FEU alumnus launches Pantawid Covid Project
- March 20, 2020 23:30
FEU Advocate
August 27, 2024 20:59
Ni Angel Joyce C. Basa
Inimbitahan ng Philippine Women's National Football Team ang siyam na Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraw Booters para sa drafting pool nito sa Filipinas Manila Camp na ginanap noong ika-17 hanggang 23 ng Agosto sa Rizal Memorial Stadium sa Lungsod ng Maynila.
Kasama sa siyam na manlalaro ang goalkeeper na si Yasmin Elauria at ang defenders na sina Lyka Cuenco, Erma Balacua, Jonela Albiño, at Janly Fontamillas.
Napabilang din ang forward players na sina Regine Rebosura at Dionesa Tolentin, pati na rin ang midfielders na sina Sarahgen Tulabing at Kyza Colina.
Sa panayam ng FEU Advocate kay Tulabing, inilahad niya ang pasasalamat para sa oportunidad na maging bahagi ng nasabing training camp.
“Hindi ko po in-expect (inasahan) na makukuha po ako kasi mga magagaling po ‘yung ando’n. Thankful (Nagpapasalamat) po ako kasi ako ‘yung isa sa nakuha for training camp [at] thankful (nagpapasalamat) din ako sa mga teammates (kakampi) ko na andiyan lagi [para] mag-guide (gumabay) sa akin, and (at) coaches,” aniya.
Gulat naman ang naging reaksyon ng rookie na si Colina nang makatanggap ng imbitasyon mula sa Philippine Women's National Football Team.
“Na-shock (Nagulat) po ako no’ng nalaman ko na na-call up (naimbitahan) ako. Hindi ko po in-expect (inasahan) na isa ako sa mabibigyan ng pagkakataong makadalo sa imbitasyon ng Filipinas Manila Camp. Masaya po ako na nakasama ako [sa] training camp,” paglalahad nito.
Dagdag naman ni Rebosura na malaking tulong ang training camp para sa nalalapit na pagbubukas ng Season 87 ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
“Malaking tulong po ito para sa darating na [UAAP] season sa’min dahil naka[ku]kuha po kami ng ibang idea (ideya) galing sa ibang coaches, especially (lalo na) galing po sa world cup coaches. Nabibigyan din namin ‘yung sarili namin [ng pagkakaton] na magkaroon pa ng confidence (lakas ng loob) at i-improve (pagbutihin) ang mga lapses and skills (kakulangan at kakayahan) namin sa loob ng field,” wika ng forward player.
Samantala, matatandaan na naging bahagi ng national team si team captain Tolentin sa nagdaang 2024 Pinatar Cup na ginanap sa España noong nakaraang Marso.
Sa kasalukuyan, nag-eensayo na ang mga Lady Booters bilang paghahanda para sa nalalapit na UAAP Season 87 ngayong Setyembre.
(Litrato mula sa FEU Womens Football Team Facebook page)