FEU collapses against NU after strong victory against UE
- May 02, 2024 11:49
FEU Advocate
August 13, 2024 19:20
Nabigo ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws Esports na makuha ang panalo kontra Adamson University (AdU) Falcons, 8-13, 3-13, sa kauna-unahang University Athletics Association of the Philippines (UAAP) Valorant tournament na sinimulan sa Season 87 kaninang hapon, ika-13 ng Agosto, sa Hyundai Hall ng Areté Ateneo sa Lungsod Quezon.
Sa panayam ng FEU Advocate, sinabi ni Coach Ian Ga na dapat bigyang-pansin ng grupo ang pagharap nila sa pressure.
“Siguro dapat [silang] matuto kung paano ma-handle ‘yung pressure kasi malaking factor (dahilan) kung bakit natalo ngayon is (ay) nape-pressure lahat, wala sila sa sarili nilang wisyo kasi ‘yung iba, kinakabahan,” aniya.
Nagsimula ang laban sa mapang Haven kung saan nasa depensa ang FEU gamit ang agents na sina Neon, Omen, Skye, Iso, at Killjoy. Sumabak naman ang AdU gamit ang agents na sina Sova, Omen, Killjoy, Breach, at Jett.
Mabilis na natambakan ang Morayta squad matapos ang sunod-sunod na clutch plays ng San Marcelino squad, 1-4.
Tumawag naman ng timeout ang Tamaraws upang makapagplano sila ng stratehiya.
Pagkatapos ng maikling pahinga, nagpakitang-gilas ang Omen ni Breinan Lim nang maipanalo niya ang two-versus-four na sitwasyon.
Ipinagpatuloy ng FEU ang magandang laro kung saan muntik na nilang mahigitan ang Falcons bago ito tumawag ng timeout, 4-6.
Kahit na patuloy ang pag-atake ng Falcons, nakamit pa rin ni Lim ang kauna-unahang ace sa kasaysayan ng paligsahan na nagbigay ng buhay sa buong team.
Nang magpatuloy ang laban sa second half, nabigo ang Tams na gamitin ang kanilang momentum na naging dahilan ng una nilang pagkatalo sa laban, 8-13.
Pinangunahan ng duelist na si Joaquin Padilla na may 18 kills ang unang laro ng FEU. Sinundan siya ni Lim na nagtala ng 16.
Para naman sa ikalawang laro, ginamit ng Tamaraws ang agents na sina Raze, Omen, Killjoy, Breach, at Fade. Pinili naman ng Falcons ang agents na sina Viper, Raze, Omen, Fade, at Killjoy.
Nagpakita ng karanasan ang San Marcelino squad sa pinili nilang mapa na Lotus kung saan agad nilang tinambakan ang Morayta-based squad sa first half ng laro, 2-10.
Nanatili ang momentum ng Falcons, na nagresulta sa tuluyang pagkatambak ng Tamaraws, 3-13.
Muling nangibabaw ang Tam duelist matapos magtala ng 14 kills. Nagbigay naman ng mahalagang suporta ang sixth man na si Eman Lauren Ortiz na umiskor ng 12.
Sa kanilang pagkatalo, binanggit din ni Coach Ga ang kahalagahan ng komunikasyon para sa paparating pang mga laro.
“Kailangan ng matindihang usap, meeting, what are the possibilities (ano pa yung mga posibilidad), ano dapat ‘yung ginawa sa ganitong situation (sitwasyon), paano ba namin haharapin siya in the future matches, more on mental game lahat (sa mga hinaharap na laban, kadalasan, isip ang labanan),” wika nito.
Pagkatapos ng kanilang pagkatalo, nananatiling may 0 puntos ang Tams sa buong paligsahan.
Ipapagpatuloy ng FEU Valorant team ang pagsubok na masungkit ang kanilang unang panalo kontra sa Ateneo de Manila University bukas sa parehong lugar.
- Marcus Isaac D.G Bandong
(Litrato mula sa UAAP)