“Home of the UAAP” stadium, bubuksan sa 2027

FEU Advocate
August 20, 2024 20:48


Ni Vince Matthew Jaramilla

Magkakaroon ng sariling arena ang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) pagdating ng 2027 na babansagang “Home of the UAAP” bunga ng isang partnership sa Akari Lighting & Technology Corp. na minarkahan ng isang memorandum of agreement signing ngayong araw, ika-20 ng Agosto, sa Atencio-Libunao Hall ng University of the Philippines (UP) - Diliman sa Lungsod Quezon.

Sa kanyang talumpati sa pirmahan, binigyang-diin ni UAAP Executive Director Atty. Rene Saguisag Jr. ang magiging malaking bahagi ng naturang tahanan sa kasaysayan ng pampalakasan sa bansa.


It is with great pride and honor that I affirm this privilege in welcoming each and every one of you to witness a partnership that will go down in the annals of Philippines sports history (Ipinagmamalaki kong ibahagi sa inyo ang isang ugnayang tatatak sa kasaysayan ng pampalakasan sa Pilipinas)... isang tahanan na ating pupunuin ng pagmamahal, magandang samahan, kasiyahan, at masasayang alaala,” aniya.


Pamumunuan ng architecture firm na ASYA Design ang pagtatayo ng gusaling aabot ng 1.8 hektarya sa Lungsod ng Pasig at magkakaroon ng kapasidad para sa 6,000 tao.

Ihuhulma ang disenyo nito sa hugis “8” o simbolong infinity, bilang pagkatawan sa walong unibersidad na bumubuo sa UAAP.

Bukod dito, magiging sagisag din ng mga pamantasan ang mga ilaw sa labas ng gusali na magkakaroon ng walong kulay. Magbabago lamang ito sa mga araw ng laro kung saan iaayon ang kulay ng liwanag sa mananaig na koponan.

Maliban sa swimming, maaaring maging venue ang stadium para sa lahat ng indoor event ng asosasyon, mapahayskul o kolehiyo. Sa kabila nito, sa mga mas malaking gusali pa rin gaya ng Mall of Asia Arena sa Lungsod ng Pasay gaganapin ang mga larong magkakaroon ng mas maraming manonood.


Sa pag-anunsyo ng proyekto, saad ni UAAP Season 87 Chairman at UP President Atty. Angelo Jimenez ang pagiging tanda ng gusali sa pagkakaisa at husay na sinisimbolo ng UAAP.

After years of dreaming and planning, the UAAP finally has a place to call home. This facility will not only host competitions but will also stand as a testament to the spirit of unity and excellence that the UAAP represents (Matapos ang mga taon ng pangangarap at pagpaplano, may matatawag na ring tahanan sa wakas ang UAAP. Hindi lamang magiging lugar para sa laro ang pasilidad na ito ngunit magiging isang tanda ng pagkakaisa at husay na sinisimbolo ng UAAP),” aniya.

Binanggit naman ni Atty. Saguisag ang kahalagahan ng tahanang ito para sa pagpapabuti ng mga atleta.

The Home of the UAAP is not just for the league itself; it is for the student-athletes who represent the heart and soul of the UAAP. This is their home—a place where they can compete, grow, and thrive (Hindi lang para sa liga ang Home of the UAAP; para ito sa mga atletang mag-aaral na kinakatawan ang puso at diwa ng UAAP. Ito ang kanilang tahanan—isang lugar kung saan sila lalaban, matututo, at uunlad),” dagdag ng UAAP Executive Director.

Ayon sa mga kinatawan ng UAAP at Akari, nagsimula ang kanilang pag-uusap tungkol sa proyekto noong Marso 2023.

Sa kasalukuyan, hindi pa kumpirmado ang magiging permanenteng pangalan ng arena.

Magpapatuloy sa mga susunod na buwan ang pagpaplano para sa gusali, at aasahang una itong magagamit sa UAAP Season 90 na pangungunahan ng National University.

- Ulat mula kay Zedrich Xylak Madrid

(Kuha ni Zedrich Xylak Madrid/FEU Advocate)