It’s Gayving!: Mabuhey Productions oust stereotypes in trad Pinoy holidays with MareQueerxmas
- December 12, 2023 10:34
FEU Advocate
January 08, 2026 14:31

Ni Eryl Cabiles
Matapos manalo nina Vice Ganda at Krystel Go bilang pinakamahusay na mga aktor sa ika-51 edisyon ng Metro Manila Film Festival (MMFF), muling umigting ang usapin ng representasyon at pagtanggap sa mga sektor na matagal nang isinasantabi sa pelikulang Pilipino.
Kamakailan lamang, umani ng samot-saring reaksiyon sa social media ang tagumpay ng dalawa matapos ang parangal. Habang hinahamon ng lipunan ang kasarian ni Vice Ganda, marami namang kumukuwestiyon sa kakayahan ni Krystel Go bilang isang aktres na may Down syndrome.
Isinisiwalat ng ganitong mga pagtutol ang mas malalim na tensiyon sa kasalukuyang lipunan: ang paniniwalang may hangganan ang kahusayan sa pag-arte batay sa kasarian, katawan, at kakayahan.
Hindi lang simpleng opinyon ang pagtutol sa pagkapanalong ito, kung hindi sintomas ng umiiral na pamantayan sa industriya at lipunan. Salamin ito ng isang lipunang pumapanig sa hindi patas na mundo, kung saan mas angat ang itinuturing na “normal.”
Sa kabila nito, malinaw ang mensahe ng MMFF sa pagkilala sa dalawang aktor. Ang talento ay hindi pribilehiyo ng iisang uri ng katawan o pagkakakilanlan. Bagaman may malubak ding kasaysayan ang institusyong ito, pinili ng MMFF ngayong edisyon na sumuway sa dominanteng diskurso ng “angkop” at “‘di-angkop” sa sining.
Binaklas ngayong taon ang konsepto ng normalidad, malayo sa nakagisnang formula ng pagiging “action star” ala-Fernando Poe Jr., “drama queen” katulad ni Vilma Santos o Nora Aunor, at love team trope na madalas dating pagbidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Giniba rin nito ang mga estereotipong ibinabansag sa mga bakla katulad ng mga pagganap ni Dolphy sa mga baklang karakter noong ‘60s at ‘70s, o kaya naman ang madalas na “kaibigang nakatatawa” sa mga pelikula.
Gayundin, pinatunayan ngayong taon na hindi nakakulong sa iisang uri ng “kakayahan” at kondisyon ng kalusugan ang pag-arte bilang sining at propesyon.
Ipinakikita ng mga institusyong pampelikula katulad ng MMFF ang pag-usbong ng mas mapanghamon na paglikha sa Pilipinas at ingklusibong pagtingin sa pelikula bilang mapagpalayang porma ng sining.
Nanay rin si Vice Ganda
Matagal nang layunin ni Vice Ganda ang manalo at katawanin ang komunidad ng mga bakla sa pelikula. Mula sa ‘Petrang Kabayo’ (2010) at ‘Sisterakas’ (2012) hanggang sa ‘And the Breadwinner is…’ (2024), patuloy niyang ibinabaka ang puwang ng kabaklaan sa industriya ng pelikula.
At ngayong edisyon ng MMFF nga, nasambit na niya ang mga katagang matagal na ring sinisikap iparinig sa publiko. “Queer people can be best actors,” idineklara niya sa kaniyang talumpati nang tanggapin ang parangal.
Sa kauna-unahang pagkakataon, natanggap ni Vice Ganda ang Best Actor Award sa MMFF para sa pelikulang ‘Call Me Mother.’
Itinampok sa pelikulang ito ang pagbali sa konsepto ng pagiging ina, hinahamon sa maraming anggulo kung sino at sa paanong paraan maaaring maging ‘nanay’ ng isang bata.
Sinundan ng pelikula ang kuwento ni Twinkle na ginampanan ni Vice Ganda. Inilantad dito ang legal na proseso kung sino lang ang maaaring magkaanak hanggang sa pamantayan ng lipunan kung sino ang maaaring tawaging ina.
Naiiba ang karakter ni Vice Ganda sa pelikulang ito kompara sa kaniyang mga karakter simula nang sumali ito sa MMFF noong 2012. Hindi kaparehas ng slapstick comedy na nakasanayan, binali ni Jun Lana ang direksiyon ng pag-arte ni Vice Ganda gamit ang paghahalo ng katatawanan at drama simula noong nakaraang MMFF 2024.
Isa itong makasaysayang sandali sa industriya na matagal nang nakasentro sa heteronormatibong pamantayan. Bago sa paningin ng mga tao ang pagkapanalo ni Vice Ganda dahil simula nang itatag ang MMFF, wala pang hinirang na lantad na bakla sa entablado.
Malinaw sa talaan ng mga hinirang na mga pinakamahusay na aktor ng MMFF ang dominasyon ng mga maskuladong lalaki. Pinangungunahan ito ni Christopher De Leon na may pitong tropeo sa pagiging pinakamahusay, kasunod ni Anthony Alonzo na may tatlong parangal para dito.
Sa lipunang mailap sa pagbabago, tahasang itinunggali ni Vice Ganda ang kaniyang puwesto sa pelikulang Pilipino.
Kaya rin ni Krystel Go
Matapang ding inilahad ng pelikulang ‘I’mPerfect’ na pinagbidahan ni Krystel Go ang buhay ng mga taong may Down syndrome.
Ipinakita sa kanilang pelikula ang paraan ng kanilang pagmamahal, at mga abilidad na kaya nilang gawin sa kabila ng pangmamaliit ng lipunan.
Madalas nakadantay sa ideya ng awa at sensationalism ang ganitong uri ng pelikula, puro representasyon sa komunidad ngunit walang pagpapalalim. Ngunit sa pelikulang I’mPerfect, binigyan ng lalim at kaluluwa ang kuwento ng karakter ni Krystel Go.
Kasama ni Go sa palabas ang aktor na Earl Amaba, parehas na may kondisyong Down syndrome, upang ibahagi ang kuwento ng kanilang komunidad.
Binaybay ng pelikulang ito ang mga pananaw na “parang bata” at mayroong mahinang katawan ang mga taong mayroong Down syndrome. Malinaw ang mensahe ng pelikula: kahit sino ay kayang magmahal at dapat mahalin.
Isinulat ni Sigrid Bernardo ang pelikula noong 2014 matapos nitong makilala ang komunidad ng persons with disabilities (PWD). Ibinahagi ng direktor na walang naniwala sa kaniyang ideya, kaya’t nitong taon lamang naisakatuparan ang proyekto sa tulong ni Sylvia Sanchez bilang prodyuser nito.
Mahabang panahon din ang hinintay ng komunidad ng PWD bago makilala ang kanilang kakayahan sa pelikula bilang ganap na sining, hindi lamang representasyon.
Ito man ang unang pagkakataon ni Go sa larangan ng pelikula, ipinamalas naman niya ang kaniyang talento sa pag-arte.
At nitong ika-27 ng Disyembre, kinilala ng mga hurado ang husay ni Go sa pagganap na matagal nang ipinagkakait sa mga artistang may kapansanan. “Kaya rin naming umarte,” pahayag niya sa kaniyang talumpati.
Parehas na nagkamit ng gantimpala ang dalawang pelikula ngayong taon. Nakuha ng Call Me Mother, sa direksiyon ni Jun Lana, ang Third Best Picture, samantalang nagwagi naman ng Best Picture ang I’mPerfect sa direksiyon ni Sigrid Bernardo.
Hamon ng hinaharap
Sa loob at labas ng kampus, mahalagang suriin ang papel ng pelikula bilang ideolohikal na aparato. Hindi lamang ito sumasalamin sa lipunan, kung hindi aktibong humuhubog sa kung aling mga katawan, pagkakakilanlan, at karanasan ang itinuturing na makabuluhan.
Buhat nito, hudyat ang tagumpay nina Vice Ganda at Krystel Go bilang simula ng mas matapang na pakikibaka sa pagganap sa katotohanang isinasabuhay ng maraming Pilipino.
Importante ito dahil malaki ang ginagampanang papel ng pelikula sa paghubog ng kamalayang Pilipino. Naipakikita sa sining na ito ang mga karanasang madalas itulak sa gilid ng lipunan.
Tunay na pakikibaka ang pagtaya sa mga kuwento ng katulad nina Vice Ganda at Krystel Go. Hamon sa hinaharap ng industriya ang patuloy na pagbuo ng mga kuwento na hindi lang nakakulong sa tipikal na naratibo—ang bakla ay dapat nakatatawa, ang may kapansanan ay masasakitin sa lahat ng eksena.
Nabibigyan ng espasyo ang iba’t ibang karanasan, kakayahan, at pagkakakilanlan sa pagkakataong ipinalalabas sa sinehan ang kanilang katotohanan, lalo na sa pagbibigay parangal sa kanilang kagalingan. Sa huli ay simple lang ang nais sabihin: mahusay rin sila.
Malaking bahagi sa hinaharap ng pelikulang Pilipino ang nangyari ngayong taon. Bilang isa sa mga tanyag na institusyong pampelikula, ipinahihiwatig ng MMFF na kailangan nang tingnan ng lipunan ang mas malalim na kabuluhan ng pelikula bilang salamin ng katotohanan.
Tapos na ang panahon ng pagsasantabi at pagkukulong kina Vice at Krystel. Sa kabila nito, marapat na umalpas din ang iba pang aktor sa nakagisnang papel sa pelikula dahil walang may monopolyo ng pagiging bida.
Maaaring hudyat ito ng isang mapagpalayang hinaharap; sa wakas ay unti-unti nang nakikilala ang kakayahan ng mga pinagkaitan ng ilaw sa entablado.
Kaya’t inaanyayahan ng tagumpay nina Vice Ganda at Krystel Go ang mga manonood, industriya, at institusyon na suriin ang mga pamantayang matagal nang nagtatakda kung sino lamang ang “karapat-dapat” umarte, magkuwento, at kilalanin.
Sa huli, hindi lang tungkol sa pagkamit ng kahilingan ang pagkakataong ito. Hinihimok ng pelikulang Pilipino na makiisa ang sambayanan sa laban ng mga isinasantabi sa lipunan.
Mapapanood ang Call Me Mother at I’mPerfect sa mga piling sinehan hanggang Enero ng 2026.
(Mga litrato mula sa Nathan Studios, Star Cinema, MMFF Facebook page; Latag ni Armina Juliana Guerrero/FEU Advocate)