Betsin at Utot: Sa Likod ng Damdamin at Hugot

FEU Advocate
August 07, 2016 21:57


Nina Daniza S. Fernandez at Angela Aguila

Nasubukan mo na bang sumubok ng iba’t ibang salita makuha lang ang panlasa ng iyong mambabasa? Halos lahat naman ata tayo ay iisa ang agenda at ‘yun ay ang makuha ang interest ng mga taong nasa social media. Hindi nakapagtataka kung maglipana ang mga Facebook page na kikiliti sa ating saloobin at makapupukaw ng atensyon natin.

Sa panahon ngayon hindi na mawawala ang hugot sa mga kabataan, maging sa mga simpleng bagay o gawain ay nagagawan pa ito ng mga malikhaing salitang makapagpapalabas sa nararamdaman ng bawat isa. Ang iba naman na hindi komportable sabihin ang saloobin ay idinadaan ito sa pagsulat. Kaya naman nagsulputan ang kabi-kabilang "hugot" pages sa Facebook tulad ng Poems Porn, The Artidote, Thought Catalog, at Betsin-artparasites kung saan maaaring mailathala ang mga malikhaing sulat ng mga tao.

Utot Catalog: Baho ng Manunulat

Hindi man kanais-nais mapakinggan ang salitang ‘utot’ at marahil marami pa rin siguro ang hindi komportableng sabihin ito. Ang malikhaing si Rod Marmol, 25 taong gulang ang nasa likod ng bawat pa-utot ng Facebook page na Utot Catalog. Para sa kan’ya ang salitang ito ay magandang simbolo para sa damdamin ng isang tao.

You always have to release that just like your emotional rants. ‘Di ba at some point darating ka sa part na ‘yun eh, you just have to let it out and people should not judge you for that. May gan’un siya, mabaho, iba-iba ng tunog, iba-iba ng ingay pero we all have that initiative version kasi galing sa’yo ‘yun eh,” pagpapahayag ni Marmol.

Nagtapos siya sa kursong Bachelor of Arts in Broadcast Communication sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Nagsilbing assistant direktor sa ABS-CBN (Alto Broadcasting System - Chronicle Broadcasting Network), hanggang sa pinili na mag-iba ng karera para pasukin ang industriya ng komersiyalismo at nagsilbi bilang isang copywriter; ibang-iba sa nauna nitong trabaho.

“Hindi lang s’ya fulfilling masyado so I had to choose at different venue to be more creative kasi parang ‘yung TV production, what they value is your speed,” saad ni Marmol.

Taong 2013 noong una niyang gawin ang Facebook page na Utot Catalog. Isang Facebook page na naglalaman ng mga tula at mga hugot tungkol sa pag-ibig, kaibigan, pamilya at maging mga paksa patungkol sa ating lipunan na mula sa manunulat nito at ilan galing sa mga tagasubaybay. Ayon kay Marmol, maituturing din itong isang lokal na bersiyon ng Thought Catalog.

Itinuturing niya ang kaniyang page bilang labasan na rin ng kaniyang saloobin, hinaing, at damdaming maaaring makapukaw sa lungkot na nararamdaman ng mga taong may pinagdaraanan.

I created this page [Utot Catalog] lang out of boredom and fear na people will unfriend me kasi puro rant lang ‘yung pino-post ko online so sabi ko, I needed a page to do that,” masayang pagku-kwento ni Marmol.

At dahil sa pagkilala at pagsikat ng pahina na kaniyang sinimulan, kaniya ring nabuo ang konsepto ng libro na mas tatalakay sa sakit ng mga Pilipinong dumaan sa iba’t ibang pagsubok sa buhay. “Puro ka hugot: Ibaon mo muna” ito ang pamagat ng kauna-unahang libro na nailathala ni Marmol, dito nakatala ang ilan na rin sa mga akdang naibahagi niya sa kan’yang page at ‘di rin mawawala ang mga bagong akda na inalay niya para sa mga masugid nitong mambabasa.

Tila napakamalikhain talaga ng mga Pilipino sa ganitong klase ng aspeto. At ibinahagi rin ni Marmol na kung ikukumpara man niya ang kaniyang sarili sa utot, sinabi nitong ang kaniyang magiging katangian ay ang klase na walang tunog pero mabaho. Para sa kan’ya, nangangahulugan ito ng pagiging misteryoso sa kabila ng pagiging mabagsik nito.

Betsin: Pampalasa ng Damdaming Pilipino

Isa pang tampok na pahina sa Facebook ay ang parody account ng Berlin-Artparasites. Ito ay ang Betsin-artparasites na ginawa ng magkaibigang sina Joshua Urbano at John Mark Ching. Iba’t-ibang tao, iba’t-ibang hugot sa buhay, iba’t-ibang panlasa, kahit anong putahe pa ‘yan, basta’t lagyan ng betsin ay magkakaroon ng buhay.

Ayon kay Urbano, mag-aaral ng Multimedia Arts sa Lyceum of the Philippines University Cavite at isa sa namamahala ng nasabing page, hindi naman nila balak na pagtuunan ng pansin ang pahina. Ito ay kanilang pampalipas oras at kasiyahan lamang.

“Napag-tripan lang talaga namin. Gagawin namin siyang spoof/parody lang talaga ng Berlin-Artparasites with cheap arts and kalokohan verses. Then may nag-submit ng hugot verse ta’s parang mas bumenta siya,” batid niya.

Sa ngayon ay may mahigit 400,000 likes na ang kanilang pahina. Mahigit 300,000 na tao na may iba’t ibang emosyon at kalagayan sa buhay. Libo-libong mga tao na nakaka-relate sa mga literaturang ipino-post nila at ipinaparamdam sa kanilang mga taga-subaybay na mayroon silang kasangga.

“D’un din nila nararamdaman na hindi lang sila nag-iisa, na may kaparehas sila ng feelings. Nakaka-relate ‘yung iba sa mga post ta’s ‘yung iba nae-entertain. Nakakapag-emote sila nang ‘di nahuhusgahan. Minsan nakakakuha sila ng idea or payo about life. Minsan may realization every once na nakabasa sila ng post,” saad ni Urbano.

Hindi lamang aliw ang hatid ng Betsin-artparasites. Maliban sa pagpaparamdam sa mga mambabasa na mayroong nakaiintindi sa kanila, may aral ring mapupulot ang mga tumatangkilik sa pahinang ito.

“Minsan nagpapa-simpleng pangaral ako sa mga tao pero sa witty na way. Entertainment na may halong kaunting lesson. ‘Yung ibang post na nakukuha namin sa nagsa-submit ng entry gan’un din. Hanggat maaari ‘di lang basta post.”

Sa pagsulpot ng iba't ibang page na masasabing nagbukas ng pinto para sa literatura, sinong mag-aakala na kaya rin pala nating mga Pilipino na makipag-sabayan, magpasikat at umani ng libo-libong likes sa social media. Hindi pa rin dito nagtatapos ang paglikha at paglinang ng mga ganitong uri ng page, kung saan idinadaan sa hugot ang sakit na nadarama. Dahil ang bawat salita na ating ipinapahayag ay kalakip ang kahulugan ng pagiging isang indibidwal.