Ang Maringal na Sungay sa Naglalahong Kagubatan

Nina Princess Emriche Jhoye C. Carag, Misaki F. Koizumi, Francheska Louise M. Silvestre, at Rhyse Cheyann Q. Tancio

Ipinagmamalaki, tinitingala, at tinatangi — ganiyan kung ituring ang isang tropeo na nakapaskil sa sulok ng salas sa isang tahanan. Pinahahalagahan ito nang lubos; kahit kapiranggot na alikabok ay hindi makadapo, at sa bawat pagtama ng sinag ng araw, nagniningning ang ginto nitong katawan. Subalit malayo sa kinang ng panalo, roon sa madilim at masukal na kagubatan, maririnig ang panaghoy ng tunay na kampeon — ang tamaraw na patuloy na nakikipaglaban sa banta ng tuluyan nitong pagkalipol. 

Hindi nasusukat sa isang buwang pagdiriwang ang pagpapahalaga sa tamaraw, bilang sagisag ng lakas at katatagan ng mga mag-aaral ng Far Eastern University (FEU), nararapat din itong kilalanin bilang isang buhay na pamana ng kalikasang Pilipino na nangangailangan ng patuloy na pagkalinga. Sa likod ng pagkilalang tinatamasa ng Unibersidad, nananatili ang isang katutubong hayop na nanganganib maubos, at kung tuluyang maglaho ay mag-iiwan ng puwang sa likas na yaman ng bansa.

Ang bantayog sa puso ng Malayong Silangan

Sa loob o labas man ng Pamantasan, hindi maihihiwalay ang endemikong hayop ng Mindoro sa pagkakakilanlan ng mga mag-aaral ng FEU. Sa pangalang ‘Tamaraw,’ nagkakaisa ang libo-libong mag-aaral bilang isang komunidad na bitbit ang diwa ng lakas, tapang, at katatagan sa anumang landas na kanilang tahakin.

Higit pa sa sagisag na kinagisnan, ang tamaraw ay bahagi ng likas na yaman at pamana ng bansa — isang natatanging uri ng kalabaw na naninirahan sa mga kabundukan at matatagpuan lamang sa Pilipinas.

Nagsimula ang ugnayang ito sa hangaring magkaroon ng isang pamantasang tunay na kumakatawan sa pagka-Pilipino, sa kabila ng pangalang tumutukoy sa Malayong Silangan. Ibinahagi ni James Owen Saguinsin, propesor mula sa Department of Language and Literature ng FEU, ang kuwento sa likod ng pagpili sa tamaraw bilang sagisag ng Unibersidad sa isang panayam ng FEU Advocate.

Ayon sa kaniya, nakaugat ang pasiyang ito sa layon ng tagapagtatag na si Nicanor Reyes Sr. na itampok ang pagkakakilanlang Pilipino ng FEU. Bilang isa sa mga unang pamantasang itinatag ng isang Pilipino at hindi nakaangkla sa anumang relihiyon, angkop na maging sagisag ang isang hayop na likas at natatangi sa kapuluan.

“Gustong gawin ni Nicanor [Sr.] na maging authentic Filipino ‘yung university, and what better way [to do that than] to use the tamaraw as the animal mascot? (Nais ni Nicanor Sr. na maging lantad ang pagiging maka-Pilipino ng unibersidad, at ano pa nga bang mas magandang paraan upang maipakita ito kung hindi ang paggamit ng tamaraw bilang sagisag ng institusyon?),” paliwanag ni Saguinsin.

Nilinaw rin ng propesor ang isa pang naratibo hinggil sa pinagmulan ng sagisag, partikular ang paniniwalang pinili ang tamaraw dahil sa umano’y pangangaso rito ng tagapagtatag ng Pamantasan. Taliwas dito, binigyang-diin niyang nakaugat ang pagpili sa payak na adhikaing magkaroon ang FEU ng sagisag na sumasalamin sa likas na yaman ng Pilipinas.

Higit pa sa pagiging natatanging yaman, kinakatawan din ng tamaraw ang mga katangiang maaaring magsilbing gabay sa mga mag-aaral sa pagharap sa mga hamon ng buhay.

Sa taglay nitong tapang at kakayahang mabuhay sa ilang, batid ni Saguinsin ang pagkakatulad nito sa mga estudyanteng Tamaraw na balang araw ay haharap sa mundong naghihintay sa labas ng mga silid-aralan.

“Talagang malalaman mo na ‘yung resiliency ng tamaraw — ‘yung pagiging matapang ng tamaraw — ay kailangang-kailangan ng isang Tamaraw student sa pagharap dito sa mundong kaniyang ginagalawan,” diin ng propesor.

Sa ganitong diwa, nagiging paalala ito sa mga mag-aaral na baunin ang tapang at katatagan sa mga pagsubok na kanilang tatahakin; kaakibat ng iniwang mensahe ni Nicanor Reyes Sr. na “Be Brave.” 

Pinagtitibay rin ng sagisag na ito ang natatanging pagkakakilanlan ng Pamantasan: sa halip na humiram ng sagisag mula sa ibang bayan, pinili nitong bigyang-ilaw ang isang hayop na likas na bahagi ng sariling bansa.

“‘Yung tamaraw na ‘yan, ‘no, talagang Filipino — talagang uniquely Filipino. That’s parang bragging rights natin na ‘yon ‘yung ating animal mascot,” dagdag ni Saguinsin.

Gayunpaman, sa likod ng emblema na nagbibigay-lakas sa mga mag-aaral ay ang tunay na kalagayan ng mga tamaraw na patuloy na nanganganib sa likas nitong tahanan sa Mindoro. Habang nananatili itong bahagi ng pagkakakilanlan ng FEU, nalalagay sa bingit ng tuluyang pagkalaho ang mismong hayop na pinagmulan ng sagisag nito.

Kaya naman ang pagmamalaki sa pagiging Tamaraw ay hindi dapat nagtatapos sa mga insigniya, kulay, at pangalang nagbubuklod sa Pamantasan. Kaakibat nito ang pananagutang bigyan-pansin at pangalagaan ang hayop na kumakatawan sa mga pagpapahalagang ipinagmamalaki ng komunidad, sapagkat walang saysay ang pagdakila sa isang simbolo kung pababayaan namang mawala ang mismong buhay na kinakatawan nito.

Higit sa sagisag, isang tanging pamana

Sa mga uniporme at bawat sulok ng kampus, nakaukit ang anyo ng isang hayop na naging bahagi ng pagkakakilanlan ng FEU. Ngunit malayo sa ingay ng Pamantasan, matatagpuan ang mga tamaraw na malayang naninirahan sa mga damuhan at kabundukan ng Mindoro.

Bago pa man ito naging sagisag ng Unibersidad, taglay na ng tamaraw ang sariling kabuluhan bilang isang natatanging yaman ng kalikasang Pilipino. Higit pa sa pagkakakilanlan nitong iniuugnay sa mga mag-aaral ng FEU, isa itong katutubong hayop na na may kuwentong sumasalamin sa pakikibaka nito para manatiling buhay.

Matatagpuan lamang sa isla ng Mindoro ang tamaraw, isang mailap na uri ng kalabaw na kilala sa siyentipikong pangalang Bubalus mindorensis. Naiiba ito sa karaniwang kalabaw dahil sa mas maliit na pangangatawan, maitim na balahibo, at maiikli ngunit matitibay na sungay na hugis-V. Ang mga katangiang ito ang namumukod dito sa iba pang uri ng kalabaw at nagbibigay ng sariling puwang sa gitna ng iba pang likas na yaman ng kapuluan.

Sa kulturang Pilipino, matagal nang iniuugnay ang kalabaw sa sipag, lakas, at tiyaga ng mga magsasaka. Para kay Saguinsin, ang pagpapahalaga sa mga tamaraw ay sumasalamin sa katatagan ng mga Pilipino upang maprotektahan ang sariling pagkakakilanlan.  

“Ang pangangalaga nito at pagsalba sa endangered status or critically endangered status — na mapalago natin — ay pagpapakita hindi lamang ng pangangalaga natin sa tamaraw, kundi ang resiliency nating mga Pilipino na isalba ang isang endangered na identity nating mga Pilipino,” paliwanag ng guro.

Sa likas na tirahan nito, kapansin-pansin ang pagiging mailap ng tamaraw. Hindi tulad ng karaniwang kalabaw na madalas makitang magkakasama, mas pinipili ng mga nasa hustong gulang na tamaraw na mamuhay nang mag-isa. Maaari rin itong maging agresibo kapag nakaramdam ng panggagambala mula sa tao.

May pagkahilig din ang endemikong hayop sa mga basang kapaligiran, madalas itong maglubog ng katawan sa mga hukay na may putik at manatili malapit sa mga latian upang magkaroon ng sapat na tubig. Karaniwang nagaganap ang pagpaparami nito tuwing tag-init upang maisilang ang mga anak sa pagsapit ng tag-ulan, kung kailan mas sagana ang pagkain. 

Nagbago rin ang oras ng pagiging aktibo ng tamaraw dahil sa mga panggagambala sa likas nitong tirahan. Kung dati ay nanginginain ito mula umaga hanggang hapon, mas madalas na itong maging aktibo sa gabi at nagkukubli sa mga damuhan sa maghapon.

Bilang isa sa mga katutubong hayop ng Pilipinas, bahagi ang tamaraw ng likas na yaman na hindi matatagpuan saanman sa mundo. Sa likas na tirahan nito sa kabundukan ng Mindoro, may kuwentong sumasalamin sa buhay ng isang natatanging hayop na patuloy na nakikibagay sa mundong ginagalawan nito. Sa likod ng pangalang ipinagmamalaki sa mga uniporme at logo ay isang buhay na may sariling tahanan at kinabukasan — isang nilalang na nararapat kilalanin at pangalagaan. 

Banta sa gitna ng luntiang kanlungan

Sa kabila ng pagiging simbolo, patuloy na nahaharap sa iba’t ibang banta ang mga tamaraw sa kagubatan ng Mindoro. Ang pagkasira ng kanilang likas na tirahan at iba pang suliraning pangkapaligiran ay naglalagay sa kanilang populasyon sa panganib ng tuluyang pagkalipol. 

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang pagkasira ng kalikasan na nagsisilbing likas na tahanan ng mga tamaraw ay isa sa mga pangunahing banta sa kanilang patuloy na pag-iral.

Sa mga numero, 425 na ang kabuoang bilang ng mga tamaraw sa Mount Iglit-Baco sa Mindoro — ang pinakamataas sa mga nagdaang taon. Gayunpaman, nananatiling hamon ang pangangalaga sa kanilang likas na tirahan, na patuloy na nanganganib dahil sa deforestation, ilegal na pangangaso, at pagpapalawak ng mga pamayanang sumisira sa kagubatan at damuhang nagsisilbing kanilang kanlungan at pinagkukunan ng pagkain. Sapagkat sa bawat punong nawawala, lupang nasasakop, at tirahang nasisira, unti-unti ring nababawasan ang espasyong kinakailangan ng mga tamaraw upang mabuhay at magpatuloy ang kanilang lahi.

Sa pagliit ng kanilang tirahan dahil sa mga gawain ng tao, nalalagay sa panganib ang mga lugar na pinagkukunan ng pagkain at kanlungan ng mga tamaraw. 

Hindi lamang pagkawala ng tirahan ang suliraning kinahaharap nila, kung hindi pati ang hamon ng pagpapanatili ng sapat na populasyon upang matiyak na magpapatuloy ang kanilang lahi. 

Lalong pinatitindi ng pagiging natatangi ng kanilang populasyon sa Mindoro ang pangangailangang mapangalagaan ang kanilang tirahan at tiyakin ang kanilang kaligtasan. Sa bawat kagubatang nasisira, hindi lamang mga puno at halaman ang nawawala, kung hindi pati ang pagkakataong mabuhay at dumami ang isang hayop na matagal nang bahagi ng likas na yaman ng kapuluan.

Sa gitna ng mga suliraning ito, mahalaga rin ang kamalayan ng publiko sa pagsusulong ng pangangalaga sa tamaraw. 

Binigyang-diin ni Saguinsin na ang paggamit ng FEU sa simbolong tamaraw bilang sagisag ay isa ring panawagan sa publiko na pahalagahan, pangalagaan, at ipaglaban ang patuloy na pag-iral ng katutubong yaman ng kapuluan.

“Masasabi nating symbolic din na kailangan makuha natin ang katangian ng tamaraw, ‘yung resilient, hindi basta natatakot at umaatras dahil kapag ‘yan nakakita ng intruder, hindi yan nananakbo; talagang lumalaban ‘yan. Dapat gamitin natin ‘yung characters ng tamaraw sa pagsalba ng mismong tamaraw,” aniya.

Bagaman isa itong buhay na alaala ng katatagan ng mga Pilipino sa harap ng pagsubok, hindi sapat ang pagiging matatag. Sapagkat higit sa pagkilala rito bilang simbolo, nararapat na maipakita ang tunay na pagpapahalaga sa mga tamaraw sa pamamagitan ng mga kongkretong pagkilos para sa kalikasan.

Panawagan sa likod ng bantayog

Isang malakas na hiyaw: “Let’s go Tamaraws, let’s go!” ang karaniwang maririnig sa pagdiriwang ng komunidad ng FEU habang itinataas ang bandilang sagisag ng tindig ng dakilang hiyas ng kabundukan. Ganito kaingay ang ating pagbibigay-pugay sa simbolo ng Unibersidad, ngunit hindi natin namamalayan na sa likod ng lahat ng ito, tahimik na umaatungal ang mga tamaraw habang hinaharap ang banta ng pagkalipol.

Ayon kay Venz Philip Peralta, pangulo ng FEU Tamaraw Volunteers – Manila, malaki ang pinagkaiba ng simbolo ng tamaraw sa tunay na kalagayang hinaharap nito. 

“Habang ligtas nating ipinagmamalaki ang simbolo sa loob ng unibersidad o kampus, ang tunay na tamaraw ay patuloy na nakikipaglaban sa banta ng pagkawala o pagkalipol sa Mindoro,”  mariing paalala nito sa hiwalay na panayam.

Binigyang-diin din ni Peralta na hindi lamang sa pagharap sa mga hamon ng paaralan nasusukat ang determinasyong kinakatawan ng isang Tamaraw, bagkus maging sa aktibong pakikilahok at responsableng pagkilos bilang bahagi ng pamayanan.

Lalo pang tumindi ang kahalagahan ng tungkuling ito nang lumitaw ang nakaaalarmang sitwasyon ng mga tamaraw — ang maliit nitong populasyon at patuloy na banta sa kanilang tirahan. Samakatuwid, hindi dapat ikulong sa loob ng silid-aralan ang responsibilidad ng bawat mag-aaral; dapat maisalin din ito sa makabuluhang pagkilos para sa lipunan.

Maituturing na makatuturang hakbang ang pagsuporta sa mga inisyatibang naglalayong pangalagaan ang ating buhay-ilang, tulad ng Tamaraw Conservation Program ng DENR. 

Kasabay nito, isinusulong din ng FEU ang konserbasyon sa Mindoro katuwang ang Mindoro Biodiversity Conservation Foundation, Inc. upang pangalagaan ang mga tamaraw at ang kanilang tirahan — kabilang ang masusing pag-aaral ng kanilang buhay, pag-unawa sa kanilang kapaligiran, at pagbuo ng epektibong pamamaraan upang matiyak ang pangmatagalan nilang proteksiyon.

Mula rito, mahihinuhang hindi lamang isang uri ng hayop ang mawawala kung tuluyang maglaho ang mga tamaraw; kasabay nito ang pagkawala ng isang mahalagang bahagi ng ating likas at kultural na pamana. Magdudulot ito ng malaking butas hindi lamang sa maselang balanse ng ekosistema ng Mindoro, kung hindi maging sa ating sariling pagkakakilanlan. 

Mag-iiwan ang paglaho nito ng isang hungkag na simbolo sa mga susunod na henerasyon, kung saan tanging sa mga pahina ng libro at bantayog ng kampus na lamang mapagmamasdan ang mga tamaraw.

Sa huli, ang pagiging ‘Tamaraw’ ay hindi lamang isang tatak na ipinagmamalaki tuwing may karangalang tinatamasa ang Pamantasan. Bitbit ng pangalang ito ang isang makasaysayang kuwento at mga kamalayang nananawagan sa ating moral na pananagutan. 

Hindi nasusukat sa mga papuri at pagbubunyi ang tunay na tagumpay, kung hindi sa kakayahang protektahan ang mismong hayop na nagbibigay-kahulugan sa ating ngalan. 

Higit pa sa pagkilala sa tamaraw bilang isang simbolo, nararapat ding makiisa sa mga pagsisikap na tiyakin ang kaligtasan ng mga natatanging hayop sa bansa at pangalagaan ang tirahan nito. Sapagkat ang tunay na pagpapahalaga sa tamaraw ay nasusukat hindi lamang sa kinang at tikas ng bantayog, kung hindi sa mga pagsisikap na matiyak na may tunay pang maringal na sungay na maipagmamalaki ang mga susunod na salinlahi.

(Dibuho ni Miles Munich Montreal Jimenez/FEU Advocate)