FEU Tamaraws Esports, handa nang umarangkada sa UAAP

FEU Advocate
August 12, 2024 21:46


Ni Vince Matthew Jaramilla

Kasabay ng paglunsad ng esports tournament sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP), ipinahayag ng mga ipinakilalang kalahok ng Far Eastern University (FEU) ang kanilang lakas ng loob sa pagsabak na matamo ang kauna-unahang korona ng paligsahan.

Dominasyon ang pakay ng mga Tamaraw e-athlete ayon sa head manager ng mga esports team at dating Tamaraw na si Simon Libozada.

“Ang gusto ng team is basically, to dominate (Gusto ng koponan na maging dominado),” wika nito sa panayam ng FEU Advocate.

Unang ipinaalam ng One Sports ang FEU Valorant team sa publiko noong Martes, ikaanim ng Agosto. Kabilang sa lineup ng nasabing koponan ang team captain at initiator na si Nelson Rahim Abrigonda (Mahiwaga), sentinel na si Chris Jerome Abulencia (Abu), duelist at flex na si Zeke Acosta (Zikxyyy666), controller na si Breinan Lim (Neostax), duelist na si Joaquin Padilla (kumo), at sixth man na si Eman Ortiz (zef).

Bahagi ang koponan ng Valorant Group A kung saan kanilang haharapin ang De La Salle University (DLSU), Adamson University, at Ateneo de Manila University (AdMU) sa tulong ng kanilang coach na si Ian Ga at team manager na si Keith Anne Delos Reyes.

Bukod sa kumpiyansa sa pagtamo ng tagumpay, sinaad ni Abrigonda ang kanilang galak na makasama sa kauna-unahang batch ng mga esports team sa UAAP.

Being at the forefront of the next step in the rise of collegiate esports here fills me with pride. It feels great knowing that we are here to inspire people through the games we love (Nakakatuwa na kami ‘yung nangunguna sa pag-angat ng collegiate esports. Masarap sa pakiramdam na napupukaw namin ‘yung ibang tao dahil sa mga larong mahal namin),” aniya.

Sumunod na ipinakilala ang mga Tamaraw na makikipagtagisan sa NBA 2K na binubuo ng dalawang mag-aaral ng Institute of Arts and Sciences na sina Justin Lagmay at Nehemiah Maninit.

Masigasig na naghahanda, ipinahiwatig ni Lagmay ang kanilang tiwala sa pagsungkit ng kampeonato.

“[Our goal] is simple. It's to win the championship for FEU. I'm confident that we have the skills to beat the players of other universities (Simple lang ‘yung layunin namin. ‘Yun ‘yung makuha ang kampeonato para sa FEU. Malakas ‘yung loob ko na kaya naming matalo ‘yung ibang manlalaro ng ibang mga pamantasan),” anito.

Huli namang ibinunyag ang green-and-gold Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) squad sa pamumuno ng roamer na si Jordan Homer Eder kasama ang jungler na si Dashmielle Farin, gold laner na si Micole Justin Wage, mid laner na si Paolo Miguel Sanchez, exp laner na si Benedict Ablanida, at sixth man na si Kevin Richard Reyes.

Sa pangangasiwa ng kanilang coach na si Erwin Magno at team manager na si Simon O’neal Agtutubo, kanilang susuungin ang MLBB Group A laban sa National University, DLSU, at AdMU.

Habang papalapit ang paligsahan, binanggit din ni Libozada ang kanyang pag-asang mangingibabaw ang mga manlalaro ng FEU.

I’m expecting them to at least be among the top teams. I’ve witnessed their practices. Nakakalaban din naman nila ‘yung other UAAP schools and nakikita ko ‘yung resulta. Ayaw kong maging kampante pero I’m confident (Inaasahan kong isa sila sa mga mangingibabaw. Napanood ko ‘yung mga ensayo nila. Nakakalaban din naman nila ‘yung ibang mga UAAP school at nakikita ko ‘yung resulta. Ayaw kong maging kampante pero may tiwala ako sa kanila),” saad niya.

Opisyal na gaganapin ang NBA 2K tournament bukas, ika-13, at tatagal hanggang Huwebes, ika-15 ng Agosto. Kasabay sa simula nito ang kompetisyon ng Valorant na magtatapos naman sa Biyernes, ika-16.

Pagkatapos ng mga larong ito, maghaharap ang mga kalahok ng MLBB sa Sabado, ika-17, hanggang sa ika-21 ng Agosto.

Maaaring saksihan ang buong paligsahan sa pagitan ng walong pamantasan ng UAAP sa Areté Ateneo sa Quezon City.

(Litrato mula sa UAAP)