ay nanalaytay sa pamamagitan ng dalang katapangan at paninindigan ng mga tao sa ating paligid. Makipot man ang daan, madilim man sa paningin at ‘di man matanaw agad ang dulo, sa patuloy mong pagtahak sa tamang daan, rurok ng tagumpay ay makakamit.
Pag-asa ng Taong Nagmamahal
Tulad ni, Cecillia Trajano, 43 taong gulang, isang ina na may tatlong anak ay matapang na hinarap at nilabanan ang dagok ng pagsubok na dala ng sakit na breast kanser. Sa tulong ng kaniyang pamilya na nagsilbing lakas at motibasyon ay napagtagumpayan niya ang pagsubok na ito.
Ang kanyang anak na si Shaira Santos ay saksi sa tapang at danas ng kanyang ina hanggang sa paggaling nito, umpisa pa lang siya na ang tumayong taga-pangalaga hanggang sa makamit ang kagalingan. Sa loob ng ilang taong paghihirap ng kanyang ina ay hindi siya napagod sa pagkapit sa pananalig sa Diyos at sa pag-aaruga sa inang nangangailangan ng lakas.
“Noong una akala namin wala ng pag-asa kasi kapag sinabi kasing kanser, maiisip mo [na] may chance maging critical na talaga, ‘di ba? Noong time kasing ‘yun iniisip daw ni mama kaming mga anak niya kaya kailangan niya mabuhay,” ani ni Santos.
Dumaan sa apat na chemotheraphy si Trajano, kung saan sinubok ang kanyang pagkatao. Halintulad sa katapangan ni Antonio Luna, sugatan man sa digmaang magdidikta sa kalayaan ng bansa, hindi ito nagpaawat sa pakikibaka hanggang sa kanyang huling hininga. Tulad ni Trajano na hindi bumitaw at nagpamalas ng lakas ng loob at tapang hanggang sa huli.
“Dumating ako sa point na gusto ko ng uminom ng lason at magpakamatay sa sakit ng chemotheraphy, naghahalupasay na ako noon sa sahig, ‘di ko na kaya. Pero di ako pinabayaan ng pamilya ko,” ang pagdadalamhating pagsasalaysay ni Trajano.
Hindi man inaasahan na darating sa ganitong punto, hindi sumuko si Trajano sa kabila ng lumbay na dulot ng sakit na dinadala. Bagkus ay lalong tumibay ang pananalig sa Maykapal at sa himala na dala nito. Sa tulong ng mapag-arugang pamilya, bigat sa dibdib ng ina ay naiwaksi.
“…kahit kailan hindi namin naisip na sukuan si mama, sakit lang ‘yun, pamilya kami kasama ang Diyos. Ngayon masasabi naming nanalo kami sa laban, fighting lang,” ang lakas loob na pahayag ni Santos.
Ina na buong pusong lumaban alang-alang sa kaniyang mga anak. At anak na nagsilbing tibay at motibasyon ng isang inang nanghihina. Pag-aaruga na ibinalik sa inang ngayo’y nangangailangan nang kalinga. Matinding kapit at pananampalataya sa Diyos ang nagsilbing gamot sa sakit na inakalang wala ng lunas.
Sa panahong tayo ay nalulugmok sa buhay, tanging pag-asa at sarili lamang ang madalas nating maaaring kapitan. May sugat man na nagpapaalala sa mapait na karanasan ngunit ang pagtagumpay sa hirap ang dapat manaig sa kaisipan. Adhikain na kahanga-hanga at inspirasyon sa bawat isa ang bitbit ng kwentong nagpapaalala sa isang mapait na nakaraan. Nawala man ng panandalian ang tamis sa buhay, ang kaakibat na pait at tabang ang naging panimula sa pagtayo sa nadapang sarili. Pagmamahal pa rin ang siyang tunay na susi sa tapang at tibay ng loob.
- Johaira Lou B.Ambor at Ilona Joy M. Puente