Kasarian mo, suot ko

FEU Advocate
July 19, 2024 18:58


Sa nagbabagong pananamit ng panahon, nagpapatong-patong ang pagpapakita ng pagsuporta ng mga kumpanya’t kapitalista para sa mga taong nabibilang sa kasariang hindi nakaugalian. Saksi ang lahat na sa tuwing pagpatak ng Hulyo, hubad na ang kanilang bandilang bahaghari na nagpapahiwatig ng alyansa laban sa diskriminasyon.

Ngunit sa pagsuot ng mga pigura ng kapitalismo sa mga telang ito, kritikal na usisain ang katotohanan sa likod ng kanilang ‘pagbabalat-kayo.’

Sila ba’y dalisay na nakikibaka sa panig ng masa? O nililinlang lamang ang lipunan sa ngalan ng sariling pakinabang? Isang reyalidad na isinabuhay nina Becky at Badette.

Katuwang/Kaibigan sa alinmang hamon

Patungkol ang pelikulang komedyang ‘Becky & Badette’ sa direksyon ni Jun Lana ukol sa dalawang matalik na magkaibigan na ginampanan nina Eugene Domingo at Pokwang. Noong hayskul, kilala sa buong paaralan si Becky sa pag-awit habang si Badette naman ay kilala sa pag-arte.

Magkatuwang silang nagtatrabaho bilang dyanitor at tuwing oras ng pahinga, nagbebenta sila ng kanilang espesyal na pritong manok sa kanilang mga kasamahan bilang pandagdag-puhunan.

Isang araw, nabigyan sila ng paanyaya para sa muling pagtitipon-tipon ng kanilang batch. Kahit nag-aalangan, dumalo pa rin ang dalawa ngunit nasakal sila sa inggit habang nakikipaghalubilo sa mga kaklase nilang mayayaman at maunlad na ang buhay ngayon. 

Wala silang nagawa kun’di magpakalunod sa alak na nagdulot ng paggawa nila ng iskandalo sa salu-salo. Umakyat sila ng entablado at inihayag ni Becky na sila’y magkasintahan na sinundan ng halik—kahit hindi naman talaga.

Pumutok sa social media ang mga bidyong nakakuha ng pangyayari, inulan sila ng suporta mula sa masa at nakatanggap sila ng iba’t ibang alok sa industriya ng midya. 

Kahit alam nilang wala itong katotohanan, sinamantala nila ito sa ngalan ng pagbawi sa napundi nilang liwanag. Hindi kalauna’y sila’y yumaman at sumikat bilang mukha ng mga lesbiyana.

Ngunit hindi rin nagtagal ay binalot sila ng konsensya at inamin sa publiko ang katotohanan. Bumalik sila sa dating pamumuhay at naisipang magbenta muli ng kanilang pritong manok.

Nakaw na katotohanan para sa yaman

Kinakatawan nina Becky at Badette ang mga kapitalistang handang suutin ang kahit anong damit—maging ang pagmamay-ari ng iba—sa ngalan ng sariling interes.

Buong loob nilang nanakawin ang mga tunay na karanasan ng mga biktima ng lipunan upang mas lalong palaguin ang kanilang mga negosyo. 

Gaya ng dalawang bida, ginawang instrumento ng mga gahaman na kumpanya ang mga kuwento ng mga miyembro ng LGBTQIA+ upang mas marami silang maakit na mamimili.

Alam nila na makahahakot sila ng suporta mula sa komunidad kung magkukunwari silang kaanib nito—sa pamamagitan ng pagpapaskil ng mga panawagang walang laman, paglalabas ng produktong nakabalot ng bahaghari, at iba pang huwad na patibong sa mamimili. Patuloy silang lumalaki at lumalawak sa kasalukuyang panahon–isang kasakimang biktima ang mapagbigay na komunidad dahil danas nila ang mapagkaitan.

Isa lamang itong pagkukunwari; sa loob mismo ng kanilang mga gusali, hindi pinapahalagahan ang kalagayan at karapatan ng mga miyembro ng komunidad. Laganap at buhay na buhay pa rin ang mapanupil na sistema laban sa mga ito. 

Bukas na oportunidad ang turing ng mga gahamang kapitalista sa kakapusan ng mukha ng komunidad ng LGBTQIA+ sa mundo ng midya.

Wala silang balak baguhin ang mundong kanila nang napakikinabangan. Kung anuman ang makatutulong sa paglago ng kanilang kita, handa silang harapin ang kahit anong pagsubok.

Tuwing sumasapit ang buwan ng Hunyo, panandalian lamang nilang babalutin ang kanilang katawan ng bandilang bahaghari na parang bestidang sinusuot at hinuhubad pagtapos mapakinabangan. Sapagkat para sa kanila, puhunan ang nakaw na  katotohanan.

Kailanman, hinding-hindi matatanggal ang mantsa ng kasinungalingan sa kahit anong uri ng suporta mula sa mga sakim na kapitalista. Patuloy lamang nilang pipiliting suutin ang makulay na damit kahit kailanma’y ‘di ito umayon sa kanilang panlasa. Sa huli, wala silang prinsipyong pinanghahawakan, kun’di ang kanilang desperasyong kumita at yumaman. 

- Jhon Gabriel Pimentel
(Dibuho ni Erica Camille Africa/FEU Advocate)