FEU Comm students, tinalakay ang job mismatch sa mata ng expanded cinema

FEU Advocate
August 25, 2025 19:27


Ni Kasharelle Javier


Ibinahagi ng mga second-year Communication student ng Far Eastern University (FEU) sa publiko ang expanded cinema exhibit na pinamagatang ‘Fabrics of Becoming’ na sumasalamin sa realidad ng manggagawang Pilipino tungkol sa isyu ng job mismatch na ginanap sa lyf Malate Manila sa Taft Avenue noong ikawalo hanggang ika-20 ng Agosto.

Isinagawa ng mga mag-aaral ng Communication ang pagtatanghal bilang huling requirement sa kursong Film Aesthetics sa ilalim ng pagtuturo ni Robert Joshua San Luis. 

Unang itinanghal ang eksibit ng Fabrics of Becoming sa Theater Studio ng Arts Building noong ika-27 ng Hunyo bago buksan sa publiko sa lyf Malate Manila ngayong Agosto.

Sa panayam ng FEU Advocate, inilahad ng direktor ng eksibit na si Adrian Tubuan na nagsimula ang tema na ‘labor, longing, at identity’ sa ideya ng job mismatch bilang bahagi ng paghahanap ng tao sa sarili.

“Nagsimula talaga siya sa isang ideya ng isa sa mga ka-prod namin at ‘yun ay ang job mismatch. Napaisip kami kung paano napupunta ang karamihan sa atin sa trabahong malayo sa pinag-aralan o sa pangarap nating career… unti-unti na rin naming nakita na hindi lang ito tungkol sa trabaho, [kun’di] pati na rin sa paghahanap ng tao sa kaniyang sarili. Kaya naging natural na tumawid ang tema sa longing at identity,” saad ni Tubuan.

Isinaad din ng art director ng Fabrics of Becoming na si Yssha Mae Aureus na nagsimula ang konsepto ng eksibit mula sa suhestiyon ng kanilang propesor na gumamit ng mga damit at mannequin bilang representasyon ng job mismatch mula sa temang ‘Ang mga nawawala.’

“Doon siya nag-suggest na paano kung installation na lang na nakasuot ‘yung mga mannequin ng iba't ibang work. Tapos makikita doon na ganitong degree nila pero taliwas sa kung ano ‘yung trabaho nila. Tapos dinagdagan na namin siya ng maikling pelikula kung saan maririnig ‘yung mga interview nung [no’ng] mga kakilala namin at pamilya ng ibang ka-group namin na may experience sa job mismatch,” ani Aureus. 

Limitadong oportunidad

Binigyang-diin ni Tubuan na nagmumula ang job mismatch sa limitadong oportunidad at sistemang hindi tugma sa pangangailangan ng mga manggagawa, at minsan naman ay personal na desisyon. Ipinakita ito sa Fabrics of Becoming bilang bahagi ng mas malawak na kuwento ng pagpupunyagi at patuloy na paghubog ng pagkatao.

Sa parehong sentimyento, iginiit din ni Aureus na nagsisilbing paalala ang ganitong uri ng pagtatanghal sa patuloy na isyu ng kawalan ng trabaho at kakulangan ng oportunidad sa bansa.

Reminder din siya sa lahat na ang bansa natin ay may ganitong problema o suliranin na kinakaharap kaya makikita mo sa mga research, reports, at statistics na tumataas din ang bilang ng mga taong wala pa ring trabaho dahil… kulang ang oportunidad na mayroon tayo dito sa bansa,” saad ng art director.

Kaugnay nito, iniulat ng Philippine Statistics Authority na nasa 3.7 porsiyento ang unemployment rate noong Hunyo, mas mababa kompara sa 3.9 na porsiyento ng buwan ng Mayo.

Bumaba naman ang underemployment rate mula 13.1 porsiyento noong Mayo tungong 11.4 na porsiyento ngayong Hunyo. 

Expanded cinema bilang salamin ng lipunan

Sa tulong ng expanded cinema, idinagdag ni Aureus na mas ipinadama nila ang mga kuwento ng mga manggagawa sa mas makatotohanan at emosyonal na paraan. Para sa kaniya, nagsisilbi rin itong pagpapatibay at paalala na hindi nababawasan ang halaga ng isang tao kahit hindi tumugma ang mundo sa kaniyang pangarap at kagustuhan sa buhay.

Ang expanded cinema ay isang malikhaing pagtatanghal na gumagamit ng kombinasyon ng pelikula, sining-biswal, at pagtatampok upang mas makapaghatid ng mas malalim na karanasan sa mga manonood. Ito ay ginawa ng mga mag-aaral bilang bahagi ng kanilang kurso sa Film Aesthetics sa ilalim ng FEU Department of Communication.

Samantala, ipinahayag naman ng direktor ang kahalagahan ng ganitong uri ng eksibit dahil naipadarama rin sa mga manonood ang tahimik na karanasan ng mga manggagawa, kasama ang bigat, pangarap, at pakikibaka sa araw-araw, na nagbibigay ng mas malinaw na larawan ng kanilang realidad.

Bilang bahagi ng proseso ng pagkalap ng mga impormasyon para sa exhibit, ibinahagi ng manunulat ng Fabrics of Becoming na si Mariah Denise Villaflores na ipinakita nila ang mga kuwento, pangarap, at pag-asa ng mga manggagawa sa kabila ng job mismatch sa pamamagitan ng mga panayam.

“Sa aming exhibit, ipinakita namin ang mga istorya sa pamamagitan ng pag-interview ng mga taong malapit sa bawat isa sa amin, para mas maging totoo ang aming paglalahad. Nais naming maramdaman ng mga manonood na ang mga taong ito ay hindi lamang bilang halimbawa ng ‘job mismatch,’ kun'di bilang mga indibidwal na may sariling pangarap, hirap, at pag-asa. Ang kanilang mga karanasan ay nakaaapekto sa kanilang pagkatao at kinabukasan,” aniya.

Ayon kay Villaflores, masaya siya nang makalabas sa Unibersidad ang kanilang pagtatampok dahil mas lumawak ang diskusyon at nagkaroon ng iba’t ibang klase ng pagtanggap at pag-unawa mula sa mga manonood.

Kasabay ng layunin na maipadama sa mga manonood ang bigat at pagkadismaya ng mga taong napipilitan pumasok sa larangang hindi tugma sa kanilang kagustuhan, nais din iparating ng mga mag-aaral ang mensahe ng pag-asa na ang pagtahak ng ibang landas ay maaari ding maging simbolo ng pagbangon sa buhay para sa iilan.

(Kuha ni Aleena Louise Abad/FEU Advocate)