FEU students among Markprof Bootcamp’s finalists
- October 04, 2021 08:03
FEU Advocate
February 13, 2026 09:56

Nina Bianca Bumatayo at Shane Tapican
Madalas inilalarawan ang mga kababaihan bilang sagisag ng kahinaan—pinagkaitan ng kapangyarihang ipaglaban ang sariling kalayaan. Ngunit sa malikhaing direksiyon ni Nerlin Ann Cometa sa dulang ‘Ayoko kay Helena,’ mayroon silang tinig, lakas, at kakayahang hamunin ang mga hangganan ng kanilang mundo.
Itinanghal ng MEDIARTRIX - UST ang produksiyon gamit ang malikhaing pagsulat nina Benedict Pami at Dominique Jose.
Hango sa alamat ni Helen of Troy sa mitolohiyang Griyego, muling binigyang-buhay ng dula ang sinaunang mito sa lente ng kontemporaneong Pilipinas.
Sa panahon ng sinaunang mitolohiya, madaling ituro bilang salarin ang kababaihan. Kung kaya’t sa orihinal na salaysay, naging madali para sa lipunan na ituro ang bidang babae na si Helen.
Mula noong madakip at maakit siya ni Paris, itinuring si Helen bilang isang gantimpala na walang kapangyarihang bumoses at pumili. Kaya noong sumiklab ang Trojan War, naging madali para sa lipunan na ituro siya bilang sanhi ng digmaang, sa katotohanan, ay hinubog ng politika at mga pasyang ginawa ng kalalakihan.
Sa halip na siyasatin ang tunay na ugat ng labanan, patuloy na ibinaling ang sisi at pangdidiin sa kawawang dalaga—walang pinagkaiba sa sinapit ni Helena de Jesus ng Diyosa.
Sa ganitong pagsasalin, inilantad ng produksiyong musikal ang mga anyo ng karahasang hindi pa rin nagwawakas laban sa kababaihan.
Mukha ng kawawang mutya
Umikot sa dula ang kuwento ng babaeng mang-aawit na si Helena (ginampanan nina Dannah Arciaga at Riccy Belmonte), kasama sina Athena (Darlene Rivera) at Hera (Cheska Antonio at Faith Humirang) bilang trio singers na mga anak ni Venus (Jes Padua).
Tatlong magagandang dilag ang pinangangasiwaan ni Paris (Louis Pinto) na bumuo ng platapormang magsisilbing daan sa kanilang pagsikat.
Binuksan ang dula sa isang engrandeng konsiyerto sa Kaimito Boulevard na sumasalamin sa rurok ng kasikatan ng grupong Diyosa.
Subalit sa gitna ng pag-awit nina Helena, Athena, at Hera ng kanilang signature song na ‘Diyosa ng Musika,’ sinabotahe ni Paris ang audio ni Helena, na naging sanhi ng aberya sa kaniyang pagtatanghal.
Ginamit niya itong paraan upang maging matunog at maging tampok ng usapin ang magiging imahe ni Helena at kumita ang pangangasiwa ni Paris sa kanilang pangkat.
Naging sanhi ang insidenteng ito ng takot at tensiyon kay Helena kaya’t natumba at napilayan siya. Bagaman naitayo agad siya nina Athena at Hera, naging sentro pa rin ito ng usapan sa midya at kumalat ang kontrobersiyang hindi propesyonal ang sikat na artista.
Pagkatapos ng kaguluhan, inilipat ang tagpo sa likod ng entablado, kung saan lumabas muli si Paris bilang mukha ng isang mapagsamantalang sistema.
Nagngangalit niyang sinisi si Helena kahit aksidente lamang ang nangyari. Sapagkat para sa kaniya, tuwirang banta sa reputasyon at kita ng tanyag na grupo ang anumang kapintasan sa bawat palabas na inihahandog nila sa publiko.
Sa tagpong ito, luminaw kung bakit si Helena ang laging puntirya. Bilang “mukha” ng Diyosa, siya rin ang inaasahang sumalo sa lahat ng kontrobersiya.
Kitang-kita rito ang mabigat na pasaning ipinapataw sa kababaihan kung saan inaasahan silang patuloy na patunayan ang kanilang halaga, tiisin ang panggigipit, at manatiling perpekto sa mata ng masa.
Habang umuusad ang kuwento, mas lalong lumulutang ang patriyarkal na sistemang gumagapos sa mga kababaihan sa industriya, lalo na sa kawawang mutyang si Helena.
Sa bawat isyung sumisiklab, siya ang paulit-ulit na nagiging sentro ng kritisismo, samantalang kadalasang nananatiling ligtas sa parehong sistema ang iba pang mga tauhan, partikular na ang kalalakihan.
Lumalim pa ang tensiyon nang mapilitang umawit si Helena sa isang malaking konsiyerto.
Ipinakilala ang naturang pagtatanghal bilang isang charity event—isang programang inaasahang magbibigay-tulong at inspirasyon sa mga nangangailangan.
Subalit kalaunan, nabunyag na isa lamang itong concert laundering scheme na kinasasangkutan ng mga makapangyarihang politiko.
Bagama’t marami ang pasimuno ng eskandalong ito, si Helena pa rin ang ginawang mukha ng kontrobersiya. Siya ang hinusgahan. Siya ang pinagtuunan ng galit ng publiko. Siya ang naging simbolo ng pagkakamaling hindi naman siya ang lumikha.
Sa pinakamabigat na yugto ng dula, umalingawngaw ang sigaw ng mga tauhan: “Ayoko kay Helena!” isang linyang puno ng pagkamuhi at panghuhusga. Si Helena lamang ang pinapako at pinagdudusa—binansagang ‘huwad na mutya’ sa mata ng madla.
Gayunman, sa gitna ng walang humpay na pambabatikos at mapanirang espekulasyon laban sa kaniyang pagkatao, muli niyang ibinangon ang sariling paninindigan.
Naging matibay na sandigan niya ang pagmamahal at kalinga ng kaniyang Mama Venus, gayundin ang suporta nina Athena at Hera.
Sa tulong ng kanilang pag-agapay, unti-unting nagkaroon ng lakas ng loob si Helena upang harapin at hamunin ang sistemang pinanday ni Paris—isang industriyang handang isakripisyo ang dangal at pagkatao ng kababaihan kapalit ng kasikatan, kita, at kapangyarihan.
Ginamit ng bidang dalaga ang kaniyang tinig bilang sandata: umawit nang buong tapang, ipinahayag ang kaniyang galit at paninindigan, at sa bawat nota, unti-unting naputol ang tanikalang matagal nang nakakadena sa kaniya.
Maski si Helena, ayaw kay Helena
Inilantad sa Ayoko kay Helena ang paulit-ulit na parusang ipinapataw sa kababaihan—ang patahimikin sa gitna ng pang-aapi, diktahan ang kanilang katawan, at baluktutin ang naratibo sa oras na maglakas-loob silang bumoses.
Bagaman hango ito sa isang mito, hindi nalalayo ang mga karakter nina Helena, Athena, at Hera sa totoong mundo.
Bilang mga artistang minamanduhan kung paano kikilos, mananamit, at magsasalita, naging salamin sila ng araw-araw na pakikibaka ng mga kababaihan sa industriya, trabaho, at mata ng publiko.
Ayon kay Pami, ginamit ang mito ni Helen of Troy bilang paraan upang ilahad ang karanasan ng kababaihang madalas hindi maunawaan ng lipunan.
“Kuwento siya ng maraming kababaihan na hindi naintindihan ng karamihan at may legasiyang hindi akma kung sino talaga sila. Noong nalaman ko ‘yung about Helen of Troy, nakita ko siya as an opportunity to tell a story and mix my interests, and at the same time, honor the woman that raised me (bilang oportunidad na magsabi ng isang kuwento at haluan ng mga kinahihiligan ko, at mabigyang-pugay ang babaeng nagpalaki sa akin),” ani ng manunulat.
Isinulat at itinanghal ang produksiyon upang ipakita kung paano nagiging ugat ng karahasan ang mga sistemang tagilid ang pamantayan at may bakas ng pagkamuhi sa kababaihan.
Sa katunayan, idinagdag din ni Cometa, ang konteksto ng pinagmulan ng kanilang paksang nais matalakay sa dula.
“Kumuha kami ng inspirasyon sa totoong buhay na puwede namin maihalintulad, tulad ng fan cultures, celebrity, and cancel cultures na maihahambing sa kung ano ang pagsubok ng mga kababaihan ngayon, lalo na sa mapang-abusong lipunan,” pahayag ng direktor.
Sa modernong panahon, limitado pa rin ang boses ng kababaihan. Maski sa larangan ng pagtatrabaho, nananatili ang paniniwala ng ilan na walang puwang ang pag-angat ng kababaihan kung hindi ito nakasandig sa utos o pahintulot ng mga kalalakihan.
Dito ipinakikita na patuloy pa ring ipinipilit ng sistema ang pananaw ng karamihan na nakasandal ang kababaihan sa bisig ng dominanteng kasarian.
Sa lipunang nangingibabaw ang kalalakihan, hindi maitatanggi na isa itong kalakarang patuloy na humihila pababa sa diwa ng mga kababaihan. Madalas ligtas sa panghuhusga ang mga lalaki dahil pabor sa kanila ang umiiral na sistema. Sila ang patuloy na pinangangalagaan at iniluluklok sa mga posisyon ng kapangyarihan.
Ngunit tulad ni Helena, dapat din nating angkinin ang ating puwang sa mundo. Kapag ipinagkait ito sa atin, kumuha tayo ng pala at maghukay ng sarili nating landas. Dahil taglay natin ang lakas upang likhain ang espasyong ipinagkakait sa atin.
Babae ka, may laban ka
Hindi lamang natatapos ang pagtatanghal sa malakas na palakpakan ng madla. Winawakasan din ito nang may boses na magmamarka ng paninindigan sa mga kababaihan sa pamamagitan ng pagtibag sa nakagisnang korap na sistema.
Ibinahagi naman ni Pami na dahil sa makabagong ikot ng kuwento, sinigurado nilang malalatag nang maayos ang kuwentong mag-iiba sa imahe ng kababaihan na sinisimbolo ni Helena.
“When applying it in the context ng modern Philippines (sa paglapat nito sa konteksto ng modernong Pilipinas), sinigurado namin na may sariling desisyon si Helena, hindi niya pinansin ang sistemang magpapalubog sa kaniya, at higit sa lahat, boses niya ‘yung marinig sa dulo,” aniya.
Sa huling yugto, napabagsak ang tunay na may sala at mukha ng lehitimong kontrobersiya. Mas bumuhos ang malakas na pambabatikos ng madla subalit ginamit ni Helena ang kaniyang boses sa pagkanta at tahasang lumaban sa sistemang ugat ng kalapastanganan.
Ginamit niya ang sariling kakayahan upang tibagin ang konsepto ng diskriminasyon at muling itaguyod ang pundasyon ng matatag na diwa ng mga kababaihan.
Higit pa rito, nagbigay-inspirasyon ang naitanghal na sining sa publiko. Itinuro nito kung gaano kahalaga maging matapang, ipaglaban ang espasyong nakalaan upang magningning bilang isang babae, at gamitin ang boses na nararapat pakinggan.
Isa sa hindi malilimutang linya ni Helena sa kanilang huling pagtatanghal nina Athena at Hera ang pumukaw sa puso at damdamin ng mga manonood.
“Hindi porke’t babae ka ay lagi kang mahina. Kahit babae ka, may laban ka. Nasa iyo ang musika, kaya malaya ka.”
Mula sa hiyawan ng manonood na tagasuporta ni Helena, tunay na nanaig ang diwa ng kababaihan. Nakawala rin ang kanilang musika mula sa bitag ng mapagsamantalang pamamahala ni Paris.
Bilang paglalahat, hindi lamang maituturing na pang-aliw o ordinaryong drama ang Ayoko kay Helena, bagkus ay isang palabas na sumasalamin sa katotohanan at sa lipunang may kababaihan na may kakayahan manindigan.
Ipinahayag ng dulang ito na may buong laban ang mga kababaihan. Sa patriyarkal na lipunan ng bansa, ang kababaihan pa rin ang simbolo ng tanyag na modelo ng katapangan at kagitingan.
Panahon na upang buwagin ang mga hangganang itinatakda ng lipunang may tagilid na pamantayan. Sapagkat kung hindi aabante ang kababaihan, sino ang magsisilbing liwanag sa madilim na sistemang lumalamon sa kanilang karapatan?
Sa pamamagitan ng dulang Ayoko kay Helena, pinatunayan ng MEDIARTRIX - UST kung gaano kalakas ang paninindigan ng mga kababaihang may tapang at boses na nananaig sa isang lipunan. Isang entabladong hindi lamang pinagmumulan ng aliw, kung hindi nagsilbing lunan ng paglaban at pag-angkin sa puwang na matagal nang ipinagkait sa kanila ng lipunan.
(Kuha ni James Neil Tamayo/FEU Advocate; Latag ni Jeffrey W. Dela Cruz/FEU Advocate)