Spoken Word Poetry: Muling Pagsibol ng Wikang Filipino

FEU Advocate
August 28, 2016 16:12


Labing-anim na letra, tatlong salita, isang kahulugan. Mula sa mga titik at letrang binalangkas ng berso at tugma, at mga pahinang sinubaybayan ng madla, sumibol ang isang sining na tuluyang bumihag sa nakararami; ang spoken word poetry.

Ilan daang taon na ang lumipas simula nang muling masilayan ng mundo ang entabladong minsan nang puminta sa tatas at angking ganda ng wikang Filipino. Sa pagkakasilang ng panibagong yugto nito, ito na nga ba ang simula ng muling pagyakap ng mga Pilipino sa wikang kinagisnan?

Panimula ng kuwento

Isang uri ng masining na pagsasalitang itinatanghal sa entablado ang spoken word poetry o performance poetry na tumatalakay sa iba’t-ibang usapin sa lipunan. Ito ay pagpapahayag at pagkukuwento nang patula na may halong pag-arte at minsan pagkanta upang bumuo ng mas malalim at personal na mundo mula sa pahina na tatagos patungo sa puso ng mga nakikinig.

Bitbit ang sinag ng umusbong na sining, unang nasilayan ang spoken word poetry sa makasaysayang bansa ng Greece sa pamamagitan ng kanilang mga likhang lirikong itinatanghal sa harap ng maraming tao. Ngunit sa paglipas ng ilang daang taon, muling sumibol ang spoken word poetry mula sa isang kilusang tinatawag na The Beats noong 1950’s. Baon ang adhikaing ibalik ang tula sa mundo, nakilala ang mga pangalang Allen Ginsburg, Jack Kerouac, William Burroughs at marami pang iba.

Lumitaw naman ang panibagong kilusang karapatang pantao ng mga African-American noong 1960’s ang The Last Poets. Produkto ng isang layuning kumawala sa matinding paghihigpit ng paggamit ng kinagisnang wika, bumuo sila ng nakatagong lagusan upang talakayin ang diskursong sosyo-politikal; ugat at dahilan ng pagkakatatag ng tinatawag na underground poetry.

“Sa pamamagitan ng tunog at indirect na pagpapahayag ng damdamin, sinalita nila ito ng patula; ang mga orihinal na paksang tinatalakay kung bakit ito nagsimula patungkol sa lipunan (Through sound and indirect expression of emotions, they stated it poetically; the original topics discussed why it started about the society),” pinaliwanag ni Verlin Santos, isang tagapagtaguyod ng spoken word poetry at nagtatag ng Titik Poetry sa Cavite.

Mula sa isang adhikaing ipagpatuloy ang sining na sinimulan, ay isang makata mula sa samahang ito na si Gill Scott-Heron ang umani ng atensyon noong dekada sitenta (1970’s) nang magtanghal siya sa Madison Square Garden. Dala ang piyesang nakalaan para sa isang anti-nuclear proliferation protest concert, pinatunayan ng The Last Poets ang halaga ng pagpapahayag sa pamamagitan ng salita at pagtatanghal.

Lulan ang ugat ng pinagmulan, muling nasilayan ng mundo noong 1990’s ang ganda ng pundasiyong binuo ng The Beats. Ngunit, tuluyang nakilala ang spoken word poetry nang tumagos ang impluwensiya nito sa unang season ng programang Spoken Word Unplugged Special ng MTV (Music Television) dahilan upang dumagundong ang sining na ito sa youth culture ng Amerika.

Mula sa isang lirikong pinaganda ng tugma at entablado, tunay ngang malayo na ang narating ng sining na ito. Sa pagbubukas ng mga bagong pinto ng oportunidad, isang matingkad na kinabukasan ang naghihintay tungo sa adhikain ng bawat bansa na ipalaganap ang sining at pagmamahal sa sariling wika.

Pagkatapos ng ilang dekada ay pumasok na sa eksena ang mga pangalang Sarah Kay, Kate Tempest, Phil Kaye at marami pang iba. Tulad ng isang ibong namamayagpag, umani ng atensiyon ang sining na ito sa mundo ng social media, lalung-lalo na sa YouTube. Nadagdagan ang mga samahang itinatag, mga kapihang nabuksan at unti-unti nang dumami piyesang isinusulat ng mga taong nadiskubre ang angking talento sa paggawa at pagtatanghal ng isang tula.

Sa pagpasok ng mundo sa panibagong pahina, ay tuluyan na ding binuksan ng Pilipinas ang pintuan nito upang salubungin ang pagdating ng spoken word poetry. Ngunit lingid sa kaalaman ng iba ay matagal na din palang namamalagi ang tinig na ito sa bansa sapagkat noong taong 2005 pa lamang, ay bumigkis na ng daan si Kooky Tuason upang ipakilala ang Bigkas Pilipinas; isang samahan ng mga makatang kanyang binuo upang magtanghal sa iba’t-ibang gig, kapihan at galeriya sa kalakhang Maynila. Bunga ng damdaming likas na makabayan, ang Bigkas Pilipinas din ang itinanghal na unang radyo programa sa Jam88.3, tumayo bilang saligan ng sining na ito sa ating bansa.

Noon pa man, ay madami nang taong nagsusulong ng adbokasiyang ito. Bukod sa pagtatanghal sa entablado ay nagbibigay kabuluhan din ang sining na ito sa likod ng radyo. Ang pagkakatatag lamang ng Bigkas Pilipinas ang nagsilbing hudyat ng pagkakasalamin ng spoken word sa makabagong panahon.

Mula sa isang hindi malilimutang tagpo ng nakaraan ay sumibol ang isang sining na kinikilala sa makabagong panahon. Sa likod ng pangalang sumisikat sa buong mundo, nananahan ang isang kasaysayang bakas ng ilang taong paghihirap at pakikipaglaban ng adhikain. Baon ang mga kamay na handang yakapin ang buong mundo, hindi magtatagal at makikita na din ng lahat ang ganda at kabuluhan ng spoken word poetry.

Sibol ng tagumpay

Taglay ang bugso ng adhikaing sinimulan, tuluyan nang tumuntong ang mga paa ng spoken word poetry sa bansa nang itatag noong 2013 ang kauna-unahang komunidad ng mga makata sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas, ang Speak Philippines. Baon ang layuning gawing aksesible sa lahat ang iba’t-ibang kaganapang pagtatanghal, inihandog ng Speak Philippines sa bansa ang mga grupong: Words Anonymous, White Wall Poetry, Marikina-based Polaris at marami pang iba.

Nagsimula ang lahat sa isang kapihan, hanggang sa lumipas ang ilang taon at sunod-sunod na pagtatangal na sa iba’t-ibang parte ng bansa ang nasaksihan. Sa pagkakapit-bisig ng iba’t-ibang grupo sa Pilipinas, ay unti-unting yumabong ang impluwensiya ng spoken word poetry sa Pilipinas.

“Naging matunog ang spoken word poetry dahil sa Sev’s Cafe na pag-aari ni Howie Severino sa Malate. Kadalasan mga kabataan ang nagtatanghal dito. Sa totoo lang ay mahaba ang usapin tungkol dito subalit sa tuwing pag-uusapan ito ay nakakabit ang pangalang Juan Miguel Severo, Word Anonymous, White Wall Poetry, Ampalaya Monologue at iba pa (Spoken word poetry went sonorous because of Sev’s Café that is owned by Howie Severino in Malate. Often times, teenagers perform here. Honestly, there is a long discussion about this but every time it is being talked about, names like Juan Miguel Severo, Word(s) Anonymous, White Wall Poetry, Ampalaya Monologue are being rooted),” ipinaliwanag ni Mr. Yuan Anot, isang propesor ng Filipino sa Far Eastern University (FEU).

Lulan ang likas na kagandahan ng sining, ang pagkakasikat nito ay patunay na nananalaytay pa din sa puso ng mga Pilipino ang bakas ng tula at kulturang pinagmulan.

Lalong napakinggan ang performance poetry nang makilala ng bansa ang makatang si Juan Miguel Severo ng Words Anonymous. Mula sa pagtatanghal sa Sev’s Café ay nakilala siya lalo nang naging parte siya ng teleseryeng On the Wings of Love, kung saan ay unang nasilayan ng bansa ang sining na ito. Itinanghal niya ang mga tulang, “Mga Basang Unan,” “Sampung Bagay na Matututunan mo sa Pag-ibig,” “Ang Mga Lugar ay Pawang Mga Lugar Lamang,” “Para sa mga Tawa” and “Kapag Sinabi kong Mahal Kita,” dahilan upang umani siya ng ilang libong followers sa Twitter. Dahil sa angking galing, itinuturing siyang isa sa mga modernong makatang kinikilala ng makabagong henerasyon.

“Nagsimula kong magustuhan ang spoken word poetry dahil kay Juan Miguel Severo. Hindi naman sa binago niya ako, pero marami akong natutunan sa kakasubaybay ko sa kanya; parang binibigyan ka niya ng lakas na bumangon at lumaban sa mga pagsubok na nararanasan mo. Nilagay niya sa isang napakagandang obra lahat ng nararamdaman mo. Siya ang naging boses ng puso mo na hindi na kayang lumikha ng anumang tunog (I started to like spoken word poetry because of Juan Miguel Severo. Not because he changed me, but because I learned a lot of things from frequently watching him; it seems like he is giving you strength to get up and fight all the hardships you are going through. He placed everything you feel in a beautiful masterpiece. He became the voice of your heart that cannot make a sound),” ipinahayag ni Edrea Clarisse Marquez, isang 4th year BS in Economics na estudyante mula sa Unibersidad ng Pilipinas – Los Banos.

Bitbit ang mga piysang nakakaantig ng puso at mga kuwento ng pag-ibig na sinubaybayan ng bansa, tunay ngang sa pasyon ng isang makatang katulad ni Severo, ay nagawa nilang maikonekta ang mga Pilipino sa angking ganda ng sining na ito.

Tila isang malaking buhos ng ulan naman ang dami ng mga makatang umusbong sa iba’t-ibang panig ng bansa. Ang mga miyembro ng Words Anonymous na sina Abby Orbeta, Angel Cruz, Trevor William Viloria, Zuee Herrera at ang mga makatang sina Brian Vee at Maimai Cantillano ay umani ng malaking atensyon sa mundo ng social media. Sa paglipas ng buwan at taon, ay lalo pang yumayabong ang kampanya para sa muling pagtangkilik sa wikang kinamulatan.

Mula sa pagdagundong ng pangalan ng isang makata ay nasaksihan ng buong Pilipinas ang dalisay na intensyon ng buong samahan nito na buhaying muli ang wikang nagsusumamo sa pagmamahal ng isang Pilipino. Higit sa pagtatangahal sa entablado, ay bitbit nila ang pag-asa na gisinging muli ang natutulog na pusong makabayan ng bawat Pilipino.

Bandera ng pag-asa

Hindi natatapos ang paglalakbay sapagkat habang patuloy na yumayabong ang spoken word sa Pilipinas, ay lalo pang pinagyayaman nito ang halaga ng wikang Filipino. Yakap naman ang adbokasiyang muling itayo ang wika, unti-unti na ring dumami ang nahikayat na itaguyod ang pagsusulat ng tula.

“Kung bakit pagtutula ang napili kong paraan para ipakita ang aking sining, dito ko kasi natagpuan ang sarili ko at ang depinisyon ko sa buhay. Matalinhaga, malalim, at masining ang buhay. Nang gawin ng Diyos ang mundo, may talinhaga roon. Ang laman ng Bibliya, tula iyon. Malalim. Sa mga simpleng bagay na ating ginagawa sa araw-araw naroon ang tula. Dahil tula ang tao at ang tao ang tula (The reason why I chose poetry to showcase my art, is because I found myself here and my definition in life. Life is figurative, deep, and artistic. When God made the world, there is a parable there. The content of the Bible, it is poem. Deep. In simple things we do everyday, art is there. Because poem is human, and human is poem),” ipinahayag ni Santos.

Sa pagsikat ng spoken word poetry, ay tuluyan na ding hinagkan muli ng ilang Pilipino ang puso ng isang pagiging makata. Dahil sa impluwensiya ng makabagong mundo, ay tuluyan nang nagpanagpo sa iisang dulo ang wika at tulang Filipino.

Bukod sa pagpukaw ng damdamin, ang higit na maapektuhan ng panibagong yugtong ito ay ang mga kabataang sumisibol at kinikilala pa lang ang kanilang mga sarili. Kaya’t kung paanong hinuhubog ng spoken word poetry ang kasalukuyan, ang pinaka-importante sa lahat ay kung paanong babaguhin nito ang kinabukasan ng wikang Filipino sa pamamagitan ng bawat kabataan sa buong kapuluan.

“Ang wika natin ay ‘di dapat minamaliit, at may mga taong nagpapatunay nito; ‘yung mga taong may kakaibang talento sa paggawa ng tula. Sa palagay ko, ay ‘yun din ‘yung nais nilang ipahayag sa atin sa tuwing binibigkas nila ang bawat salita nila sa entablado: na mahalin pa natin at pagyamanin ang sarili nating wika (Our language should not be discriminated, and there are people who can prove it; those persons who has unique talent in making poems. In my opinion, that is also their objective whenever they will utter every word in the stage: to love and enrich our language even more),” ibinahagi ni Marquez.

Sa puso ng ilan ay hindi kailanman mapapawi ang kagandahan ng mensaheng ipinunla ng mga pyesang pumukaw sa sambayanang Pilipino. Tunay ngang maituturing na aral ang pagkakadating ng spoken word poetry sa Pilipinas, sapagkat para sa ilan ay ito ang nagmulat sa kanila na dapat mahalin ang sariling wika at sa kabilang banda ay ito din ang nagsilbing tulay na muling yakapin ang sariling kultura.

- Alyssa Ferelli F. Abario