
In Thy Happy Streets
- June 10, 2024 16:58
FEU Advocate
January 19, 2025 15:57
Ni Dianne Rosales
Sa Pasyon ni Kristo, sinusundan ng mga tao si Hesus upang Siya ay kutyain, hatulan, at ipako sa krus, habang may kakaunting handang tumulong o kilalanin ang Kaniyang kabanalan. Ngunit sa panahon ng Traslación, ipinakikita nito ang pasyon ng mga tao para kay Kristo. Sinusundan ang yapak ng Poong Nazareno upang humingi ng biyaya at awa, at ibigay ang pinakamataas na papuri sa Kaniya.
Subalit, ano nga ba ang esensiya nito sa ating relihiyosong pagkakakilanlan? Ito ba ay isang manipestasyon ng ating tumataas na mga kahilingan habang tayo ay dumaranas ng matinding kahirapan? O isang paraan ng pagpapahayag ng pasasalamat sa ating mga kapalaran?
Makasaysayang debosyon sa Poon
Ilang araw matapos ang pagdiriwang ng Bagong Taon kung saan bumabalik muli sa normal ang kapaligiran, isa namang engrandeng kapistahan ang ipinagdiriwang ng milyon-milyong Pilipinong Katoliko tuwing ikasiyam ng Enero.
Taong 1787 nang maganap ang opisyal na paglipat sa bulto ng Hesus Nazareno mula sa orihinal nitong dambana sa San Nicolas de Tolentino sa Intramuros patungo sa simbahan ng San Juan Bautista sa Quiapo, Maynila.
Ang hakbanging ito ay ayon sa kagustuhan ng Arsobispo ng Maynila noon na si Basilio Sancho de Santa Justa y Rufina upang mas mapadali ang pagpunta ng mga deboto sa Poong Nazareno, partikular na ang masa.
Hindi nagtagal, maraming tao ang nagsimulang bumisita sa simbahan.
Sa pagdiriwang ng ika-400 taon na pagdating ng Poong Nazareno sa bansa noong 2007, unang isinagawa ang prusisyong tinatawag na ‘Traslación’ na ginugunita ang unang paglalakbay ng imahen sa kasalukuyang tahanan nito.
Ayon sa salaysay ng Filipino public historian na si Michael ‘Xiao’ Chua sa FEU Advocate, taong 2009 nang mapagdesisyunan ng Basilica ng Quiapo na gawing taunan ang prusisyon sa Luneta upang mas maraming makalahok at mas maging ligtas ang prusisyon.
“Isa sa pinakamahirap na bahagi ng prusisyon noong nasa Quiapo pa lamang ay ang simula. Kasi ‘yung simula… ‘pag papalabas ‘yung Señor [Nazareno], ‘yung mga tao naman ay gusto namang lumapit sa Señor. Ang nangyayari ay umiindayog ‘yung [mga] tao so may naiipit sa mga gilid ng Plaza Miranda. So medyo mahirap gumawa ng prusisyon sa Quiapo Church,” ani Chua.
Sa kasalukuyan, ang Pista ng Hesus Nazareno ay isa nang ganap na pambansang liturhikal na kapistahan na ipinagdiwang sa pinakaunang pagkakataon ngayong taon.
Bukod pa rito, ibinahagi ni Chua ang pagpapakita ng bayanihan at pakikipagkapuwa-tao ng mga deboto mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay habang masidhing nananalangin at sumasamba sa Poong Nazareno.
“Kailangan makita [natin] na hindi kaguluhan ‘yung nakikita natin na parang kaguluhan. Hindi siya talaga kaguluhan kasi may sistemang nangyayari sa loob no’ng pagsalya o pagtulak ng [mga] tao,” saad nito.
Binigyang-lalim naman ni Rev. Fr. Douglas Badong mula sa Parokya ng San Jose sa Tondo, Maynila ang konsepto ng ‘bayanihan’ tuwing Traslación na sumasalamin sa kultura ng mga Pilipino.
“Kasi sa kultura ng Pilipino, ‘pag sinabing bayanihan, magtutulungan ang mga magkakapitbahay para ilipat ‘yung bahay at papasanin ito ng mga kapitbahay lalo na ng mga kalalakihan… So kapag nakikita ninyo ‘yung mga prusisyon ng Itim na Nazareno na nakaandas tapos nakabalikat, [‘yung] bayanihan ‘yung magpapaalala sa atin nito,” paliwanag ni Fr. Badong.
Higit pa sa pagiging isang ritwal, ang Traslación ay isang malalim na tradisyong espiritwal. Ito ang naglalarawan sa pagkakaisa at kolektibong pananampalataya ng mga deboto upang sabay na ipanalangin ang kanilang mga pang-araw-araw na paghihirap sa buhay.
Mahigpit na pagkapit
Dinadayo ng maraming Pilipino ang Hesus Nazareno bunsod ng paniniwalang kayang tuparin ng milagrosong imahen ang kanilang mga kahilingan, tulad ng pagpapagaling sa mga karamdaman, pag-ahon sa kahirapan, o paghingi ng kapatawaran sa mga naging kasalanan.
Bagama’t may ilang deboto na nais lamang masilayan ang Poong Nazareno, higit na mas marami ang walang takot na sumasabay sa matinding balyahan makalapit lamang sa imahen tuwing sasapit ang taunang kapistahan.
Isa si Ronel Escalona na kinikilala ang sarili bilang ‘batang Quiapo’ dahil sa mahigit 40 taon nitong debosyon para sa Hesus Nazareno. Aniya, nagsimula ang kaniyang pamamanata sa Señor dahil sa impluwensiya ng kaniyang ina.
“Kasi ‘yung nanay ko deboto talaga ng Nazareno. Kasi gawa ng kapatid ko [na] may polio noon [at biglang] nakalakad. Kaya malaki ang paniniwala namin sa Kaniya… Kailan lang din ilang taon nang nakakalipas, ‘yung kapatid ko na na-stroke [ay] dinalaw ng kamay ng Nazareno sa amin. Ayun, mga ilang araw gumaling na ‘yung kapatid ko,” ani Escalona.
Paliwanag ni Escalona, lubos ang kaniyang pasasalamat para sa Poon dahil sa mga hindi matutumbasang milagro na ibinigay Nito sa kanilang pamilya.
Sa edad naman na 49, mahigit 20 taon nang deboto ang manininda sa Quiapo na si Nestor Macabagbag. Ito ay matapos pagkalooban ng Poon ang kaniyang kahilingan noon na gumaling mula sa iniindang sakit.
“Minsan, [kapag] malakas ‘yung paniniwala mo sa Kaniya, eh, halos magpakita na Siya kahit ikaw lang mag-isa. Ako [ang] probinsiya ko [sa] Cagayan Valley sa Tuguegarao po, nakahiga po ‘yun nung nagpakita Siya sa akin. Kaya hindi ko Siya makakalimutan na puntahan,” salaysay nito.
Mula naman sa panayam ng deboto at isa sa mga Hijos del Nazareno na si ‘Noel,’ mahigit 30 taon na ang kaniyang pananalig sa Poong Nazareno nang ipagpatuloy niya ang naiwang legasiya bilang deboto ng kaniyang namatay na kapatid.
“Tulad po ng itsura [ng Nazareno] na nakaluhod po Siya, pilit Niya pong binabangon ‘yung sarili Niya kahit anong bigat ng krus na dinadagan Niya. Gano’n din po ‘yung pamumuhay ko, pilit pa rin po akong lumalaban. Kahit meron o wala, matuto pa rin tayong magpasalamat,” paglalarawan ni Noel.
Batay sa pananaw ni Chua, isa sa pinag-uugatan ng ganitong pananampalataya ng mga deboto ay ang likas na pagiging palahingi ng mga Pilipino bunsod ng kahirapan sa bansa, kung saan inihahalintulad nila ito sa paghihirap at kamatayan ni Kristo.
“Hindi ko sinasabing mali ito, pero sinasabi kong hindi ito kumpletong larawan. Dahil sa lahat ng in-interview kong deboto, namamanata sila hindi [lang] dahil humihingi sila. Bagama’t minsan nando’n ‘yun, [subalit] ang pinakapangunahin nilang dahilan ay [ang] pasasalamat. Nagpapasalamat sila dahil gumaling ang kanilang ina, nagkaroon sila ng pagpasa sa exam, [o] merong pabor na kahilingan kaya sila namamanata. Kaya regular nilang ginagawa ang isang debosyon,” paliwanag pa ni Chua.
Iba-iba man ang karanasan at pinagmulan, ang tanging nagbubuklod sa mga deboto ay ang kanilang pananampalataya—ito ay nakaugat sa mga kuwento ng pag-asa, pasasalamat, himala, o muling pagbangon sa buhay, na sa pananaw natin ay maaaring hindi kapani-paniwala.
Hindi man natutupad ang lahat ng kanilang mga kahilingan, tiyak na magpapatuloy pa rin ang kanilang pananampalataya. Sapagkat ang pagkakatawang-tao ni Hesus ay may hatid na pag-asa para sa sanlibutan.
Pinaigting na pananampalataya
Sa kabila ng bayanihan at pagkakaisa, binigyang-linaw ni Chua na ang debosyon ng mga Pilipino tuwing Traslación ay tila pagsasadula rin sa kanilang araw-araw na pakikibaka.
“Ang nakikita ng mga tao ay hindi ang katapusan ng kuwento o paghihirap ni Kristo… tulad ng Kaniyang paghihirap ay natatapos din at nabuhay Siyang muli. Tayo din ay may pag-asa na mabuhay o gaganda rin ang ating sitwasyon. Kasi, hindi naman ‘yung krus ‘yung katapusan ng buhay ni Kristo, ito ay simula lamang,” paliwanag niya.
Para naman kay Fr. Badong, isa sa nagpatitibay sa pananalig ng mga deboto ay ang matinding pangangailangan na mayroon silang makakapitan.
“Kaya doon na nila ipinagpapatuloy iyon taon-taon. Na kahit hindi man Pista ng Nazareno ay pupunta sila sa Quiapo para sa Nazareno,” anito.
Sa mga sandaling tayo ay nawawalan ng pag-asa dahil sa ating pinagdaraanan, hindi nakapagtataka na karamihan sa atin ay naghahangad ng isang bagay na maaari nating panghawakan; isang bagay na magbibigay sa atin ng pag-asa at ginhawa.
Kaugnay nito ang isinalaysay ni Escalona sa kaniyang pagyakap sa mahal na Poon upang malampasan ang anumang tukso.
“[Dapat] laging positive [at] hindi negative. Gaya ng sinasabi nila, hingi ka nang hingi ng awa [pero] kulang ka naman sa gawa, useless din. Kailangan hihingi ka ng awa [at] tutuparin mo ‘yung mga hinihiling mo at gagawa ka ng kabutihan sa kapuwa mo,” giit nito.
Taon-taon, patuloy na ipinamamalas ng mga Katolikong Pilipino ang kanilang determinasyon at pagsasakripisyo sa loob ng isang araw para sa Poong Nazareno.
Sa kabila ng init, pagod, ingay, at matinding balyahan, higit na mas nangingibabaw ang pagkakaisa at taimtim na pananalangin ng bawat debotong dumadalo.
Mahirap mang maunawaan ang ganitong hindi maipaliwanag na pananampalataya, ito ang nagsisilbing pundasyon ng mga deboto sa kanilang pagpapakahulugan sa kabutihang dulot ng mahal na Poon. Ito ang kanilang lakas upang harapin ang bawat araw nang may tapang; na mayroong diumano’y handang pumasan sa kanilang mga krus at hindi sila nag-iisa sa kanilang mga pakikibaka.
(Kuha nina Aleena Louise Abad at Zedrich Xylak Madrid/FEU Advocate; Latag ni Jeffrey Dela Cruz/FEU Advocate)