Mapagparusang pisara: Dagok ng mga bayaning nagtuturo
- July 09, 2024 12:57
FEU Advocate
August 05, 2022 03:48
Ni Maxine Alessandra B. Turiano
Hinikayat ni Far Eastern University (FEU) alumnus at bise-gobernador ng Bulacan Hon. Alexis Castro ang FEU student leaders na baguhin ang mga ‘gawi at kasanayan na hindi naaayon sa tama at tuwid’ sa naganap na Induction and Oath-taking Ceremony sa FEU Main Auditorium, Agosto 3.
“Sa kagustuhan nating maiayos ang mga bagay… tayo ay nagiging paboritong paksa ng hindi nakakaunawa sa ating misyon—pero araw-araw ay pinipili na rin natin bumangon at magpatuloy na maglingkod dahil sa simple lang nating pamamaraan na tayo ay makatulong sa tao,” dagdag nito.
Inimbitahan si Castro bilang inducting officer at panauhing tagapagsalita sa harap ng mahigit 500 na lider-estudyante mula sa Sentral na Organisasyon ng mga Mag-aaral ng Pamantasan ng Malayong Silanganan (FEUCSO), Institute Student Councils (ISCs), at mga pangmalawakan at pang-akademikong organisasyon.
Sa ilalim ng temang ‘Courageous Leadership: Braving the Odds’, ipinaliwanag ni Castro ang kahulugan ng magiting na pamumuno.
“Para sa akin, ang courageous leadership ay ang pamumuno na nakakapagpanibago ng ating pamayanan, na nakakapagpapaunlad ng ating lipunan, at nakakapagpa-angat ng ating antas ng moralidad at pagkatao,” saad ni Castro.
Ipinaalala rin ng FEU alumnus sa mga lider-estudyante na hindi laging magiging madali ang paglilingkod.
“Sa ating piniling direksyon, hindi lahat madali. Walang secret ingredient, walang formula for leadership. Hindi sa bawat pagkakataon ay nagtatagumpay tayo—baka nga mas marami pa yung pagkabigo. Marami ang ating pagdaraanan, pero sabi nga nila, daanan mo lang, ‘wag mo tambayan,” ani Castro.
Bilang nakapagtapos ng kursong AB Mass Communication sa FEU, binigyang-diin ni Castro na ang Pamantasan ay naghahanda ng mga lider-estudyante na maglilingkod sa kapwa.
"Ito po ang lubos kong ipinapagmamalaki sa ating mahal na FEU. Seryoso ang ating Pamantasan na sanayin at hasain ang kaniyang mga mag-aaral sa pagbibigay ng lingkod sa ating pamayanan," sambit nito.
Sumentro rin ang talumpati ni Castro sa tungkulin ng Pamantasan sa pagpapahalaga ng responsibilidad ng kabataang lider.
"Ang ating activity ngayon ay patunay na ang ating eskwelahan ay tumutugon sa pangangailangan ng ating komunidad, anuman ang nakaambang hamon at balakid. Parang tamaraw, laging sumusugod," saad ng Bise-gobernador ng Bulacan.
Sa kasalukuyan, si Castro ay nasa ika-dalawampung taon na ng kaniyang pampublikong paglilingkod.
Nagsimulang manilbihan si Castro sa Sangguniang Kabataan ng Barangay Lias, Marilao noong 2002 bago siya maihalal bilang isang konsehal ng Marilao mula taong 2007 hanggang 2013.
Naging pinakabatang board member sa lalawigan ng Bulacan si Castro matapos maihalal sa ikaapat na distrito noong 2016.
Ngayong 2022, nagbalik ang face-to-face Induction and Oath-taking Ceremony sa FEU matapos ang dalawang taon bunsod ng mahigpit na limitasyon sa malakihang pagtitipon noong 2019.
(Litrato ni Apollo F. Arellano/FEU Advocate)