Now you can skip the lines at LRT-1 and scan-to-ride via the Maya app
- June 21, 2023 09:20
FEU Advocate
October 29, 2024 20:25
Ilang kuwentong romantiko na ba ang nahinto dahil sa hirap ng public transpo sa Maynila?
Ilan na ba ang hindi natuloy dahil kulang ang pamasahe? Ilan ang natapos dahil sa trapiko?
Isang libong puso na yata ang inabandona na lamang sa gilid ng kalsada, pinukpok ng tambutso, at binalot ng usok. Ilang libong piso na ang nasayang sa mga katagang “para po” kahit malayo pa ang bababaan.
Madalas nating naririnig ang deklarasyong “hanggang sa dulo ng mundo.”
Ngunit, papaano kung ang dulo ng mundo’y nasa España Boulevard lang pala? Papaano kung ang dulo ng hangganan ay nasa Quezon Avenue? Natagpuan ko ang wakas sa Aguinaldo Highway—ang tuldok sa pagitan ng baryang aking binibilang. Papuntang Divisoria pa lamang, sumisigaw na ang aking mga kasukasuan. Sulit nga ba sumakay pa-Morayta kahit wala namang kasiguraduhan sa ating dalawa? Pagkahaba-haba man ng prusisyon pero ‘di na ako tutuloy sa Quiapo; ‘di ko na kayang maghintay sa init at siksikan. Gusto ko lang namang humiga kasama ka pero kinakain ng biyahe ang mga araw nating dalawa.
Hanggang Sampaloc lang naman kasi ang kaya ng pamasahe ko; hindi kita masusundo gamit ang isang galanteng kotse at hindi kita maihahatid sa maayos na kinabukasan.
Sinalubong ako ng salaghati sa kanto, sa sakayan ng dyip. Binangga ako ng pananabik sa gitna ng aking biyahe. Pinigilan ng pulis sa may Blumentritt at iniwang mag-isa kasama ng mga sinayang nating pagkakataon. Hinahanap-hanap pa rin ang maligayang magpakailanman sa aking estasyon.
Ang romansa ba’y para lamang sa mga may kotse’t aircon? Para sa mga hindi makakagising ng alas-singko para umabot sa alas-otso? May kasamang presyo na ba ang bawat halik at yakap? Papaano na ang mga pusong napagod, bumitaw, at piniling huwag na muling sumubok?
Ilang pagtatapat ng damdamin ang pinalampas dahil nauubos ang lakas sa maghapong pag-aabang? Ilang ticket pa ba ang kailangan bilhin kung gusto kitang mahalin?
- Beatrice Diane D. Bartolome
(Dibuho ni Toni Miguela Ursua/FEU Advocate)