What I Drink
- July 26, 2023 06:32
FEU Advocate
August 30, 2023 16:43
Agosto Na Naman
Magdamag na walang tigil ang mabibigat na pagpatak ng ulan. Bawat pagbagsak nito’y mapagkakamalang yelong lumalagapak sa yero. Kinaumagahan ay binati ako ng nag-aagaw na liwanag at dilim sa langit. At sa aking pagtanaw, aking muling nagsisiguro kung ano ang maghahari.
“Jora, hija,”
“Kapapasok lamang na balita, patuloy na lumalakas ang Bagyong Egay. Itinaas na sa Yellow Rainfall Warning ang maraming lugar sa Central Luzon,” anunsyo sa radyong kagabi ko pa inaantabayanan.
Napabuntong-hininga ako. Eto na naman tayo.
Malakas na kalabog ang lumagos sa’king tainga, dahilan kung bakit napabalikwas ako sa aking pagkakaupo. Lumingon ako sa’king likuran at sinalubong ako ng aking tiyahin.
“Jora, tinatanong kita. Naayos mo na ba ang mga gamit mo?”
Tumango ako, “Kagabi pa po.”
“Mabuti. Halika muna, tumulong ka magbuhat ng mga gamit,” utos niya.
Walang reklamo akong sumunod sa kanya. Matapos makapagligpit, nagpaalam ako na lumabas, sinamantala na panandaliang tumigil ang ulan. Pinayagan ako ng aking tiyahin at tyaka pinaalalahanang agarang bumalik.
Walang kamalay-malay akong naglakad patungong sementeryo. Yumuko ako sa kulay abong puntod ng aking ina at pinagpagan ang alikabok na namumuo sa marmol na lapida. Matapos nito ay sinindihan ko ang kandilang dala-dala.
“Ma, bumabagyo na naman.”
Ramdam ko ang pagkirot ng aking dibdib kasabay ng pangingilid ng luha sa mga mata. Sa’king pagpikit, naramdaman ko ang pagdampi ng malamig na ambon sa aking balat.
Ang bawat patak nito ay tila balang gumagatilyo sa mga alaalang nais ko na sanang talikuran.
“Oh, nilalamig ka ‘no? Eto, nagluto ako ng paborito nating lugaw,” aniya, isang araw ng taon 2011, sa kasagsagan ng bagyong Pedring.
“Aba naman ang nanay ko, masyado akong paborito!” Bahagyang pang-iinis ko.
“Ikaw lang naman ang anak ko!”
Sabay kaming natawa. Niyakap ko siya nang mahigpit.
Sa mga nagdaan pang taon, paiba-iba man ang naging timpla ng panahon, hindi natinag ang alaga’t pagmamahal ng aking ina. Mula sa masasarap niyang luto hanggang sa walang kapagod-pagod na pag hatid-sundo, bawat papel ay kayang magampanan basta para sa’king kapakanan.
Kaya hindi kataka-taka ang mga unos na napagdaanan naming mag-ina. Hindi naging madali, ngunit lagi namin nalalagpasan basta’t magkasama kaming dalawa.
“Naiayos mo na ba ang mga gamit mo?” tanong niya.
Ngumiti ako, “Syempre naman Ma, ako pa ba?”
Ngunit iyon na pala ang huling beses na maririnig ko ang paalala ni Mama.
Ang pagbalot ng malamig na hangin at pagkalat ng tila mantsa na ulap sa kalangitan ay hindi lamang pala tanda ng paparating na bagyong Yolanda, kun’di ay ang pagsambulat ng katotohanang ang pinakamamahal kong ina ay mawawala na.
Isang beses, sa lahat ng pagkakataon na nariyan ako para sa kanya, kinapos ako ng oras abutin siya. Ramdam ko parin ang kaba nang higitin ko ang kapitbahay naming naghahangos na makalikas, “Aling Tanya, nasaan ho si Mama?”
Umiwas siya ng tingin, “Hija…”
Katumbas ng bawat segundong lumilipas, lumalala ang paninikip ng aking dibdib.
“Mapilit siya. Ayaw sumama.”
Nalukot ang kanyang mukha, halos ‘di maipinta, “Iniintay ka niyang maka-uwi at sa takot na magkasalisi kayo, nagpaiwan siya sainyo.”
Nagpintig ang aking tainga. Namanhid ang katawan sa gitna ng magulong kapaligiran.
Nanginginig ang labi kong lumapit sa tanod na nag-aasikaso ng mga lumilikas, “M-Manong, kailangan ko…”
Unti-unti kong naramdaman ang pagbabara ng lalamunan ko—naglalaban ang bugso ng damdamin at ang nais sabihin.
“Kailangan kong makauwi. Hinihintay po ako ni Mama sa bahay.”
Tumikhim siya, “Hija, pasensya na, hindi kita pwedeng basta pabayaan. Baka natulungan na ng iba na makalikas ang nanay mo.”
Muntik na ako maniwala. Ngunit nang marinig ko ang boses sa radyong hawak niya, “Sikapin mong mailikas ang mga tao dyan. Kakaunti lang ang mga natira mula sa Bayan ng San Isidro. Mabilis tumataas ang tubig, halos lagpas tao na sa ibang ibayo.”
Napagtanto kong huli na nga ang lahat.
Humugot ako ng malalim na hininga. Dumilat sa nangangalahating kandila. Ang katawan nitong nanlalata ay tila nagpapaalala sa’kin sa nakaraang kahit kailanman ay hindi ko matatakasan.
“Pano ba ‘yan, Ma, tag-ulan na naman,” lumandas ang luha sa’king pisngi.
“Sampung taon na pero hinding-hindi ako makakalimot. Tuwing papatak ang ulan at darating ang bagyo, hindi ko mapigilan ang sarili ko,”
Kasabay ng mahinang paghikbi ko ay siyang pagluha rin ng langit sa lupang inaapakan ko.
“Eto na, Agosto na naman.”
-Wyan Aira Mendez
(Dibuho ni Elysse Nicolle Duller/FEU Advocate)