Looking in Hindsight: The FEU Class of 2022 Valedictorians
- July 18, 2022 08:31
FEU Advocate
January 22, 2025 11:30
Ni Eryl Cabiles
Tinataglay ngayon ng kabataan ang dumadagundong na boses ng hinaharap. Isinisigaw sa lansangan, kabahayan, at iba’t ibang paaralan ang mithiin ng nagkakaisang boses. Ngayong darating na eleksiyon, pagkilatis ng kasalukuyang daloy ng politika at paghahangad ng mas maayos na lipunan ang layunin ng kanilang milyon-milyong boto sa #Halalan2025.
Kaya’t sa paparating na Mayo, hinihikayat ng mga iskolar ng politika at lider-estudyante ang higit 20 milyong kabataang nakarehistro upang makisangkot sa pagsusulong ng demokrasya sa Pilipinas.
Leksiyong eleksiyon
Pangkaraniwang sumasailalim ang lahat ng demokratikong bansa-estado sa eleksiyon upang maghalal ng bagong lider. Iba’t iba man ang porma at pagitan ng bawat halalan, simbolo ito ng pagsibol ng bagong administrasyon at pag-aangkop sa kasalukuyang panahon.
Ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas, anim na taon ang termino ng mga senador at tatlong taon naman para sa mga miyembro ng Kamara. Isinasagawa ang eleksiyon kada tatlong taon, tuwing ikalawang linggo ng Mayo.
Sa kaso ng Senado, salitan ang pagluklok sa 24 na senador. Isinaad ito ng Konstitusyon sa ikalawang seksiyon ng ika-18 artikulo bilang proseso ng demokratisasyon ng ating gobyerno.
“Of the Senators elected in the election in 1992, the first twelve obtaining the highest number of votes shall serve for six years and the remaining twelve for three years (Sa mga Senador na naihalal noong eleksiyon ng 1992, ang unang 12 nagtamo ng pinakamataas na boto ay magseserbisyo nang anim na taon at ang natirang 12 naman ay tatlong taon),” saad ng probisyon.
Ipinaliwanag ng propesor ng Agham Pampolitika na si Reynold Agnes ang lohika ng midterm elections sa FEU Advocate.
“Ito ‘yung panahon [kung saan] ine-evaluate nila ‘yung mga nasa puwesto na kung may nagawa ba [sila]… Bina-validate natin ‘yung mga accomplishment ng mga taong inaasahan nating gumawa dahil binoto natin sila,” aniya.
Bagama’t naiba sa Senado, lahat ng miyembro ng Kamara ay parehong tatlong taon lamang ang termino sa puwesto. Nagsisilbi itong mekanismo para sa patuloy na pagbabalanse ng politika sa bansa at pag-aangkop ng liderato ayon sa pulso ng masa.
Ipinaliwanag naman ni Ashlynn Mendoza, presidente ng TAMang Boto, na makabuluhan para sa sektor ng kabataan ang darating na eleksiyon.
“Isa siyang makabuluhang pagkakataon para maipakita ang aksiyon [ng kabataan] tungo sa mas maayos, mas tapat, at mas mapanuring pamahalaan. Dahil ‘yung paparating na eleksiyon, mayroon tayong kakayahang simulan unti-unti ang pagbabagong minimithi ng bawat Pilipino,” saad nito sa FEU Advocate.
Sumang-ayon naman sa hiwalay na panayam ni Far Eastern University (FEU) Political Science Society Auditor Jared Mallillin sa pamamagitan ng pagsentro sa pananagutan ng mga nailuklok na lider.
“Una, ‘yung layunin ng midterm elections sa Pilipinas ay muling suriin ang kasalukuyang kalagayan ng politika, or ‘yung political landscape in general. Pangalawa, impluwensiyahan ang direksiyon ng mga patakaran at tiyakin ang pananagutan ng mga pambansa at lokal na lider,” anito.
Ngunit, mababaw na antas ng demokrasya lamang ang ibinibigay ng eleksiyon ayon kay Agnes. Para sa guro, “minimum requirement” lang ito at ang aktibong pakikisangkot sa politika pagkatapos ng halalan ang mas malalim na kabuluhan ng demokrasya.
Tunay ngang hindi natatapos ang demokrasya sa botohan. Dahil pagkatapos ng halalan, pagkilatis at pagpapanagot sa mga pampublikong opisyal ang karugtong na responsibilidad ng mamamayan.
Pagbabatid-balakid
Sa kabila ng kahalagahan ng eleksiyon, balakid sa tunay na demokratikong proseso ang kasalukuyang ugnayan ng politika sa bansa.
Ayon sa propesor, ang patuloy na pag-usbong ng mga dinastiya ay nakahahadlang sa malayang halalan.
“Kung titingnan natin ang Konstitusyon, ipinagbabawal talaga siya [political dynasty] kasi, essentially, demokrasya tayo. So, kapag sinabi mong demokrasya, ang sistema ng gobyerno ay nasa kamay ng nakararami—sa tao, hindi sa [iilang pamilya]. With political dynasty kasi, napupunta ‘yung kapangyarihan doon sa iilan [kaya] nawawala ‘yung essence ng demokrasya,” ani Agnes.
Idinagdag pa nito na nililimitahan ng ganitong klaseng politika ang representasyon sa gobyerno, kung kaya’t limitado lang din ang epekto ng mga inilulunsad na polisiya at batas dahil hindi nakaugat sa masa ang kamalayan ng mga lider.
Kung titingnan ang realidad, kontra-masa nga ang gobyerno kung lumalaganap pa rin ang political dynasty. Makikita sa araw-araw ang patuloy na nagugutom na mga magsasaka dahil sa pambabarat ng estado, lumulubog na mga mangingisda dahil sa huwad na kaunlaran, at ang mga ikinukulong na aktibistang lumalaban para sa katarungan.
Ngunit sa kabila ng tahasang pananamantala, marami pa ring kandidato ang nagbabalat-kayo bilang “oposisyon” o “makabagong” politiko. Nagbigay ng payo si Mallillin sa kapuwa niyang estudyante upang hindi mahulog sa ganitong klase ng kampanya.
“Kailangan nating manaliksik… siyempre kailangan nating i-research ‘yung kandidato, at ‘yung plataporma nila o ‘yung mga nagawa… ’yung track record. Itse-check din natin ‘yung pinag-aralan. Angkop ba ang kaniyang kaalaman sa posisyong hinahangad?” anito.
Katulad ni Mallillin, nagbahagi rin ng pangaral si Mendoza bilang presidente ng TAMang Boto ukol sa pag-iwas sa mga naglipanang maling impormasyon sa social media.
“Kung first-time voter ka, at hindi mo alam kung [sino] ‘yung gusto mo talagang iboto, madali ka talagang madadala ng misinformation at disinformation. [Bilang sagot sa mga problemang ito], know your core. Alamin mo ‘yung mga prinsipyo mo, ‘yung mga personal na adbokasiya mo, ‘yung mga ipinaglalaban mo,” sambit nito.
Nagbigay rin ng abiso si Mendoza sa mga plano ng kanilang organisasyon upang maihanda ang mga mag-aaral ng Pamantasan sa paparating na eleksiyon.
“‘Yung organization namin, ‘yung TAMang Boto, is preparing for that kind of project [seminar] which offers demonstrations. It will also discuss ‘yung technicalities kung ano ‘yung dapat malaman sa bagong automated machines,” dagdag niya.
Hinigop na ng internet ang kontemporaneong klima ng politika bunsod ng pag-unlad ng teknolohiya. Iba’t iba man ang nagiging anyo at estilo ng “tradisyonal na politika,” nananatiling perhuwisyo ang dulot nito sa kabuoang diwa ng ating demokrasya, lalo na ang hindi matapos-tapos na problema sa dinastiya.
Paglubog ang huhubog
Tunay na “pagbabago” ang hinahangad ng kabataan sa darating na eleksiyon. Ilan sa mga mithiing ito ay makikita sa paglubog natin sa karanasan at pangangailangan nila.
Nagbigay ng ilang halimbawa si Mendoza ng mga suliranin at adbokasiyang kailangang mabigyang-atensiyon sa kampanya ng mga kandidato.
“Ito ‘yung pagkakataon natin upang… mahubog ang pamahalaan na maging mas makatarungan, makisimpatiya sa bawat isyu na kinahaharap ng bawat isa sa bansa… kagaya ng diborsyo, pagsulong ng labor rights, gender equality, disenteng sahod [para] sa mga manggagawa… pagpapatibay pa lalo ng sistema ng edukasyon, at marami pang iba,” bigay-halimbawa nito.
Nagbigay naman si Mallillin ng ilan pang suliranin ayon sa kaniyang pananaw bilang kabataan at lider-estudyante na dapat isulong ng mga tatakbong kandidato.
“Twenty years na nating hinihintay ‘yung SOGIE [Equality] bill na maipasa…’yung pagbuwag sa Anti-Terrorism Law, at marami pang mga bagay. Marami [pang] kailangang gawin upang ating [makamit] ‘yung ‘progressive Philippines,’” dagdag nito.
Binigyang-pansin din ni Agnes ang mga direktang maaapektuhan ng resulta ng eleksiyon—ang masa. Aniya, isama natin sila sa kampanya para sa mas maayos na lipunan.
“Tayo ang lumapit sa kanila. Dapat lumapit tayo sa kanila at i-share natin ang ating kaalaman kahit sa ilalim ng puno, puwede ‘yan,” mungkahi ng propesor.
Ngunit, nagbigay-babala si Agnes na hindi dapat dinidiktahan ang boto ng masa. Bagkus, ang tunay na paglubog ay ang pagpapalakas ng kanilang boses na sumisigaw ng iba’t ibang adhikain. Para sa kaniya, nakapag-iisip ang masa ngunit kailangan ng kaunting patnubay upang hindi malinlang ng mga politiko.
Sa ganitong paraan tinitingnan ng kabataan ang makatarungang pagbuo ng maka-Pilipinong polisiya: nakaugat sa tunay na karanasan at mithiin ng kanilang sektor. Hindi ng pansarili at pampamilyang interes, hindi ng pagsesemento ng angkan sa puwesto ng kapangyarihan. Makatao ang kabataan, kaya’t ito ang kanilang ipinaglalaban sa darating na halalan—mga makataong mambabatas.
Salakot ng pakikisangkot
Inaanyayahan ng pagkakataong ito na magbalik-tanaw noong 2022 kung saan lumahok ang 20 milyong kabataan sa eleksiyon. Binubuo nito ang 36 na porsiyento ng mga bumoto sa nasabing halalan.
Katulad ng pakikiisa ng kabataan noong 2022, inuudyok din nina Mendoza at Mallillin ang kapuwa nilang mag-aaral upang makiisa ngayong taon sa prosesong ito.
“Importante ‘yung pagiging aktibo—sa pakikibahagi, sa pakikialam sa mga kaganapang panghalalan,” ani Mendoza.
Nagbigay naman si Mallillin ng payo sa kaniyang mga katulad na estudyante sa Pamantasan.
“Napakahalaga rin ‘yung pagsali sa mga organisasyon. Kahit student-led organization siya, as long as may kinalaman sa politika, ito’y makakatulong upang magkaroon ng mas malalim na kaalaman at karanasan,” saad nito.
Inudyok naman ni Agnes ang Unibersidad na manguna sa pagtalakay ng mga isyu na kaugnay ng halalan. Sa pahayag nito, hindi kailanman makatatakas ang mga pamantasan sa panlipunang responsibilidad na imulat ang kabataan ukol dito.
“Whether we like it or not, [universities are] agents of political socialization (Gustohin man natin o hindi, ang mga pamantasan ay daluyan ng pampolitikang ugnayan)… Kapag sinabi mong ‘agent of political socialization’ ang isang educational institution, siya ‘yung nagtra-transfer ng mga kaalaman sa politika mula sa [naunang] henerasyon patungo sa bagong henerasyon,” anito.
Sa laban ng mas progresibong bayan, hinahamon ngayon ang FEU na makisangkot sa pagpapalaganap ng diskursong pampolitikal kaugnay ng halalan. Hindi ito nakahiwalay bilang organikong institusyon mula sa kalakhang lipunan dahil kasama ito sa laban ng kabataan.
Patunay rin na ang pagpikit ng mata at pagtikom ng bibig sa kadilimang dinadala ng makalumang kalakaran ng politika ay isang desisyong politikal. Kaya’t hindi makatarungang magpakapipi ang lahat ng unibersidad sa politika—dahil walang makapapasok nang matiwasay sa paaralan kung tahasang pinupundi ang kinabukasan ng kabataan.
Higit kailanman, kinakailangang alalayan ng Pamantasan ang kabataan sa pagkilatis ng susunod na anyo ng ating politika pagkatapos ng eleksiyon. Sa ganitong uri ng paglilinang pinupunan ng paaralan ang obligasyon nito sa lipunan—ang bigyang-tiyansa ang lahat upang sumakop ng espasyo sa bayang nagmamalasakit, sa gobyernong nagmamahal. Dahil sa huli, ‘paghahangad’ ng mas maayos na lipunan lang naman ang isinisigaw ng bawat estudyanteng boboto ngayong halalan.
(Latag ni Phoemella Jane Balderrama/FEU Advocate)