FEU concludes tournament sweep vs AdMU in season 85
- April 19, 2023 11:23
FEU Advocate
January 24, 2022 04:08
Ni Arvene John P. Dela Cruz
Guguhit na sana ang ngiti ng pag-asa sa pisngi ng bawat kolehiyolo at kolehiyala nang sila’y magimbal sa isang pagyanig na mistulang wumasak sa kanilang tulay tungo sa hinaharap.
Bunsod ng pandemya, nadiskaril ang dating matiwasay na daloy ng kanilang pagkatuto—dahilan upang ang kanilang tapang at kumpiyansa ay mapalitan ng takot at pangamba para sa darating na buhay-propesyunal.
Matagumpay kayang makatawid ang mga mag-aaral patungo sa kanilang destinasyon kung ang integridad ng kanilang tinutulayan ay nakompromiso dahil sa COVID-19?
Pagyanig sa tulay ng kinabukasan
Ayon sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), itinatayang 1.6 bilyong mag-aaral ang naapektuhan ng hindi inaasahang pagkalat ng COVID-19 noong 2020. Sa bilang na ito, humigit-kumulang 220 milyon ang nasa kolehiyo.
Sa hiwalay na sarbey na isinagawa ng organisasyon, napag-alamang maliban sa mga karaniwang hamon na dulot ng pandemya sa ordinaryong mag-aaral, nahaharap sa isa pang malaking pagsubok ang mga nasa tersyarya—ang pagkakalagay sa alanganin ng kanilang propesyunal na karera.
Ayon sa UNESCO, mahihirapan ang mga mag-aaral na magtransisyon mula kolehiyo patungo sa propesyong kanilang napili dahil sa dalawang rason. Una ay ang pagsadsad sa bilang ng mga oportunidad, at pangalawa ay ang pagpabor ng mga employer sa mga aplikanteng bihasa sa paggamit ng teknolohiya.
Halos ganito rin ang ipinahihiwatig ng mga datos na nakalap ng 2020 Global Research Study and Trends kung saan napag-alamang 70 porsyento ng mga mag-aaral ang naniniwalang direktang naapektuhan ng pandemya ang kanilang kahandaan sa pagtatrabaho.
Kung susuriin ay hindi nakabibiglang ganito ang pananaw ng mga estudyante gayong 70 posyento rin sa kanila ang nagsabing mas nahihirapan silang makasunod sa mga aralin ngayon kaysa noon, habang 85 porsyento naman ang naniniwalang nakaaapekto ang pandemya maging sa kanilang tagumpay bilang mga mag-aaral.
Emosyonal at moral na implikasyon ng pagyanig
Kasabay ng paghina ng tulay patungong propesyunalismo ay ang pagkabalisa ng milyun-milyong kolehiyolo at kolehiyala sa kanilang hinaharap. Ngayong marupok na ang kanilang tinatapakan, hindi maiiwasang sila ay magduda kung kanila pa bang maaabot ang kani-kaniyang destinasyon.
Ang takot at pagkabalisa ng mga mag-aaral ay nagreresulta naman sa mababang kumpiyansa sa sarili. Sa sarbey na isinagawa ni Kristyn Pilgrim (2021) at ng iba pang miyembro ng CollegeFinance.com, lumalabas na tatlo sa bawat sampung estudyante na lamang ang naniniwalang sila ay makukuha sa inaasam na trabaho.
77 porsyento naman ang naniniwalang hindi nila matatanggap ang inaasam na kompensasyon o sweldo kapag sila ay nakapagtapos na ng pag-aaral.
Dahil walang katiyakan ang oportunidad para sa mga magtatapos ngayong panahon ng pandemya, 13 porsyento ang nagdesisyong tumigil muna sa pag-aaral.
Ang mga naiulat na datos ay resulta ng iba’t ibang salik sa buhay-mag-aaral tulad ng kalidad ng edukasyon, pinansyal na kapasidad at mental na kalusugan.
Pag-unawa sa karanasan ng mga apektado
Isa ang third year nursing student na si Jairo Zen Agustin ng Bulacan State University (BulSU) sa mga lubos na nababahala para sa kanilang hinaharap.
Ayon kay Agustin, bagamat matagumpay ang naging transisyon ng kanilang kolehiyo mula sa tradisyunal na klase patungong online setup ay nananatiling hamon ang pagsasanay ng praktikal na kakayahan para sa kanilang mga student nurse.
“Masasabi ko namang naka-cope na sa online platform ang aming kolehiyo [pero] para sa akin ay hindi talaga epektibo ang online class sa kursong tinatahak namin sa kasalukuyan kasi hindi namin lubos na na-a-appreciate ‘yung nangyayari sa ospital o sa isang clinical setup,” pagkukwento ng nursing student.
Ipinaliwanag ni Agustin na isa sa kanyang mga ikinatatakot ay ang tumanggap ng diploma nang hindi lubos na nakapaghahanda para sa kaniyang magiging trabaho sa hinaharap. Nababalisa umano siya sa posibilidad na hindi sila maging kasinghasa ng mga mag-aaral na nagtapos sa tradisyunal na setup.
Daing pa ng third year student, hindi maiiwasang magkaroon ng stigma laban sa kanila—bagay na kaniya rin naman daw maiintindihan gayong sila ay nakatakdang maging parte ng medical frontliners.
Halos ganito rin ang saloobin ni Joseph Emmanuel S. Bonilla, second year accountancy student mula sa University of Santo Tomas (UST), na minabuting tumigil muna sa pag-aaral noong kasisimula pa lamang ng pandemya.
“‘Nung nagstart yung pandemic kasi ongoing pa yung second sem namin tapos nag-online class kami for a few months no’n tapos after ng sem na ‘yon doon ako nagstop mag-aral…feel ko kasi that time parang wala akong natututunan,” ani Bonilla.
Paglalahad ni Bonilla, nakaaapekto ang paggamit ng kompyuter sa kanyang kakayahan upang makapagpokus sa mga aralin. Higit din umanong nakapapagod ang online setup sapagkat lalong nadadagdagan ang bilang ng kanilang mga gawain.
“Kasi knowing me, personally, tingin ko kasi ‘pag nasa computer ako mas mabilis akong madistract compared sa face-to-face classes… mas nakaka-drain [din] because mas tambak sa school work,” daing niya.
Bagamat nakararamdam pa rin ng pagkabalisa para sa hinaharap, malaking tulong naman daw para kay Bonilla ang pagiging maunawain ng kanilang mga propesor ngayong nagdesisyon siyang bumalik sa pag-aaral. Nakatutulong din umano sa kanya ang mga recorded video upang balik-balikan ang mga araling nais niyang maunawaan.
Pagsusuri sa huminang pundasyon ng edukasyon
Kung tutuusin ay mapalad pa ang kolehiyong kinabibilangan nina Agustin at Bonilla sapagkat nagawa ng mga itong matagumpay na makalipat sa online setup.
Ang katotohanan ay hindi lahat ng institusyon ay may kakayahan upang agarang iwanan ang tradisyunal na setup—higit na ang mga pribadong institusyong hindi sakop ng Bayanihan Act 2 na naglalayong gawing digital-ready ang mga state university.
Ayon kay Roger Y. Chao Jr. ng University World News, 1,729 ng 2,396 na kabuuang bilang ng institusyong tersyarya sa bansa ang pribado. Nasa kamay ng mga institusyong ito ang obligasyon upang mangalap ng pondo para sa pagmomodernisa ng kanilang mga kagamitan at imprastraktura nang sa gayon ay makasabay sila sa panahon ng pandemya. Hiwalay pa rito ang indibidwal na hamon para sa mga mag-aaral na walang pinansyal at teknolohikal na kakayahan upang maipagpatuloy ang kanilang edukasyon.
Hamon din para sa mga paaralan ang kapasidad ng kani-kanilang mga guro upang makapagbigay ng kalidad na programa sa new normal. Paliwanag niya, ang biglaang paglipat sa digital platform ng tersyaryang edukasyon ay maaaring magkaroon ng negatibong implikasyon sa mga mag-aaral gayong karamihan sa mga programang inihahandog ng maraming institusyon ay hindi idinisenyo para sa ganitong moda.
Tangan ang mga nabanggit na hamon, binigyang-diin ni Chao na oras, suporta ng gobyerno, mas pinaigting na adbokasiya at mga bagong polisiya ang siyang magiging susi upang masigurong mananatiling dekalidad at abot-kaya ang tersyaryang edukasyon sa bansa.
Matapos ang mahigit isang dekadang pagpapagal ay narating din ang hangganan ng paglalakbay. Isang tulay na lamang ang tatawirin at sa wakas ay mapapasakamay na ang pinakaaasam na diploma. Sa kabila ng mga hindi inaasahang hamon at pangamba sa hinaharap, nawa ay masilayan pa rin sa pisngi ng mga kolehiyolo at kolehiyala ang ngiti ng tagumpay.
(Dibuho ni Jazmine Merry D. Veluya/FEU Advocate)
Mga Sanggunian:
Aucejo, E. M., French, J., Ugalde Araya, M. P., & Zafar, B. (2020). The impact of COVID-19 on student experiences and expectations: Evidence from a survey. Journal of Public Economics, 191, 104271. https://doi.org/10.1016/j.jpubeco.2020.104271.
Chao, R.Y. (2021, Agosto 22). Edtech lessons and innovation after COVID. University World News. https://www.universityworldnews.com/post.php?story=2021081811550718.
Global Research Study and Trends. (2020). State of student success and engagement in higher education. https://www.instructure.com/en-gb/canvas/resources/i/1288988-state-of-student-success-engagement/0?.
Jenei, K., Cassidy-Matthews, C., Virk, P., Lulie, B., & Closson, K. (2020). Challenges and opportunities for graduate students in public health during the COVID-19 pandemic. Canadian Journal of Public Health, 111(3), 408–409. https://doi.org/10.17269/s41997-020-00349-8.
Perna, M. C. (2021, Pebrero 9). An uncertain future ahead for college students—and they know it. Forbes. https://www.forbes.com/sites/markcperna/2021/02/09/an-uncertain-future-ahead-for-college-students-and-they-know-it/?sh=7eeb93ca1580.
Rotas, E. E. & Cahapay, M. B. (2020). Difficulties in remote learning: voices of Philippine university students in the wake of COVID-19 crisis. Asian journal of distance education. https://getliner.com/file/pdf/7MMNP63Y1WPGKDWFS6Z8CTNZEJ.
UNESCO. (2021, Hulyo 15.). New UNESCO global survey reveals impact of COVID-19 on higher education. https://en.unesco.org/news/new-unesco-global-survey-reveals-impact-covid-19-higher-education.