PsychSoc launches outreach programs under 'Project CARE'
- March 05, 2024 10:59
FEU Advocate
October 31, 2024 17:55
Ni Hanz Joseph B. Ibabao
Gasgas na ang mga katwirang ‘makatulong sa mamamayan’ sa kaliwa’t kanang naghahain ng kanilang kandidatura na tanging katanyagan lang ang puhunan. Malinaw na pinakikitid nito ang espasyo para sa mga totoong lider na may detalyadong plano at kakayahan. Sa panahon kung saan itinuturing na kapangyarihan ang kasikatan, ginagamit ito upang manguna sa halalan at samantalahin ang tiwala ng sambayanan.
Paligsahan ng kasikatan
‘Kung sino ang sikat, siya ang angat’ ang tila nagbabadyang tema sa paparating na #Halalan2025, sapagkat bukod sa mga artista, naglipana na rin ngayon ang mga influencer at content creator na nagnanais kumandidato para sa susunod na botohan.
Kabilang dito ang mga sikat na indibidwal mula sa social media at telebisyon, tulad nina Rosmar Tan – vlogger, Deo Balbuena o mas kilala sa pangalang ‘Diwata’ – vlogger at negosyante, at Luis Manzano – isang television host.
Mapatutunayan sa sitwasyong ito na ang kasikatang bitbit nila ay hindi lang nagsisilbing tulay upang iangat ang kanilang pagkakakilanlan, susi na rin ito upang manguna sa mas seryosong larangan—ang politika.
Kaya naman iba’t ibang opinyon at reaksiyon ang nagkalat sa social media—marami ang nagalit, nadismaya, ang iba naman ay itinuring itong katatawanan.
Ngunit ayon sa panayam ng FEU Advocate kay Michael Antonio, isang guro mula sa Departamento ng Agham Pampolitika ng Far Eastern University (FEU), ang paglahok ng mga nasabing personalidad ay isang karapatan na itinalaga ng Saligang Batas ng Pilipinas.
Batay sa Saligang Batas at Local Government Code, ang pagiging natural-born citizen, kakayahang bumasa at sumulat, edad, taon ng paninirahan sa bansa, at pagiging rehistradong botante ang ilan sa mga pangunahing kalipikasyon upang maging isang ganap na kandidato sa Pilipinas.
Ibig sabihin nito, nakapag-aral man o hindi, influencer o isang artista, may karapatan at kalayaan silang kumandidato sa halalan.
Subalit ipinaliwanag ng propesor na mahalaga pa ring sukatin at tanungin ang kanilang kakayahang makilahok, at karanasan sa serbisyong pampubliko at paggawa ng mga batas.
“Hindi porke’t sikat ka, meron ka nang lisensiya para tumakbo sa mataas na puwesto,” pagdidiin ng guro.
Hindi rin naiiba ang opinyon dito ng isang mag-aaral ng Political Science at kasalukuyang bise presidente ng TAMang Boto na si Reign Chloe Bañares. Para sa kaniya, ang mga taong nabanggit ay may karapatan at kalayaang tumakbo sa halalan.
Ngunit, ipinaliwanag din nito na mahalagang katangian sa isang kandidato ang kaniyang layunin sa serbisyo publiko.
“Importante ang kaniyang propesyonal at pampolitika na kaalaman upang magampanan nang mahusay ang responsibilidad at obligasyon na nakaukol sa posisyon na kanilang tinatakbuhan,” aniya.
Bukas para sa lahat ang karapatang tumakbo sa isang demokratikong lipunan, iyan naman ang opinyon ni Goeffrey Sobrino Lababo, isang Political Science student at kasalukuyang pangulo ng FEU Political Science Society.
Subalit sa pag-usbong ng mas maraming sikat na mga pangalan, napapansin ni Lababo na nagiging paligsahan ng katanyagan ang halalan.
“Sa kontekstong ito, nakakalimutang bigyang-halaga ang mga kandidato na may mataas na [kalipikasyon], matibay na plataporma, at magandang track record,” saad niya.
Sinang-ayunan naman ito ng isang mag-aaral ng Sikolohiya at kasalukuyang direktor ng FEU Institute of Arts and Sciences Student Council - Advocacy and Community Extensions Department na si JR Cruz. Para sa kaniya, ang paglahok ng mga artista, influencer, at content creator ay isang malinaw na manipestasyon ng lumalalang sistema ng burukrata-kapitalismo sa bansa.
“Kung mamantakin, kita naman na ginagamit ang mga celebrities sa politika para sa either self-preservation, paglago ng kanilang negosyo, o sa pagiging papet ng mga naghaharing uri,” turan ng lider-estudyante.
Maliwanag ang kalayaan at karapatan ng mga Pilipinong makilahok at tumakbo sa mga paparating na halalan. Ngunit sa kabila ng kalayaang ito, napakahalaga na pagnilayang mabuti at kumandidato hindi para sa pansariling kapakinabangan.
Mahalagang maintindihan na ang posisyon ay hindi isang gantimpala; isa itong responsibilidad na may kaakibat na mga obligasyon at pananagutan sa milyon-milyong umaasang mamamayan.
Nakaambang pananamantala sa masa
Kahit ano man ang estado, pagkakakilanlan, o pinaniniwalaan sa buhay, ang kadalisayan sa paglilingkod at ang intensiyong magbigay ng tunay na serbisyo ang ilan sa mga mahahalagang katangian ng mga dapat kumakandidato sa halalan.
Hindi lang ito basta pagbibigay-tulong, kung hindi isang serbisyong marapat na tumutugon sa pangangailangan ng mga tao at nagbibigay ng pangmalawakan na positibong epekto sa mamamayang Pilipino.
Para kay Bañares, hindi dapat limitahan sa negatibong pagtingin ang epekto ng paglahok ng mga sikat na personalidad sa halalan sapagkat may mga content creator, influencer, at mga artista na may kaalaman at karanasan sa politika, habang mayroon ding iba na hindi pamilyar sa larangang ito.
Subalit, kaniyang binigyang-linaw na kung gagawing batayan ang mga naghain ng mga kandidatura ngayon, at mga nagdaang miyembro ng senado at kongreso, ang pagpasok nila sa politika ay isang panlilinlang at pananamantala sa kahinaan at pagnanais ng mga Pilipino para sa isang maayos na pamahalaan.
Binigyang-diin din ni Bañares na sa kadalasang linya ng mga sikat na personalidad—ang makatulong sa kapuwa Pilipino—papasok ang tanong na: Ang pakikilahok at pagpasok ba sa politika ang bukod-tanging paraan upang makatulong sa tao?
Kaugnay nito, ibinahagi ni Cruz na ang mga sikat na personalidad ay kumakandidato upang paglingkuran ang interes ng mga naghaharing-uri.
Para sa lider-estudyante, binabago lang nila ang kanilang pamamaraan upang hingin ang boto sa mamamayan. Imbes na maglatag sila ng mga platapormang pabor sa masa, ginagamit na lang nila ang kasikatan at gasgas na layuning “makatulong sa tao.”
“Take for example si Willie Revillame; tatakbo siya nang walang klarong plataporma aside sa ‘tumulong sa tao,’ ginagamit lang niya ang na-accumulate niyang fans throughout the years,” sambit ni Cruz.
Paglilinaw din niya, ang mga ganitong klaseng pamamaraan ay nagpalalabo lamang ng kaisipan ng mga mamamayan sa kanilang paghimay ng mga ibobotong kandidato. Sa huli, pinipili na lang nila kung sino ang mas madaling maalala—isang kalamangan ng mga sikat na indibidwal.
Isinalaysay naman ni Antonio ang pananaw ng masa na madalas nakatuon sa personalidad ng kandidato kompara sa mismong mga isyu.
Kapag nakaaaliw at makulay ang katauhan ng isang tumatakbo, mas madaling iugnay ang ating sarili sa kanila—isang konsepto na niyayakap ng masang Pilipino, dagdag paliwanag ng propesor.
“Ito interesting…‘Yung Tulfo… You think, brand of politics natin na these masses identify to the Tulfo Brothers… ‘huling pag-asa ko para makakuha ako ng hustisya.’ Kaya ang kasabihan nga hindi ka pupunta ng korte, hindi ka pupunta ng barangay, pupunta ka kay Tulfo. Kasi si Tulfo may gagawin para sa’yo,” sambit ng guro.
Patuloy na maghahari ang mga sikat na walang plataporma kung hahayaan lang silang aliwin ang masa kapalit ng kapananamantala nila.
Sa paulit-ulit na eleksiyong dinadatnan ng mga Pilipino, mahalagang asikasuhin ang mas progresibong edukasyon sa masa upang maunawaan nila ang epekto ng kanilang boto tuwing sasapit ang halalan.
Kakayahan at karanasan, hindi kasikatan
Sa paparating na eleksiyon, mahalagang bantayan ang paninindigan at busisiing mabuti ang karanasan at kakayahan ng mga kandidato na pamunuan ang bayan.
Dapat tandaan, hindi ang kasikatan nila ang magtataguyod ng mga isyung bumabagabag sa bayan, kung hindi ang kanilang kapasidad na mamuno at maglingkod sa mamamayan.
Kaya payo ni Lababo sa mga kabataan, maging aktibo sa mga komunidad, maging mabusisi sa mga kandidato, makilahok sa mga usapin, at gamitin ang boses upang hikayatin ang iba na maging responsable at kilatisin ang mga ihahalal sa puwesto.
“Maging mapagbantay sa mga kandidato at nasa posisyon, [mapanuri] sa kanilang mga paninindigan sa mga isyung politikal at panlipunan, at magkaroon ng sapat na kaalaman sa mga elektoral at sosyo-politikal na usapin,” turan naman ng lider-estudyanteng si Bañares.
Idiniin naman ni Cruz ang pagiging kritikal ng kapuwa niya kabataan.
“Kundenahin ang pagtakbo at pananatili ng mga sikat na personalidad sa larangan ng politika kung saan nagsisilbi lamang sila [para] sa kanilang pansariling interes,” sambit ng mag-aaral.
Dagdag ni Cruz, patuloy na suportahan, lalo na ng mga kabataan, ang mga tunay na kinatawan ng bawat sektor ng lipunan na tumutungo sa mga komunidad, malalim ang kaalaman sa tunay na kondisyon ng mamamayan, at patuloy na lumalaban para sa karapatan ng sambayanan.
Kung susumahin, hindi lang naman ang mga tanyag na walang plano at kakayahan ang tatakbo sa halalan. Panigurado, naghain din ng kanilang kandidatura ang mga tunay na lider na may malasakit, kakayahang mamuno, at maraming karanasan.
Ngunit, mapatutunayan lamang nila ang kanilang kapasidad kung mapagbibigyan ang kanilang liderato. Kaya naman napakahalagang iangat ang edukasyong natatangap ng masa upang matulungan silang maging kritikal sa pagtukoy ng mga totoong lider na magdadala sa atin tungo sa isang makatao at nagmamalasakit na gobyerno. Dahil sa huli, ang kapalaran ng bansa ay nasa kamay pa rin ng mamamayang Pilipino.
(Dibuho ni Chynna Mae Santos/FEU Advocate)