FEU, tumulong sa 16 public schools sa Rizal

FEU Advocate
August 18, 2022 04:45


Pinangunahan ng Far Eastern University Volunteerism Services Office (FEUVSO) sa pamumuno ni Dr. Marilou Cao ang paghahatid ng tulong sa 16 na pampublikong paaralan sa Rizal noong Hulyo 26 hanggang Agosto 11.

Katuwang ng FEUVSO ang FEU Alumni Relations Office (FEU-ARO), Nicanor Reyes Memorial Foundation (NRMF), FEU National Service Training Program (FEU NSTP), FEU Facilities & Technical Services, at FEU Roosevelt.

Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni NRMF Executive Director Patrick Manuel na nakapagbigay ang FEU ng 2,600 na upuan para sa mga pampublikong paaralan sa mga liblib na lugar ng Rizal. 

Nagmula ang mga upuan sa mga silid-aralan ng Unibersidad na inayos upang mas mapakinabangan pa ng mga mag-aaral sa nasabing probinsya.

Ipinaliwanag din ni Manuel ang proseso ng pagpili ng mga benepisyaryo ng proyektong ito.

“Ang VSO may natatanggap silang mga sulat na nag-rerequest ng school supplies, ng chairs, ‘yun ang number one. Number two is we consider far-flung schools na malayo talaga, and it has to make sense with FEU. We want to be strategic in a way na ang tutulungan ay malapit sa FEU,” ani Manuel.

Ilan sa mga paaralang hinandugan ng tulong ay ang Calawis National High School, Apia Integrated School, San Joseph Elementary School, at Inuman Elementary School.

Nakipagtulungan ang FEUVSO sa Philippine Air Force Civil-Military Operations Group (PAFCMOG) upang maglaan ng mga trak na nagsilbi bilang transportasyon upang maihatid ang mga donasyon. 

Namuno rin ang PAFCMOG sa disinfection at sanitation ng mga silid-aralan na gagamitin ng mga mag-aaral.

Samantala, ipinagkaloob naman ng Aboitiz Foundation Inc. ang mga karagdagang libro, habang nag-abot din ng hygiene kits ang United States Agency for International Development (USAID) para sa mga mag-aaral. 

Inihanda ng Unilever Philippines ang food products para mga gurong kabilang sa proyektong ito. 

Pinamahalaan din ng NSTP Program at FEU Student Development ang pagsasagawa ng repacking ng school supplies at pagtuturo sa online tutoring services

Tinatayang nasa 4,000 hanggang 5,000 na mag-aaral ang inaasahang makatatanggap ng mga nasabing donasyon sa paparating na pagbabalik-eskwela.

- Ma. Recellina P. Lafue

(Litrato mula kay Patrick Manuel/FEU Volunteerism Services Office)