FEU beach volley men’s tallies first win, women’s remain undefeated
- November 19, 2023 09:54
FEU Advocate
November 17, 2024 18:55
Bente Kwatro
Ni Mark Vincent A. Durano
Hindi alam nina Mama at Papa na tinataya ko ang aking buhay sa lansangan– nakikipagsiksikan sa kilos-protesta para lang makapagsulat tungkol sa suliranin ng masa. Buhat ito ng takot na pagbawalan ako, dahil alam nilang mabilis akong mapagod sa init at mapuspos sa dami ng madla. Gayunpaman, hindi pagtiis ang natutuhan ko rito, kung hindi ang pagtindig sa harap ng hanay ng mga sinusupil sa lipunan.
Maglilimang taon na akong campus journalist at magsusulat ng balita. Gaya siguro ng iba, napasali lang ako ng ‘presscon’ bilang panimula. Sa pagbubukas ng pintuang ito, hindi pa ako masyadong naliwanagan sa kahulugan ng pagbabalita. Marahil, nasilaw lang ako sa ningning ng mga medalya kapag nananalo—hindi naman ako nakatungtong sa entablado.
Hindi ko rin pinangarap na maging mamamahayag sa Pilipinas, sadyang gusto ko lang talagang magsulat, at dahil na rin napupuri ako sa aking mga pang-akademikong papel. Ginusto kong ituloy ang pagiging journalist kasi nasiyahan ako sa kakaibang estilo ng pagsulat, malayo sa mga sanaysay na sawang-sawa na akong ipasa bilang takdang-aralin.
Subalit, dumadating talaga ang mga panahong kailangan mong mamulat sa tunay na kalagayan ng iyong komunidad at maintindihan ang kahalagahan ng bawat salita at litratong mailalathala sa ilalim ng publikasyon. Higit pa ito sa makapagbalita, kung hindi ang hangaring makaantig ng buhay ng iba, mapaestudyante o kahit pa sarili.
Wala ring kuwenta ang mga artikulo kong sinulat kung mananatiling nakatatak sa aking isipan na ito ay para sa trabaho lamang. Nakapapagod mag-isip ng mga salitang magkakasingkahulugan o makipagpanayam kung para lang ito sa kapakanan ng byline. Dahil ang katotohanan, mayroon pa tayong kayang gawin bukod sa manatili sa barikada ng ating mga pamantasan.
Bilang mga estudyanteng mamamahayag, mayroon tayong kakayahan na makibahagi sa lokal na mga komunidad. Dito, naisisiwalat ang mga kuwentong hindi napag-uusapan—ang mga kuwentong pilit na hindi dinirinig. Kaya hindi lang ito basta trabaho kung hindi konsensya na ibunyag ang mahahalagang karanasan ng iba, na mamulat at magising sa katotohanan.
Ang tunay na kinakaharap ng masa ay malayo sa mabubulaklak na publicity o promotion na pagtanaw sa mga pahayagang pangkampus. Layunin nitong ilapit ang mga komunidad sa paaralan upang magsimula ng diskusyon at kuwestiyunin bakit ba hindi pantay-pantay ang karapatan na natatamasa ng bawat isa.
Napagtanto ko rin na hindi nakagiginhawa ang pagiging mamamahayag. Walang komportable kung iisiping mayroong mga naghihirap sa tahak ng buhay na hindi naman nila kasalanan. Hindi natin sila masisisi kung bakit kailangan nilang magprotesta, kung bakit pa kailangang idemanda ang mga dapat namang ibinibigay nang kusa. Butil-butil man ang pawis, manhid ang tuhod, at lunod sa dagsaang tao, paano pa kaya ang mga luhang pumapatak mula sa mga pilit na ginigipit ng estado at mga neoliberal na polisiya?
Kung hindi sila aalis, sinong mananatili kasama nila? Sa patuloy na paggulong ng mga bandera para sa reporma, hindi tinitiis ang pagod. Bagkus, pinapatunayan nito ang kalakhang epekto ng pagkakaisa sa tunay na kalayaan.
Iniisip ko kung malaman ito nila Mama at Papa, baka mag-alala sila na masyado nang malaki ang aking pasanin, ngunit sana maintindihan nila na mas nakaaalarma kung walang dudugtong sa problemang apektado rin naman sila.
Upang makapagsulat para sa masa, pinanghuhugutan ito ng malalim na pakikiramay sa deka-dekadang pang-aapi sa iba’t ibang sektor ng bansa. Sa bawat pagsunggab sa megaphone, bitbit nila ang katapangan upang singilin ang mga karapatan na dapat nilang matamasa. Obligasyon ng mga publikasyong maging tinig na hindi rin natitinag.
Sa dami na ng mga mobilisasyong aking natunghayan, iba’t ibang sektor na rin ang aking nakasalamuha. Magkaiba man ang kanilang mga ibinabanderang reporma, nananatiling umaapoy ang kanilang diwa para manawagan sa hustisya. Kaya sino ba naman ako para mapagod kung kaya nila magpatuloy?
Sa kakayahan ng estado na ipagpatuloy ang kultura ng pang-aabuso, hindi nawawala ang pag-asa na darating din ang araw na “tao naman.”
Hindi ko pa man kayang ipagtapat sa aking mga magulang itong paraan kong makibaka, subalit naniniwala akong maiintindihan din nila ito sa tamang panahon. Marahil para sa kanila, nilalagay ko lang ang aking sarili sa pagkabalisa, ngunit, handa pa rin akong suungin ang lansangan kung saan ako nabibilang. Sa kabila ng lahat, ang laban ng masa ay laban ko rin—kaya nararapat lang na ang labang ito ay para rin sa pinakamamahal kong pamilya.
Halos hindi na nauubos ang mga problemang kailangang lutasin na pinangungunahang mailathala nating mga mamamahayag. Tayo ang may hawak kung paano pupunan ang mga butas na ito at magpatuloy sa sinumpaang responsibilidad.
Kahit nasa harapan ako ng hanay para manguna sa tapat na pagbabalita, ang tunay na pamamamahayag ay nasa gitna at kasama ng pinagseserbisyohan—dama ang sentro ng pag-asa para sa mas mapagpalayang buhay at bitbit ang tapang na makiisa sa pagtindig kasama ang batayang masa.
(Dibuho ni Alexandra Lim; Kuha ni Mark Vincent A. Durano/FEU Advocate)